“Parang kaming inaatake”
Mga residente ng Sydney, umalma sa pagdeploy ng militar para ipatupad ang lockdown
Umalma ang mga residente ng Sydney, ang pinakamataong syudad sa Australia, para ipatupad ang mahigipit na lockdown sa kanlurang bahagi ng syudad. Ipinataw ang lockdown matapos tumaas ang bilang ng mga nahawa sa syudad. Noong Agosto 8, mayroong mahigit 4,000 aktibong kaso at 27 na namatay sa bayrus. Tatagal ang lockdown hanggang Agosto 28.
“Para kaming inaatake” ang pakiramdam ng mga residente dito. Ayon sa isang lokal na konsehal, nagdulot ng matinding takot ang presensya ng 300 mga sundalo laluna sa mas mahihirap at mas halo ang etnisidad na bahagi ng syudad. Marami sa mga residente dito ay itinuturing na manggagawang esensyal sa industriya ng pagkain, kalusugan at iba pa. Dati nang may nakadeploy na 100 mga pulis sa mga erya na ito.
“Para kaming mga second class citizens” ang sentimyento ng marami dahil iba ang mga hakbang na ipinatupad ng pamunuan ng syudad sa mas nakaaangat at mas purong puti na mga komunidad. Dahil sa takot, maraming pamilya ang hindi na lamang nagpapatingin sa mga duktor kung may nararamdaman. Marami rin ang nawalan ng trabaho dahil sa higpit ng mga ipinatupad na restriksyon.