Sa ika-5 taong “paglaya” ng Marawi, wala pa ring hustisya at bayad-pinsala

Kahapon ginunita ang ika-5 taon ng diumano’y “paglaya” ng Marawi City sa “teroristang grupong Maute” matapos ito wasakin ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines. Paglipas ng maraming taon, nananatiling walang hustisya at hindi pa nakatatanggap ng bayad-pinsala ang mamamayang Moro.

Maaalalalang mula Mayo 23 hanggang Oktubre 17, 2017, halos araw-araw na binomba ng ng mga eropolano ng AFP ang syudad ng Marawi. Mahigpit na tinulungan ng militar ng US ang AFP sa pamamagitan ng pagsuplay ng mga bomba at paggamit ng drone para sa sarbeylans. Daan-daang sibilyan ang napatay, at halos isang milyon ang napilitang magbakwit dahil sa walang pakundangang pambobomba at panggegera ng AFP.

Imbes na gawing prayoridad ang pagpapabalik sa mga residente, inuna ng nagdaang rehimeng Duterte ang paglalatag ng kampo militar—kabilang ang mga pasilidad militar ng US—at pagtatayo ng museo, sports complex, parke at iba pang engrandeng imprastruktura.

“Ang konstruksyon ng gayong mga istruktura sa gitna ng mga bahay na binutas ng mga bala at bomba ay hindi nakapagbibigay ng pag-asa,” ayon sa grupong Marawi Reconstruction Conflict Watch. “Sa halip, pinaypayan nito ang pagkasiphayo at galit ng mga napalayas na Maranao.”

Hindi nakikita at hindi ramdam ang mga prinsipyo ng rekonstruksyon para sa mga tao, ayon sa grupo. Ni hindi nito ginawang prayoridad ang pangangalaga ng kulturang Maranao at ng Mindanao, sa magagawa sa pamamagitan ng rekonstruksyon ng nasirang mga eskwelahan at iba pang pasilidad sa edukasyon tulad ng mga makasaysayang kolehiyo at silid-aklatan.

Hanggang ngayon, di rin tapos ang mas kapaki-pakinabang na mga proyekto tulad ng ospital at palengke. Wala pa ni isa sa mga nawasak na ospital ang nakapagsimula ng rekonstruksyon. Ni wala pang maayos na sistema ng kuryente at tubig sa mga lugar na dinurog ng mga bomba ng AFP. Sa kalakhan, nananatiling “inhabitable” (hindi pwedeng tirhan) ang mga lugar na ito.

“Kada taon, ginugunita natin ang mga pangyayari sa Marawi at inuulit natin ang ating mga pahayag pero wala pa ring nagbabago,” ayon kay Drieza Lininding ng Moro Consensus Group. Hindi pa rin naibabalik sa mga Maranaw ang kanilang syudad.

Sa ulat mismo ng estado, sa 15,000 pamilyang nawalan ng bahay mula sa 24 barangay na pinuruhan ng mga atake at bomba ng AFP, 2,400 pa lamang ang nakatipon ng kinakailangang mga papeles para humingi ng pahintulot na muling itayo ang kanilang mga tirahan. Wala pang 1,000 sa kanila ang nakapagsimula ng konstruksyon. Mas marami pa ang nakatira sa mga evacuation center o sa mga kamag-anak. Nanganganib na mapalayas ang mga nasa ebakwasyon dahil nakatakda nang mag-ekspayr ang mga kasunduan sa paggamit ng pribadong mga lupa na kinatitirikan ng mga temporaryong tahanan.

“Hindi tayo nagkakaintindihan,” sagot ni Linindeng sa mga ipinagmamalaki ng estado na mga natapos na engrandeng proyekto. “Ang mga sinasabi ng Task Force (Bangon Marawi) ay listahan lang ng mga proyekto ng gubyerno. Ang kailangan sagutin ay kung nakabalik na ba ang mga residente para makapagtayo ulit ng kanilang mga buhay. Marami sa kanila ay hindi pa.”

Mas malala, noon lamang Abril pinirmahan ng rehimeng Duterte ang batas na magbibigay ng bayad-pinsala sa mga namatayan, nawalan ng bahay at lupa dulot ng pagdurog sa Marawi. Nang maupo si Ferdinand Marcos Jr sa pwesto, wala rin siyang ginawa hakbang para buuin na ang Marawi Compensation Board na inatasang mamahala sa prosesong ito. Dagdag dito, hindi sapat ang kakarampot na ₱1 bilyon na inilaan para rito sa pambansang badyet para sa 2023. Sa taya ng Asian Development Bank noong 2018, umaabot sa ₱11.5 bilyon ang halaga ng pinsala at ₱7 bilyon sa nawalang kita ng pribado at pampublikong sektor.

AB: Sa ika-5 taong "paglaya" ng Marawi, wala pa ring hustisya at bayad-pinsala