Balita

#PulisAngTerorista: Lola, walang-awang pinatay ng pulis

Nag-trending kahapon sa Twitter ang #PulisAngTerorista ilang oras matapos kumalat ang bidyo ng walang kaabug-abog na pagbaril ng isang lasing na pulis sa isang lola sa Quezon City. Kinilala ang biktima na si Lilybeth Valdez na binaril sa leeg ni M/Sgt. Hensie Zinampan sa Barangay Greater Fairview noong gabi ng Mayo 31.

Nakunan ng bidyo ng apo ni Valdez ang insidente kung saan makikitang palapit ang di naka-unipormeng pulis sa biktima. Hawak noon ng pulis ang kanyang baril na nakatago sa kanyang likuran. Sinabunutan niya ang biktima at pagkatapos ay binaril. Maririnig din sa bidyo ang pag-iyak ng mga bata na nakasaksi rin sa pamamaril. Agad na naaresto ang suspek matapos ang insidente.

Matatandaan ang kaparehong insidente ng pagpaslang ng pulis na si Jonel Nuezca sa dalawa niyang kapitbahay noong Disyembre 2020. Parehong nagresulta ang mga insidenteng ito ng pagkundena sa kutura ng karahasan at sistematikong mga pang-aabuso ng pulisya sa karapatang-tao. Sa panahong iyon, ipinagtanggol ni Zinampan ang pulisya at nagsabing isa siya sa sa “mabubuting pulis.”

Sa kaugnay na balita, binaril at napatay din ng pulis na si Cpl. Sherwin Rebot ang kapwa niya pulis na si Cpl. Higino Wayan habang nag-iinuman sa Barangay Commonwealth, Quezon City noong Mayo 30. Unang pinalabas ng suspek kasabwat ng kasama niyang sibilyan na drayber at isa pang pulis na nagpakamatay ang biktima. Matapos simulan ang imbestigasyon sa kaso, natulak ang drayber na aminin na pinatay ni Rebot ang biktima matapos na matalo sa bunong braso na kanyang ikinapikon. Napag-alaman din na hindi lisensyado ang baril na ginamit ni Rebot sa pamamaril.

AB: #PulisAngTerorista: Lola, walang-awang pinatay ng pulis