Pandaigdigang presyo ng mga pagkain, tuluy-tuloy pa ring tumataas
Tuluy-tuloy na tumaas sa nakaraang 10 buwan ang pandaigdigang presyo ng mga pagkain noong Marso, ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations noong Abril 8. Pinangungunahan ito ng mantika, gatas at karne.
Ang pagtaas ay dahil sa patuloy na pagbaba ng produksyon, kakumbina ng mga restriksyon sa transportasyon na nananatiling nakapataw, mahigit isang taon mula nang magsimula ang pandemya. Isang halimbawa ang pagtaas ng presyo ng powdered milk na idinulot ng pagbaba ng produksyon sa Australia at New Zealand at kakulangan ng mga container para sa transportasyon nito. (Lubos na apektado nito ang Pilipinas, na buong nakaasa sa imported ng gatas, kabilang ang gatas para sa mga sanggol.)
Bahagya nang bumaba ang presyo ng karne noong Marso, pero nananatiling mas mataas pa rin ito kumpara sa Marso 2020. Ang pagbaba ng presyo ay dulot ng paglakas ng produksyon ng China, kung saan unti-unti nang nakababangon ang mga babuyan na sinalanta ng African Swine Flu.
Bahagya ring bumaba ang mga presyo ng trigo, mais at asukal, pero tulad ng karne, mas mataas pa rin ang mga ito kumpara sa unang mga buwan ng 2020.