Balita

Pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis, pangatlong pinakamalaking aytem sa pambansang badyet

Balita nitong nakaraang mga linggo ang papalaking pondo para tustusan ang lumolobong pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis. Noong Marso 25, naghapag ng panukala si House Speaker Lord Allan Velasco na dagdagan ng P54.6 bilyon ang pondong pangpensyon mula P152.9 bilyon na inilaan dito sa pambansang badyet. Ito ay matapos na kunwa’y “binawasan” ng P20 milyon ang naturang pondo na maling inanunsyo ni Bong Go na inilaan na pambili ng bakuna.

Kahit wala pa ang dagdag na pondo, pangatlong pinakamalaking aytem na ang pensyon ng mga sundalo at pulis sa 2021 pambansang badyet. Kasunod ito sa pondong inilaan para sa mga lokal na gubyerno (internal revenue allotment) na P700 bilyon at pondong awtomatikong inilalaan para pambayad sa interes ng pambansang utang (debt interes payment) na P530 bilyon.

Kung maipasa ang panukala ni Velasco at maitataas tungong P207.5 bilyon ang pondo sa pensyon ng militar at pulis, lalabas na mas malaki pa ito kumpara sa ayudang ibinigay ng estado sa ilalim ng Bayanihan 1 (P200 bilyon) at Bayanihan 2 (P165.5 bilyon).

Buung-buong kinukuha sa pambansang badyet ang pensyon ng mga retiradong pulis at sundalo. Di ito tulad ng pensyon ng mga guro at iba pang kawani ng gubyerno na awtomatikong ikinakaltas ng GSIS sa mga sweldo. Sa gayon, walang hiwalay na aytem sa pambansang badyet para sa pensyon ng iba pang kawani sa pampublikong sektor.

Dagdag dito, mas maagang ang edad sa pagretiro ng mga sundalo (55 taong gulang) kumpara sa iba pang mga empleyado ng gubyerno (60-65 taong gulang). Mas matataas ang kanilang mga pensyon dahil mas mataas ang kanilang batayang sweldo o base pay (nasa P30,000 ang entry level) kumpara sa mga guro, nars at iba pang pampublikong kawani na nasa P16-18,000 lamang.

Batay sa datos, halos kasingdami na ng aktibong personel ng AFP ang mga retirado nito. Noong Disyembre 2019, mayroong 147,159 aktibong sundalo habang 131,115 naman ang retirado. Sa ganitong sitwasyon, sa bawat piso na inilalaan ng gubyerno sa AFP, kailangan nitong maglaan ng dagdag na P0.50 para sa pensyon ng mga magreretiro. Mas mababa ang inilalaang pondong pangpensyon sa mga pulis dahil di hamak na mas marami ang aktibo (192,294) kumpara sa retirado (55,563).

Ayon sa Government Service Insurance System, posibleng umabot ng P850 bilyon kada taon o P17 trilyon ang kakailanganing pondo para sa pensyon ng retiradong mga pulis at sundalo sa susunod na 20 taon. Ang halagang ito ay batay sa 402,086 aktibong personel ng militar at iba pang “pwersang unipormado” noong 2019 na nakapagserbisyo ng minimum na 10 taon sa sweldong P39,687/buwan, at 196,004 pensyunado na may edad na 64 na nagretiro sa sweldong P39,520 kada buwan.

Para iwasan ito, mungkahi ng GSIS na itaas ang edad ng pagretiro mula 55 taong gulang tungong 60-65 taong gulang, ibenta ang mga ari-arian ng AFP tulad ng mga golf course, itakda ang pensyon sa aktwal na ranggo at hindi sa mas mataas na ranggo na awtomatikong iginagawad kapag nagretiro ang isang upisyal. ungkahi rin ng GSIS na ipako ang pensyon sa isang halaga at huwag isunod sa pagtaas ng base pay ng mga aktibong personel. Gusto rin ng ahensya na magbigay ang mga sundalo ng kontribusyon mula sa kanilang mga sweldo para sa kanilang sariling pensyon, ulad ng ginagawa ng mga manggagawa.

AB: Pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis, pangatlong pinakamalaking aytem sa pambansang badyet