Balita

Patrol Base ng 62nd IB sa Guihulngan City, pinaputukan ng BHB

Tahimik na nakalapit at pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang patrol base ng 62nd IB sa Barangay Sandayao proper, Guihulngan City, Negros Oriental bandang alas 8:00 ng gabi noong Disyembre 13. Dalawa ang nasugatan sa nagulantang na mga pasistang tropa ng 62nd IB.

“Kongkretong tugon ito ng BHB sa mga reklamo ng mamamayan sa kabukiran ng Central Negros dulot ng mga paglabag sa karapatang-tao ng 62nd IB,” ayon kay Ka JB Reglado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros. Kabilang sa pinakahuling mga krimen ng 62nd IB ang pagpatay nito sa magsasakang si Braulio Tobalado sa Barangay Amontay, Binalbagan, Negros Occidental noong Disyembre 6.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 160 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang isinagawa ng mga sundalo ng 62nd IB sa mga bayan ng Negros ngayong 2023. Tumatayong kumander ng batalyon at pangunahin responsable sa mga krimeng ito si Lt Col William Pesase Jr. Itinalaga siya sa batalyon noong Pebrero 2022.

Nanindigan ang BHB-Central Negros na pagbabayarin nito ang pasistang militar laluna ang pinakaberdugo sa mga ito na umaatake sa mga sibilyan sa Central Negros.

AB: Patrol Base ng 62nd IB sa Guihulngan City, pinaputukan ng BHB