Rep. Castro, atpb sa 'Talaingod 18', naghain na ng apela sa korte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naghain na ng apela sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Satur Ocampo at 12 pang bahagi ng tinaguriang Talaingod 18 sa Regional Trial Court 2 sa Tagum City noong Hulyo 22 para baligtarin ang hatol na maysala sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata). Nang lumabas ang hatol noong Hulyo 15, kabi-kabila ang pagkundena ng mga demorkatikong organisasyon at maging internasyunal na mga institusyon sa tinawag nilang “maling” hatol laban sa Talaingod 18.

Ipinadala na ang mga dokumento kaugnay ng kaso sa Court of Appeals sa Cagayan de Oro para sa muling pagsusuri nito. Ibinalita ni Atty. Carlos Zarate, isa sa mga abugado ng Talaingod 18, ang paghahain ng apela sa korte sa isang panayam sa Davao Today kahapon, Hulyo 25.

Ang Talaingod 18 ay kinabibilangan nina Rep. Castro, Ocampo, administrador ng Salugpongan Learning Center na si Eugenia Victoria Nolasco, at mga guro ng paaralang Lumad na sina Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Tallada, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, Wingwing Daunsay, at mga lider-simbahan na sina Pastor Edgar Ugal, Rev. Ryan Magpayo, at Rev. Jurie Jaime mula sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at Pastor Eller Ordeza ng United Methodist Church (UMC). Ang apat na mga pari at pastor ay na-acquit sa naturang kaso.

Isinampa sa Talaingod 18 ang kasong child abuse, kidnapping at human trafficking nang sumaklolo sila sa mga guro at 14 na estudyante ng paaralang Lumad sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2018.

Nagpasaklolo ang mga estudyante at guro dahil sa kinahaharap nilang harasment ng pwersang paramilitar sa kanilang lugar. Ang panggigipit sa kanilang paaralan ay kaugnay ng atas ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2017 na “bombahin ang mga paaralang Lumad” at ipasara ang mga ito dahil sa ugnayan nito sa rebolusyonaryong kilusan.

Habang bumibyahe kasama ang kanilang sinaklolohan, pinaputukan at hinarang ang kanilang komboy. Kaagad silang inaresto at dinala sa kulungan pero agad ding nakapagpyansa. Noong Disyembre 2018, ibinasura na ng korte ang kasong kidnapping laban sa kanila.

Sa pinag-isang pahayag ni Rep. Castro at Ocampo noong Hulyo 15, sinabi nilang “di katanggap-tanggap at di makatarungan ang desisyon ng [korte].” Idiniin din nilang “ang di makatarungang hatol ay palatandaan ng nagpapatuloy na panggigipit sa mga tumutulong at nagsusulong sa mga karapatan ng mga batang Lumad at ang walang awat na mga atake sa mga eskwelahan at komunidad na Lumad.”

Samantala, tinatanaw naman ng ibang grupo na tahasang pag-atake ang hatol ng korte kay Rep. Castro matapos magdeklara ng kanyang kandidatura para sa pagka-senador sa darating na eleksyong 2025.

AB: Rep. Castro, atpb sa 'Talaingod 18', naghain na ng apela sa korte