Balita

Pondo ng DSWD para sa ayuda, saan napunta?

Kinundena ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women (Amihan) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kabiguan nitong ipamahagi ang P780 milyong halaga ng Social Amelioration Program o pondo para sa ayuda. Kung naipapamahagi, napakinabangan sana ito ng libu-libong pamilyang mahihirap na apektado ng pandemyang Covid-19 at ng mga restriksyon, anila.

Dagdag pa ng grupo, aabot sa 139,300 benepisyaryo ang bigong makuha ang kanilang ayuda dahil sa dami ng mga requirements at hindi patas na mga pamantayan.

Ayon sa panimulang ulat ng Commission on Audit (COA), ang mga rehiyon na bigong magamit ang pondong pang-ayuda sa mga magsasaka ay ang rehiyon ng Cordillera, Cagayan Valley, Central Visayas, Eastern Visayas at Davao dahil sa pagbilang nito sa mga hindi kwalipikadong mga benepisyaryo sa kanilang masterlist.

Dahil dito pinagkaitan ng DSWD ng ayuda ang may 14,200 pamilya sa Cordillera; 4,762 sa Cagayan Valley; 28,978 sa Central Visayas, 45,609 sa Eastern Visayas at 45,751 sa Davao.

Pahayag ng grupo, karamihan sa mga nabanggit na rehiyon ay higit na nangangailangan ng tulong.

Tinukoy rin ng COA sa parehong ulat na aabot sa ₱4.36 bilyon na pondong pang-ayuda na ipinamahagi sa mga lokal na gubyerno ang hindi pa naipapaliwanag kung saan napunta. Kabilang dito ang mga upisina ng DSWD sa Metro Manila at rehiyon ng 4A, 4B, 5, 6, at 8.

AB: Pondo ng DSWD para sa ayuda, saan napunta?