Balita

Serye ng panganganyon at aerial bombing sa Bukidnon, iniulat

Sunud-sunod na aerial bombing, panganganyon at istraping ang isinagawa ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nag-ooperasyon sa Malaybalay City, Bukidnon mula Marso 13 hanggang Marso 16. Lubhang apektado ng operasyong militar ito ang buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at Lumad sa naturang erya.

Noong Marso 13, kinanyon ang bahagi ng Barangay Culaman bandang alas-4 ng madaling araw. Binasag nito ang katahimikan sa komunidad at pamamahinga ng mga residente. Hindi pa matiyak kung ilang kanyon ang inihulog ng AFP sa naturang lugar.

Sinundan ito ng aerial bombing at istraping ng dalawang helikopter pandigma ng rehimeng US-Marcos sa Barangay Kaburakanan noong Marso 15 ng hapon. Tinatayang 16 na rocket ang inihulog ng dalawang helikopter at limang serye ng istraping. Muling naghasik ng lagim at takot ang mga sundalo nang magpakawala ng mga kanyon sa dalawang serye ng panganganyon sa parehong barangay bandang alas-8 ng gabi. Muling inatake ng mga helikopter ng AFP ang Barangay Kaburakanan noong Marso 16, alas-12 ng hatinggabi.

Hindi pa matukoy kung ilang sibilyan ang nadamay o nasaktan at lumikas dulot ng naturang mga insidente ng pag-atake ng AFP.

Ang aksyong ito ng AFP ay malubhang paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na pinirmahan kapwa ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines noong 1998.

Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi, Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin. Sila ay pangangalagaan laban sa walang habas na pambobomba mula sa himpapawid, istraping, panganganyon, pagmomortar, panununog, pambubuldoser at iba pang katulad na anyo ng pagwasak sa mga buhay at ari-arian, paggamit ng mga pampasabog gayundin ng pag-iipon ng baril, bala, pampasabog atbp. sa malapit sa kanila o sa gitna ng hanay nila, at sa paggamit ng mga sandatang kemikal at bayolohikal.”

Taliwas din ito sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas na nangangalaga sa kagalingan ng mga sibilyan sa gitna ng armadong tunggalian.

AB: Serye ng panganganyon at aerial bombing sa Bukidnon, iniulat