Sariling mando kaugnay sa pang-aaresto at detensyon ng mga “lumalabag sa lockdown,” binaliktad ng Department of Justice matapos ang isang taon
Matapos ang lampas isang taong walang pakundangang pang-aaresto, iligal na detensyon, pagtortyur at maging pagpatay ng mga pulis sa mga “lockdown violator,” sinasabi ngayon ni Justice Secretary Menardo Guevara na walang legal na batayan ang lahat ng mga ito.
“Nakakagalit at nakapanlulumo” ang paglalarawan ni Atty. dre Olalia, tagapangulo ng National Union of Progressive Lawyers (NULP), sa pagbawi ng DOJ ng “interpretasyon” nito sa batas na nagbunga sa pag-aresto, detensyon at tortyur sa daanlibong mamamayang tinaguriang “lockdown violator” o mga lumabag sa curfew, hindi nakasuot ng facemask o faceshield, hindi tamang nakadistansya sa iba, walang barangay pass at kung anu-ano pa. Ang interpretasyon na ito ang inabuso ng hepe ng PNP ang iutos niya noong Abril 2020 na arestuhin ang mga “pasaway” nang walang “warning” at mga lokal na ordinansa na lumalabag sa batayang mga karapatang sibil ng milyun-milyong mamamayan.
Noon pang nakaraang taon nilalaban ng NUPL ang mando ng DoJ na hindi lamang ginawang usaping pagpupulis ang krisis pangkalusugan, kundi itinuring pang kriminal ang mamamayan na mas madalas, natutulak na lumabas sa bahay dulot ng desperasyon.
Sa pahayag ni Guevarra noong Abril 5 , sinabi niyang dapat “community service” lamang ang ipataw sa mga nasisitang lumalabag sa lockdown, kabaliktaran sa paninindigan niya noong nakaraang taon pwedeng arestuhin ang sinumang sumusuway sa mga tuntunin ng lockdown at na makatarungan ang warrantless arrest laban sa mga “di sumusunod” sa mga hakbang pangkalusugan. Dulot nito, isa ang Pilipinas sa may pinakabrutal at pinakamapaniil (liban sa pinakamatagal) na lockdown sa buong mundo. Marami sa libu-libong inaresto ay nakaskulong hanggang sa ngayon dahil hindi maagapan ng mga korte ang kanilang mga kaso. Dahil dito, lalupang naging siksikan ang mga kulungan, na nagtaas sa posibilidad ng pagkakahawaan.
Mula nang ipataw ang lockdown, naglipana ang mga kwento ng pang-aabuso at pagpapahirap ng mga pulis at tanod sa midya at social media. Tampok kamakailan ang kaso ni Darren Manaog Penaredondo na namatay matapos pilitin siyang mag-ehersisyo bilang “parusa” sa kanyang paglabag sa curfew. yon sa pamilya, panandalian lamang na lumabas si Penaredondo para bumili ng tubig noong gabi ng Abril 2 mula sa kanyang bahay sa General Trias, Cavite. Dinampot siya ng mga pulis, at kasama ng iba pa, ay pinaggawa ng “pumping exercises” (kapareho ng push-up o squat). Hindi sila tinantanan hanggang hindi “sabay-sabay” ang kanilang mga aksyon. Umuwi si Penaredondo sa sunod na araw na hinang-hina at halos di makalakad. Nawalan siya ng malay at namatay sa araw ding iyon. May sakit sa puso si Penaredondo at nakikita ng pamilya na sanhi ng kanyang pagkamatay ang sobra-sobrang pisikal na ehersisyong ipinagawa sa kanya ng mga pulis.