Pumanaw na bilanggong pulitikal, pinarangalan

, ,

Pinagpugayan at pinarangalan ng mga grupo sa karapatang-tao si Ernesto Jude Rimando. 58, sa pag-aalay ng kanyang buhay at dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino. Pumanaw si Rimando, beteranong organisador ng manggagawa, kaninang 5:13 ng umaga, Hulyo 23, dahil sa Stage 4 liver cancer.

Si Rimando, kilala ng kanyang mga kaibigan bilang Bogchi o Talong, ay nakapagtapos sa Philippine Science High School (PSHS) at dating estudyante sa kursong Mechanical Engineering sa University of the Philippines-Diliman. Naging aktibista siya mula hayskul.

Matapos nito, naglingkod siya bilang organisador ng kilusang paggawa at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid sa Visayas. Sa loob ng 20 taon, naging bahagi at tagapagsaliksik siya ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo.

Si Rimando ay inaresto noong Enero 6, 2021 at ikinulong sa Metro Manila District Jail-Annex 2 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. Mas malupit, siya ay piniringan, tinortyur at agad na ipinailalim sa interogasyon.

Pinalabas ng mga umaresto sa kanya na nakakumpiska ng mga baril at granada sa kanyang tinutuluyang apartment. Gumawa ng warrant of arrest ang mga pwersa ng estado sa pangalang “Allan Morales” at ipinagpipilitang iyon si Rimando. Ibinasura ng korte ang mga kasong ito noong Abril 2023 pero nananatili siyang nakakulong dahil sa iba pang mga kaso sa pangalang “Allan Morales” sa Visayas.

Si Rimado ay nagpunta noon sa Metro Manila noong 2020 para magpagamot sa kanyang sakit na liver cirrhosis at sepsis. Bago pa siya makapagpagamot, inaresto siya sa Quezon City.

Dumanas ng napakaraming sakit si Rimando kabilang ang Stage 4 liver cancer, chronic obstructive pulmonary disease at pulmonary tuberculosis. Noong Mayo 18, dinala siya sa Philippine General Hospital (PGH) para sa pagsusuri at napag-alamang naging Stage 4 liver cancer ang kanyang sakit na liver cirrhosis at mayroon na lamang tatlong buwan para mabuhay kung hindi magagamot. Bago nito, limang beses na siyang naglabas-pasok sa ospital.

Noong Hunyo 19, naghain ng petisyon si Atty. Kristian Lora ng Visayas Community Law Center, abugado ni Rimando, sa isang korte sa Bohol kung saan siya may kaso para palayain siya batay sa “recognizance” sa makataong mga batayan. Ang ganitong tipo ng pansamantalang kalayaan ay ipinagkakaloob sa mga maituturing na “low-risk” at mababa ang posibilidad na tumakas. Hindi na siya umabot sa sana’y pagdinig ng korte sa petisyong ito sa darating na Hulyo 30.

Sa pahayag ng Karapatan, ibinahagi nilang sa kabila ng hindi makatarungang pagkakakulong kay Rimando at napakalubha niyang sakit, nanatili siyang mataas ang diwa at militante at determinado sa kanyang adhikain para sa piagsasamantalahan at inaaping mamamayan.

“Ang kanyang serbisyo at sakripisyo ay habampanahong mamahalin ng napakaraming tao na kanyang nakadaupang-palad,” ayon pa sa grupo. Ibinahagi pa umano ni Rimadno, “Masaya ako sa buhay na nilakbay ko at sa mayamang mga karanasan na aking nakuha sa pakikibaka.”

Kabi-kabila ngayon ang mga parangal at pagdakila ng mga kaibigan, kaanak, dating mga kasama at kapwa aktibista para sa kanya. Nakatakdang magsagawa ng isang programa ng pagpaparangal ang mga aktibista at mga organisasyon sa Metro Manila. Dumalo naman sa isang misa ang mga bilanggong pulitikal sa Negros Occidental District Jail bilang pakikiramay sa naulilang pamilya ni Rimando. Naiwan niya ang kanyang asawa, mga anak at kapatid.

AB: Pumanaw na bilanggong pulitikal, pinarangalan