Balita

Pwersahang pagpapasurender at pagsakdal sa kahera ng RMP, kinundena

Mariing binatikos ng Rural Missionaries of the Philippines ang nagpapatuloy na panggigipit, pwersahang papasurender at pamimilit para sumang-ayon sa mga kasinungalingan at huwad na mga kaso ng kanilang mga myembro. Kinundena nito ang pamumwersa kay Angelie Magdua, kahera (cashier) ng RMP, na inipit at hinatulang maysala sa kasong “financing terrorism” noong Marso 16.

Kasama si Magdua sa 16 na myembro ng RMP na kinasuhan ng paglabag sa Seksyon 8 ng R.A. No. 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act. Inakusahan silang nagbibigay ng pondo ng RMP sa Paritido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Isinampa ang kaso laban sa kanila noong Agosto 2022.

Idinaan sa plea bargain (negosasyon sa pagitan ng nagsakdal at sinakdal para umaming nagkasala) nang walang paglilitis ang 55 kaso ng “financing terrorism” (pagpopondo ng terorismo). Ibinaba ang kaso labang sa kanya mula sa pagpipinansya tungo sa pagiging “accesory” o kasabwat sa krimen dulot diumano ng kanyang “pagsurender” noong Disyembre 4, 2022. Hindi inanunsyo ng Department of Justice ang “pagsurender” na ito, taliwas sa naging gawi ng mga ahensya ng gubyerno na iparada ang mga sibilyang “surenderi.” Si Magdua ang kauna-unahang hinatulang nagkasala sa kasong “pagpopondo sa terorismo.”

“Hindi lamang nirered-tag at sinasampahan ng gawa-gawang mga kaso ang mga misyunaryo at manggagawa (ng RMP), isinasailalim rin sila sa mga operasyong naglalayong ipresyur sila para sumang-ayon sa mga kasinungalingan at imbentong kwento,” ayon sa RMP. Sa ngayon, natigil ang mga programang edukasyon, pangkabuhayan at iba pang serbisyong pangkaunlaran ng RMP-North Mindanao Region dahil sa mga akusasyong ito.

“Maraming ordinaryong Pilipino na katuwang ng mga ministro ng RMP-NMR ang hindi na nakatatanggap ng kinakailangang tulong at pagkakataong umunlad dahil dito,” ayon sa grupong relihiyoso.

Tinawag ng Union of Peoples Lawyers in Mindanao na “hungkag” at “desperado” ang ipinagmamayabang ng DoJ na “tagumpay na paghatol” kay Magdua. Sa pamamagitan ng plea bargain, iniwasan ng DoJ na isalang sa korte ang kaso kung saan makikilatis ang testimonya ni Magdua, gayundin ng mga “saksi” na ipinrisinta ng estado, anito. Ikinalulungkot ng UPLM na nabitag ng estado si Magdua gamit ang mga kasinungalingan at mga huwad na pangako.

“Napagkaitan ng suporta ng isang masugid na alyado ng mga komunidad ng lumad at magsaasaka sa kanilang paglaban sa mga operasyong mina at malakihang negosyong agrikultural sa rehiyon,” ayon sa grupo ng mga abugado. “Ipinagkait sa kanila ang katuwang na nagtatransporma sa mga lumad tungo sa pagiging tagapagtanggol sa karapatang-tao.”

AB: Pwersahang pagpapasurender at pagsakdal sa kahera ng RMP, kinundena