Balita

Pangatlong kaso para idiskwalipika si Marcos Jr, inihapag sa Comelec

Inihapag ngayong araw ng mga biktima ng batas militar ang pangatlong petisyon para ipadiskwalipika si Ferdinand Marcos Jr. sa pagtakbo bilang presidente at sa anupamang pusisyon sa gubyerno sa hinaharap. Ang petisyon ay inihapag ng mga kasapi ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law o CARMMA. Nakapirma rito sina Satur Ocampo, Bonifacio Ilagan, Carol Araullo at 15 iba pa.

Dalawang petisyon na ang inihapag sa Comelec para ipawalambisa ang kandidatura ni Marcos Jr. Ang una ay inihapag noong Nobyembre 2 ng mga biktima rin ng batas militar na kinabibilangan nina Fr. Christian Buenafe, Ma. Edeliza P. Hernandez, Celia Sevilla, Roland Vibal, at Josephine Lascano. Nakapirma rin sa petisyong ito si Fides Lim, pinuno ng Kapatid, organisasyon ng mga pamilya at tagasuporta ng mga detinidong pulitikal mula pa noong panahon ng diktadurang Marcos.

Ang pangalawa ay inihapag noong Nobyembre 8 ng isang grupo na pinangunahan ni Rommel Bautista, isang duktor, at pinirmahan nina Edwin Reyes, Napoleon Siongco, Fernando Guevara, Santiago Muńoa Jr., Glenn Gallos, Noel Carpio, Joel Mayo, Marie Soriano, at Mario Montejo.

Nakabase ang tatlong petisyon sa kabiguan ni Marcos Jr. na ideklara sa kanyang sertipikasyon sa pagkakandidato ang “di mapasusubaliang katotohanan” na nahatulan siyang nagkasala ng korte noong 1995. Dalawa ang kaso niya noon sa di pagbabayad ng buwis na labag sa National Internal Revenue Code (NIRC). Pinatawan siya ng korte ng tig-3-taong pagkakabilanggo kada kaso at multa na ₱30,000. Nahatulan din siyang nagkasala sa pito pang kaso ng paglabag sa NIRC at pinatawan ng dagdag pang sentensya at mga multa.

Hindi kailanman nakulong si Marcos Jr. Nilabanan ng kanyang mga abugado ang hatol at kalaunan ay napabaligtad ang mga kaso, liban sa apat. Noong 1997, iniatras ng Court of Appeals ang sentensyang pagkakabilanggo pero pinanatili ang multa na ₱32,000. Naging pinal ang hatol noong 2001.

Ayon sa mga petisyuner, hindi kailanman binayaran ni Marcos Jr ang mga di-bayad na buwis kahit pa noong nagsilbi na siya bilang bise-gubernador sa Ilocos Norte noong 1981 hanggang 1983 at gubernador noong 1983 hanggang 1986.

“Makikita na sa sumunod na mga taon, hindi pa rin nagbayad ng buwis para sa mga taong 1982 hanggang 1985 si Marcos Jr,” ayon sa pangalawang petisyon. Alinsunod sa mga probisyon sa NIRC, ang sinumang pampublikong upisyal na nahatulang nagkasala na lumabag dito ay maaaring patawan ng maksimum na parusa ng habambuhay na diskwalipikasyon na humawak ng anumang pusisyon sa pampublikong upisina, bumoto o lumahok sa anumang eleksyon (Seksyon 253c ng NIRC.)

“Talagang anak ng magnanakaw ang sinungaling,” ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, kaugnay sa kaso ng pag-iwas sa buwis ni Marcos Jr. Nakatakdang dinggin ang mga petisyon sa darating na Nobyembre 26.

AB: Pangatlong kaso para idiskwalipika si Marcos Jr, inihapag sa Comelec