Balita

Pamilya ng Bilar 5, tinatakot ng militar para iatras ang planong awtopsiya

Kinundena ng Karapatan-Central Visayas ang walang-tigil na intimidasyon at harasment ng mga pwersa ng estado sa pamilya ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na namartir sa Bilar, Bohol noong Pebrero 23. Paulit-ulit na pinuntahan ng upisyal ng pulis na nagngangalang Misael Nicolas Asumbrado, mula sa Inabanga Town Police, ang pamilya ng namartir na si Perlito Historia para pilitin na umatras sa planong ipa-awtopsiya ang labi ng biktima.

Ayon sa Karapatan-Central Visayas, layunin ng mga “pagbisita” ng pulis na kumbinsihin ang pamilya na iatras ang kanilang paghingi sa Commission on Human Rights of the Philippines (CHR) na magsagawa ng independyenteng imbestigasyon at awtopsiya sa labi ni Historia. Sinubukan pa umanong suhulan ng pulis ang pamilya ni Historia at nangakong bibigyan ng scholarship at trabaho sa ilalim ng lokal na gubyerno, at makatatanggap ng ₱60,000 kung iaatras ang pakikipag-usap sa CHR.

Liban dito, nagbanta din ang pulis na hindi nila matitiyak ang kaligtasan ng pamilya kung itutuloy nila ang ugnayan sa CHR. Sinabi din nito sa pamilya na ang mga kaanak ng ibang namartir na rebolusyonaryo ay pumayag na sa alok na pera sa ngalan ng “pagpapanatili ng kapayapaan.”

Ang padron na ito ng harasment ay katulad ng kinaharap ng pamilya ni Hannah Cesista. Ang kanyang ama ay nilapitan ni Romeo Teruel, Excutive Assistant ng PTF-Elcac Cooperative Development Office, sa punerarya sa Tagbilaran City para pigilan siyang makipagtulungan sa mga progresibong grupo at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.

“Hindi namin palalampasin ang ganitong mga hakbang ng AFP-PNP at ng lokal na gubyerno ng Bohol na nagpapatindi lamang sa mga hinala at pumipigil sa pagbubunyag sa katotohanan,” ayon pa sa Karapatan-Central Visayas. Giit ng grupo na kagyat na itigil ng mga pwersa ng estado ang panghaharas sa mga kaanak at pamilya ng Bilar 5 dahil naghahatid ito ng takot at lantarang pagpapatahimik sa kanila.

“Kung walang dapat ikatakot at itinatago ang mga upisyal ng militar at pulis, hayaan nilang patunayan ito ng mga awtopsiya at imbestigasyon kung tunay nga na armadong engkwentro ang naganap…o masaker at pagtortyur na malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas,” pagtatapos ng grupo.

AB: Pamilya ng Bilar 5, tinatakot ng militar para iatras ang planong awtopsiya