Pilipinas, muling inihanay sa mga bansang laganap ang money laundering

Noong Hunyo 24, muling inilagay ng Financial Action Task Force (FATF) ang Pilipinas sa tinatawag nitong “grey list” o listahan ng mga bansang may mataas na insidente ng money launderin. Kasabay na inilagay sa naturang listahan ang Haiti, Malta at South Sudan. Ibig sabihin, ipapailalim nito sa mas mahigpit na pagmomonitor ang mga bangko at pinansyal na transaksyon sa bansa. Maaari itong magresulta sa mas matumal na pagpasok na dayuhang kapital at mga sangksyon sa ekonomya.

Una nang nalagay sa black list ng FATF ang Pilipinas noong 2000 at sa grey list nito noong 2012. Ang “money laundering” ay ang paglilinis ng maruming perang nalikom mula sa mga iligal na aktibidad sa pamamagitan ng paglilipat-lipat nito sa mga lokal at dayuhang bangko o paglalagak nito sa mga lehitimong negosyo.

Ginawa ang paghihigpit sa kabila ng mga amyendang ginawa ni Rodrigo Duterte sa Anti-Money Laundering Act noong Pebrero at pagpasa ng Anti-Terror Law noong Hunyo 2020. Parehong di tinumbok ng mga batas na ito ang mayor na mga krimeng pinagmumulan ng maruming pera — ang bentahan ng iligal na droga at korapsyon.

Sa isang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na inilabas noong 2019 na nagsuri sa 161,650 suspicious transaction report o STR mula Enero 2013 hanggang Disyembre 2017 (nagkakahalaga ng P17.9 trilyon), natuklasang 12,508 sa mga ito (nagkakahalaga ng P10 trilyon) ay mula sa pagbebenta ng iligal na droga at kaugnay na mga krimen. Kalahati ng halaga (P5 trilyon) ay inulat sa unang taon ng “gera kontra-droga” ni Rodrigo Duterte. Sa pagitan ng 2015 at 2016, tumaas nang halos 200% ang halaga ng mga transaksyong may kaugnayan sa iligal na droga. Bumaba ito sa 2017, pero nananatili itong mas mataas kumpara sa 2014. Ang STR ay mga ulat na isinusumite sa AMLC kaugnay sa mga transaksyong pinagdududahang naglilinis ng maruming pera.

Ayon sa pagsusuri, halos lahat ng mga transaksyon ay isinagawa gamit ang mga lokal na bangko. May bahagi ng maruming pera na lumabas tungong US, Costa Rica, Malaysia at Nigeria pero malaking bahagi nito ay umiikot lamang sa loob ng bansa. Saklaw ng pagsusuri ang 21% ng STR sa nabanggit na mga taon.

Table 1: Halaga ng mga STR mula sa sa drug trafficking at kaugnay na krimen
2013 —P793 milyon
2014 — P873 milyon
2015 — P1.7 trilyon
2016 — P5.3 trilyon
2017 — P892 milyon

Sa isang mas masaklaw na pag-aaral na inilabas ng AMLC noong 2020, tumaas ang bilang ng mga STR nang halos 11 beses mula 2013 hanggang 2020. Sa pagitan lamang ng 2019 at 2020, tinayang tumaas ito nang 68% o mula 623,000 tungong 1.01 milyon. Liban sa pagbebenta ng iligal na droga, ang mga STR na ito ay nakaugnay sa korapsyon, investment fraud, ismagling, di pagbabayad ng buwis, paglabag sa copyright/intellectual property rights, iligal na pagbebenta ng armas at mga krimeng nakaugnay sa kapaligiran. Habang malaking bahagi pa ng maruming pera ay hawak ng mga komersyal na bangko, lumalaki na ang halagang dumadaan sa mga electronic money issuer tulad ng Gcash, Paymaya at PesoNet.

Mula 2012 hanggang sa kasalukuyan, itinuturing ng mga internasyunal na ahensyang nagmomonitor sa internasyunal na bentahan ng iligal na droga na “seryosong usapin” ang money laundering sa Pilipinas. Sa 2012 International Narcotics Strategy Report ng US na inilabas noong Marso, sinabi nitong ginagamit ng mga Chinese na sindikato bilang rehiyunal na lagakan at daluyan ng iligal na droga ang bansa. Ang mga sindikatong ito ang nagsusuplay ng papalaking bolyum ng shabu para sa lokal na konsumo. Ito ay matapos buwagin ni Duterte ang mga lokal na sindikato na sangkot sa lokal na produksyon ng shabu. Idinadaan rin ng mga Chinese na sindikato sa mga paliparan at daungan ng bansa ang materyal sa paggawa ng shabu mula China tungong Burma.

Kapansin-pansin sa ulat ng AMLC na 54% ng mga STR na naisumite mula Enero 1 hanggang Setyembre 2020 ay kaugnay sa bentahan ng iligal na droga, partikular ng shabu. Konsistent ito sa upisyal na ulat ng Philippine National Police na nasabat ng mga operatiba nito ang PHP171-milyong halaga ng droga na inilusot gamit ang mga komersyal na kuryer na kunwa’y nagdedeliber ng suplay-medikal o pagkain.

Liban sa mga aktibidad ng internasyunal na operasyon ng mga sindikato ng droga, mataas din ang antas ng korapsyon ng mga upisyal ng gubyerno at laganap ang human trafficking sa Pilipinas. Napadudulas ang paglabas-masok ng maruming pera na isinasabay sa malaking na bolyum ng remitans mula sa mga migranteng Pilipino. iban sa mga lokal na bangko, nililinis din ang maruming pera sa mga pribadong negosyo, partikular sa mga kasosyong kasino. (Isa sa may pinakamalaking pasugalan sa bansa ang mega-kroni ni Duterte na si Enrique Razon. May kontrata naman ang isa pang kroni ni Duterte na si Dennis Uy na magtayo ng dambuhalang kasino ) Noong Marso 2020, naiugnay sa isang pagdinig sa Senado ang P14 bilyong halaga ng mga transaksyon ng mga offshore gaming operations ng China sa Pilipinas (POGO) sa iligal na droga. Ang mga POGO ay sinasabing pinatatakbo ng mga Chinese na sindikato, at direktang tumatanggap ng pabor mula kay Duterte.

Sa hiwalay na ulat ng Securities Exchange Commission, tinukoy ang pandarambong at korapsyon bilang mayor na pinagmumulan ng maruming pera na pumapasok sa sektor ng pinansya mula 2017 hanggang 2019. Mula sa lokal na korap na mga pulitiko ang bulto ng maruming pera, pero mayroon ding ilan na pinagdududahang mula sa China. Ayon pa sa SEC, “lubos na mababa o wala” itong namomonitor na pondong “sumusuporta sa terorismo.”

AB: Pilipinas, muling inihanay sa mga bansang laganap ang money laundering