Balita

Planong pagbisita ng US Defense Secretary sa Pilipinas, tinuligsa

,

Tinuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang nalalapit na planong pagbisita ni US Secretary of Defense Llyod Austin III sa Pilipinas at ang nakatakdang pakikipagpulong ng upisyal ng imperyalistang bayan sa mga upisyal sa depensa ng Pilipinas.

Ayon sa US Department of Defense, bibisita si Austin para “isulong ang panrehiyong istabilidad at ibayong palakasin ang pakikipagtulungan sa depensa sa United States.”

Subalit para sa Bayan, malinaw sa kanila na ang tanging layon ng pagbisita ni Austin ay para ipapanumbalik ang mga base militar ng US sa Pilipinas. “Ang pagbisita ay kasabay ng mga planong tiyakin ang limang napagkasunduang lokasyon sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA),” ayon pa sa grupo.

Anang grupo, mistulang panahon ng Cold War ang nagaganap ngayon kung saan ginagamit ang Pilipinas ng US para sa mga gerang agresyon nito sa Asia. “Isa itong malubhang paglapastangan sa ating soberanya,” giit ng Bayan.

Sa ilalim ng EDCA, magtatayo ng dagdag na mga pasilidad militar ang US sa bansa—dalawa sa prubinsya ng Cagayan, at tig-isa sa Isabela, Zambales at Palawan. Dagdag ito sa lima nang pasilidad militar ng US sa loob ng mga kampo ng AFP na itinayo sa ilalim ng EDCA. Pinaniniwalaang gagamitin ng US ang mga pasilidad na ito para ipwesto ang mga ground-to-air missile system na nakatutok sa China.

“Hindi natin kailangan ng EDCA at ang mga base militar ng US,” giit ng Bayan. Paliwanag pa nila, hindi totoong mapipigilan nito ang agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Sa huli, nanawagan ang Bayan sa mamamayang Pilipino na itakwil ang presensyang militar ng US sa bansa at huwag kalimutan ang mga abusong dinanas ng mamamayang Pilipino dahil sa mga baseng militar ng US sa nakaraan at ang Visiting Forces Agreement.

Ang pagbisitang ito ni Austin ay kasunod ng maraming pulong sa pagitan ng mga upisyal ng Washington at Manila, kabilang dito ang pag-uusap ni President Joe Biden at President Ferdinand Marcos Jr noong nakaraan.

Dalawang buwan pa lamang din ang nakararaan nang pumunta sa Pilipinas si US Vice President Kamala Harris.

AB: Planong pagbisita ng US Defense Secretary sa Pilipinas, tinuligsa