Balita

Peke o totoo? Utos ni Duterte laban sa mga di bakunado, dagdag na pahirap at pasakit sa mamamayan

Pahirap at pasakit ang idinulot ng mando ni Rodrigo Duterte na ipagbawal ang paglabas ng mga di bakunado sa mga lugar na ipinailalim sa enhanced community quarantine o ECQ. Ginawa ni Duterte ang utos sa kanyang talumpati noong Hulyo 28 kung saan sinabi niyang “pauuwiin” ng mga pulis ang lahat ng di pa nabakunahan. Aniya, magkakalat diumano ang mga ito ng bayrus, kahit pa posible rin namang nagdadala ng bayrus ang mga bakunado na.

Noong Agosto 4, sadyang ginulo ng mga pinaghihinalaang trolls ng rehimen ang proseso ng pagbabakuna sa Maynila sa pamamagitan ng pagpapakalat ng balitang hindi bibigyan ng “pass” sa panahon ng ECQ ang di pa nabakunahang residente. Inatake ng mga ito ang website na ginagamit ng lokal na gubyerno para pigilan ang pagpaparehistro para sa pagpapabakuna. Resulta nito, libu-libo ang dumagsa sa mga vaccination site sa gabi ng Agosto 5, bisperas ng pagsisimula ng ECQ, para igiit na bakunahan sila.

Direktang sinisi ni Isko Moreno Domagoso, meyor ng Maynila, ang mga pahayag ni Duterte sa naganap na kaguluhan. Dahil kay Duterte, marami ang natakot na hindi mabigyan ng ayuda sa panahon ng ECQ (no vaccine, no ayuda). Mayroon ding nagpakalat ng pakanang “no jab, no work” na ikinadismaya naman ng maraming manggagawang di pa nabakunahan hindi pa dahil sa sila takot dito kundi dahil sa kakulangan ng suplay.

Ayon kay Moreno, natukoy na ng kanyang upisina ang mga “manggugulo” na naghakot pa ng mga tao at nagdala sa mga ito sa vaccination site sa SM San Lazaro at iba pang sentro ng pagpapabakuna.

Sa Quezon City, nabuko na rekisito sa isang barangay ang pagpapabakuna sa pagkuha ng exit pass. Nakunan ng bidyo ang isang upisyal ng barangay na tinanggihan ang isang residente dahil hindi pa siya bakunado. Itinanggi ng naturang upisyal na patakaran ito, at sinabing “nalito” lang siya, pero may iba pang residenteng nagsabi na laganap ang “no vaccine, noQCpass.”

AB: Peke o totoo? Utos ni Duterte laban sa mga di bakunado, dagdag na pahirap at pasakit sa mamamayan