Pinuno ng CHR, pumanaw
Nagpahayag ng pakikiramay at pagkilala ang iba’t ibang mga progresibong grupo sa pagkamatay noong Oktubre 9 ng pinuno ng Commission on Human Rights (CHR) na si Jose Luis Martin Gascon. Ayon sa pamilya ni Gascon, namatay siya sa sakit na Covid-19 sa edad na 56.
Si Gascon ay hinirang na pinuno ng CHR noong 2015 ni Benigno Aquino III, dating presidente ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Dati siyang kasapi ng Liberal Party at kabilang sa mga grupong “sosyal demokrata” mula noong panahon na siya’y lider-estudyante sa University of the Philippines noong dekada 1980.
Ang CHR ay ahensya ng GRP na binuo sa ngalan ng pagtataguyod sa mga karapatang-tao, ngunit kadalasan ay nagsisilbi para pagtakpan ang malalalang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga armadong pwersa ng estado.
Subalit sa ilalim ni Gascon naging aktibo ang CHR sa pag-imbestiga sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at pagtuligsa sa mga ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng “gera sa droga” ni Rodrigo Duterte. Noong 2018, nagbanta ang rehimen na bigyan ng ₱1,000 badyet ang komisyon. Aktibo siyang nakipagtulungan sa mga organisasyong masang pambansa-demokratikong na isa sa pangunahing target ng panunupil ng rehimen.
Ayon sa Karapatan, matatag na pumanig si Gascon sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa harap ng mga atake ni Duterte laban sa kanya at sa CHR. Tinanggap ng CHR ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao, mga bilanggong pulitikal, at kanilang mga kapamilya. Nakipagtulungan din ang komisyon sa mga organisasyon sa karapatang-tao, dagdag pa ng Karapatan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Save Our Schools Network sa pakikiisa ni Gascon sa pakikibaka ng mga estudyanteng Lumad. Nagpahayag naman ng kalungkutan ang grupong Kapatid, mga kamag-anak at tagapagtanggol ng mga bilanggong pulitikal.
Marami ang nangangamba na sasamantalahin ni Duterte na magpwesto ng isa na namang retiradong heneral o sinumang pabor sa kanyang mga pasistang patakaran bilang kapalit ni Gascon.