Balita

Red-tagging, gamit ng DILG sa pamumulitika—PKP

Binatikos ngayong araw ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagbabanta nito sa mga pulitiko na inaakusahang “sumusuporta sa BHB” na isasakdal sila sa ilalim ng terror law, bagay na nagpapakita paanong ginagamit sa pamumulitika ang red-tagging laban sa mga kandidato sa eleksyong 2022 na tumutuligsa o di sumusuporta sa rehimeng Duterte.

Sa isang pahayag noong nakaraang linggo, idiniin ng DILG na “aktibo nitong ipadidiskwalipika” ang mga itinuturing nitong may kaugnayan sa CPP o sumusuporta “sa pamamagitan ng pagpipinansa” sa New People’s Army (NPA). Nagbabala ito sa mga pulitiko laban sa pagtalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng kanilang pagkampanya sa mga teritoryo ng NPA.

Sabi ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng CPP, “ang hindi ikinukubling mga banta na ito ay nakapuntirya sa mga pulitikong tumutuligsa sa mapanupil na mga patakaran ng tiranikong rehimeng Duterte.”

“Ang mga banta ng DILG na nag-uugnay sa mga kandidato sa CPP o NPA ay tila Sword of Damocles na nakaamba sa kanilang mga ulo, tulad ng kunwa’y ‘narco list’ na ginamit ni Duterte laban sa mga kalabang pulitiko upang pagbantaan sila ng pagpaslang kung hindi yuyuko sa kanyang tiraniya,” dagdag ni Valbuena.

Ani Valbuena, patuloy na ipatutupad ng rebolusyonaryong kilusan ang mga patakarang sumasaklaw sa kondukta ng reaksyunaryong eleksyon sa mga eryang kinikilusan ng NPA upang ipagtanggol ang interes ng mamamayan laban sa karahasan ng armadong mga maton o ng mga bantay na pulis at militar ng nangangampanyang mga pulitiko.

Hinikayat ni Valbuena ang lahat ng kandidato na kumonsulta sa mga kinatawan ng lokal na yunit ng NPA o mga organo ng kapangyarihang pampulitika upang mabigyan sila ng tagubilin hinggil sa mga patakarang ito. Binigyang diin niya na pantay-pantay na ipatutupad ang mga patakarang ito sa lahat ng pampulitikang partido at kandidato.

Ayon kay Valbuena, ang mga direktiba ng DILG at PNP ay kaalinsabay ng tuluy-tuloy na kampanya ng National Task Force-ELCAC laban sa mga progresibong grupong partylist na tumatakbo para sa kongreso. Humaharap ngayon ang Kabataan Partylist at Gabriela Women’s Party, kapwa bahagi ng Makabayan Coalition sa Kongreso, sa mga kaso ng diskwalipikasyon na isinmpa ng NTF-ELCAC.

“Ang mga kautusang ito ay patunay na ginawa ng rehimeng Duterte ang lahat upang manatili sa kapangyarihan sa gitna ng lumalaking diskuntento ng mamamayan sa palpak na tugon nito sa pandemya, laganap na korapsyon, pagtataksil, at mga krimen ng malawakang pagpaslang,” sabi pa ni Valbuena. (Kawanihan sa Impormasyon ng PKP)

AB: Red-tagging, gamit ng DILG sa pamumulitika—PKP