Rekomendasyon ng DoJ na kasuhan ang 2 dinukot na aktibista, kinundena
Kinundena ng mga grupong maka-kalikasan at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang rekomendasyon ng Department of Justice na kasuhan sina Jonila Castro at Jhed Tamano ng “oral defamation” dahil sa “pagpapahiya” diumano nila sa mga sundalo sa isang press conference.
Matatandaang balak noon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iprisenta sa publiko ang dalawa bilang mga “surrenderee” pero sa halip na sumunod sa dikta ng mga sundalo, matapang na ibinunyag nina Castro at Tamayo na sila ay dinukot, pinagbantaan at ipinailalim sa tortyur. Ginawa ng DoJ ang rekomendasyon matapos ibasura nito ang kasong perjury o pagsisingungaling na isinampa ng 70th IB laban sa kanila.
“Nakadidismaya” ang reaksyon ni Castro at Tamano sa anila’y malinaw na pagpanig ng DoJ sa tinahi-tahing kwento ng AFP at NTF-ELCAC sa kasong isinampa sa kanila ng militar.
“Isinaisantabi ni Prosecutor Arnold Magpantay na kami ay dinukot ng mga (ahenteng) militar, dinala sa mga safehouse, at ipinailalim sa psychological torture para piliting sakyan ang kwentong binuo ng ahente ng NTF-ELCAC,” ayon sa dalawa. “Itinuring niya ang banta sa aming buhay bilang pawang “imahinasyon” lamang. Ang intensyon namin na paglalantad ng katotohanan ay pinalabas na nagmula sa isang ‘malalim na paghahangad’ na siraan at ipahiya ang AFP.”
Ayon sa dalawa, pinatutunayan lamang ng desisyon na tama ang kanilang pagkwestyon sa kakayahan ng DOJ na maging patas sa imbestigasyon. “(U)na pa lang ay nagbigay na ng malisyosong pahayag si DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na ang aming ginawa ay parte lang ng ‘bagong pakana ng CPP-NPA’.”
“Sa halip na kilalanin ang nakagigimbal na kwento nina Jhed at Jonila kaugnay sa pagdukot, detensyon at tortyur sa kanila, pinagmukha pa ng DoJ na biktima ang mga nagdukot,” ayon naman kay Cristina Palabay ng grupong Karapatan.
“Nakapanggagalit na nakapaglabas ang DOJ ng isang desisyon na naglehitimisa sa nagpapatuloy na mga pang-aatake laban sa mga tagapagtanggol ng kalikasan na sina Jhed at Jonila,” pahayag ni Jon Bonifacio, national coordinator ng Kalikasan PNE. “Sa halip na bigyan ng kaunting hustisya sina Jhed at Jonila matapos ang kahindik-hindik nilang karanasan, binigyan pa ng bala ang mga dumakip sa kanila na militar.”
Ipinanawagan ng mga grupo na kagyat na tugunan ng Korte Suprema ang petisyon ng dalawang aktibista para sa writ of amparo para sa kanilang kaligtasan.
“Malinaw para sa amin na ang mga kasong ipinataw ay harassment para siraan ang moral, manakot sa mga gustong lumaban para sa karapatan, at magpatahimik,” pagtutuloy nina Castro at Tamano. “Isa lang ito sa maraming porma ng panunupil at paglabag sa ating karapatan sa pagpapahayag ng pagtutol sa anti-mamamayang mga patakaran.”