Balita

Pulang mandirigmang maysakit sa kidney, sadyang pinatay ng 62nd IB sa Negros

Namamaga ang paa ng Pulang mandirigmang si Anthony Curson (Ka Miguel) dulot ng sakit sa kidney nang dakpin at sadyang pinatay ng 62nd IB noong Abril 28 sa Sityo Malatanglad, Barangay Budlasan, Canlaon City. Liban dito, isang magsasaka ang dinampot at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng mga sundalo.

Ayon sa ulat, si Curson ay nagpapahinga sa naturang lugar dahil namamaga ang kanyang mga paa at halos hindi na makalakad dulot ng sakit sa kidney. Si Curson ay isang hors de combat o kombatant ng BHB na wala sa katayuang lumaban.

Dinala siya sa bahay ng magsasakang si Leonido Montero at doon labis na pinahirapan bago pinatay. Tulad sa ibang kaso ng sadyang pagpatay ng mga rebolusyonaryo, pinalabas na napatay siya sa isang “engkwentro.”

Ang walang-pakundangan at sadyang pagpatay kay Curson at pagtortyur at pag-aresto kay Montero ay krimen sa digma at labag sa internasyunal na makataong batas at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Nilabag nito ang ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 1 ng CARHRIHL: “Ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) at yaong hindi tuwirang kalahok sa mga armadong sigalot ay may karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang-to, mga paniniwalang pampulitika, at moral at pisikal na integridad, at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi batay sa lahi, kulay, paniniwala, kasarian, kapanganakan, katayuang panlipunan o anumang katulad na pamantayan.”

Labag din ito sa ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”

AB: Pulang mandirigmang maysakit sa kidney, sadyang pinatay ng 62nd IB sa Negros