Balita

Petisyon ni Duterte kaugnay sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang mga kaso, ganap nang ibinasura

Ikinagalak ng mga biktima ng huwad na gera kontra-droga ng dating pangulong si Rodrigo Duterte ang ganap na pagbabasura ng International Crimnal Court sa kanyang apela na ipawalambisa ang kanyang mga kaso dahil hindi na ito saklaw ng korte. Nagmumula ang petisyon sa argumentong hindi na myembro ang Pilipinas ang ICC at sa gayon wala na itong hurisdiksyon sa mga kaso na naganap sa bansa.

Sa desisyon ng mayorya ng Appeals Chamber noong Abril 22, kinumpirma ng korte ang unang desisyon ng Pre-Trial Chamber noong October 23, 2025 na nagbasura sa naturang petisyon. Pinal na ang hatol nito na may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimen laban sa sangkatauhan, pangunahin ang pagpatay, na naganap sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019 sa tabing ng “gera kontra droga” ni Duterte.

Ayon sa korte, “unpersuasive” o hindi nakakakumbinsi ang mga argumento ng petisyon ni Duterte. Sa gayon, nawalan na rin ng basehan ang petisyon niya para palayain siya (petition for release).

Hindi na maapektuhan ng pagdinig sa apela kaugnay sa hurisdiksyon ang itinakbo na ng proseso, ayon sa Appeals Chamber. Ibig sabihin, maari nang dumiretso sa pagdedesisyon ang PTC 1 kung kukumpirmahin nito o hindi ang tatlong kaso ng crimes against humanity ni Duterte.

Isinagawa ang pagdinig sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay Duterte noong Pebrero 23 hanggang 27, 2026 sa The Hague. Inaasahang ilalabas ng PTC1 ang desisyon posibleng sa o bago Abril 28.

AB: Petisyon ni Duterte kaugnay sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang mga kaso, ganap nang ibinasura