Senator de Lima, pinawalangsala sa huling kaso

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinawalangsala ng Muntinlupa City Regional Trial Court ang dating senador na si Leila de Lima nitong Lunes, Hunyo 24, sa kasong pakikipagsabwatan para magbenta ng iligal na droga na isinampa laban sa kanya ng rehimeng Duterte.

Ang kasong ito ang pangatlo at huling kasong isinampa laban sa kanya. Napawalangsala siya sa unang kaso noong 2021, at sa pangalawa nooong Mayo 2023. Pinagbigyan siya sa kanyang petisyon na magpyansa at temporaryo siyang nakalaya noong Nobyembre 2023. Sa kabuuan, idinetine siya ng estado nang mahigit pitong taon.

Habang ikinagalak ni de Lima at kanyang mga tagasuporta ang pagtatapos ng huli niyang kaso, nanawagan silang papanagutin ang mga nagsampa ng mga ito. Nagbanta si de Lima laban kay dating presidente Rodrigo Durterte na kanyang pananagutin sa napakaraming krimen sa “war on drugs.”

Ikinagalak rin ng mga progresibong mambabatas ang lubos na paglaya ni de Lima.

Ani Carlos Zarate, bise presidente ng Bayan Muna, si de Lima ay biktima ng pulitikal na panggigipit ng administrasyong Duterte. “Ang pitong taong di makatarungan niyang pagkakapiit ay nagpapatampok sa laganap na pang-aabuso sa kapangyarihan at paggamit sa sistemang hudisyal bilang armas para busalan ang nagrereklamo at patahimikin ang oposisyon.”

Samantala, nanawagan ang Gabriela Women’s Party (GWP)para sa pagpapalaya ng iba pang bilanggong pulitikal.

“Habang tagumpay para sa hustisya ang pagpapawalangsala kay Sen. de Lima, matingkad na pagpapaalala ito na marami pang detenidong pulitikal ang nananatiling nakapiit sa mga gawa-gawang kaso,” pahayag ni Rep. Arlene Brosas ng GWP.

AB: Senator de Lima, pinawalangsala sa huling kaso