Sa ika-4 na taon: Hustisya, patuloy na sigaw para sa Antique 7
Ginunita ng mga kaanak, pamilya at kaibigan ng Antique 7 ang ika-4 na taong anibersaryo ng kanilang pagkamatay noong Agosto 15. “Muli namin silang inaalala, ipinagdadalamhati at ipinagdadasal. Muli kaming sumisigaw ng hustisya,” saad nila.
Ang Antique 7 ang pagkakakilala sa pitong myembro ng National Democratic Front-Panay na pinagbabaril at pinaslang ng mga sundalo at pulis noong Agosto 15, 2018 sa Purok 7, Brgy. Atabay, San Jose, Antique. Sila sina Felix Salditos, Karen Ceralvo, Liziel Bandiola, Peter Mecenas, Eldie Labinghisa, Jason Talibo at Jayson Sanchez.
Inatake ng di bababa sa 100 armadong tauhan ng pinagsanib na pwersa ng 301st IBde, 61st IB at pulisya ang tinigilan nilang bahay at pinaslang sila habang natutulog. Ang pito ay nasa naturang barangay para magsagawa ng pananaliksik at imbestigasyon sa kalagayan ng mamamayan ng Antique, ang pinakamahirap na prubinsya ng Panay.
Ang apat sa pitong martir ay mga kadre sa propaganda at kultura. Si Salditos ay nagsilbi sa rebolusyon sa loob ng 40 taon bilang makata, dibuhista at pintor. Kilala siya sa pangalang Mayamor at Maya Daniel sa social media. Gumampan siyang patnugot ng pangmasang pahayagan ng Panay, ang Dabadaba, at dibuhista ng komiks nitong Caduy. Kilala at malawakang ginagamit ang kanyang mga obra sa mga pag-aaral at propaganda sa buong bansa.
Sa naging awtopsiya Commission on Human Rights Forensic Center, napag-alaman na karamihan sa kanila ay dumanas ng tortyur bago pinaslang ng mga sundalo. Kaugnay nito, dumulog noon pang Disyembre 2020 ang mga kaanak ng mga biktima sa Ombudsman para may mapanagot sa kaso. Inutusan ng Ombudsman ang tatlong upisyal ng pulis ng Antique at isang upisyal ng 301st Brigade na harapin ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa kanila ng mga pamilya ng mga biktima.
Sa paggunita ng mga kaanak ngayong taon, umaasa silang makakamtan nila ang hustisya. “Nananalig kami na paparaming namumulat at matatapang na Pilipino ang magkakaisa sa laban para wakasan ang lahat ng porma ng tiranya at pagyurak sa karapatan at kalayaan ng mamamayan,” saad ng pamilya at mga kaanak.
Sa pamamagitan lamang umano nito, tunay na makakamtan ang hustisya.