Balita

SHABU sa PILIPINAS, naglipana pa rin sa kabila ng 5-taong “gera kontra-droga” ni Duterte

Balita kahapon ang ulat ng United Nations Office on Drugs and Crime o UNODC kaugnay sa presensya ng “synthetic drugs” sa Southeast Asia. Ayon sa ulat, nananatiling mayor na dahilan sa mga pag-arestong may kaugnayan sa iligal na droga ang crystalline methamphetamine, mas kilala bilang shabu.

Ayon sa ulat, bahagyang bumaba ang bilang ng mga naarestong nagtutulak o gumagamit ng shabu noong 2020 dulot ng mga resktriksyon ng pandemya, pinakamarami pa rin sa mga naaresto ay dahil dito. Bago ang pandemya (2018-2019), 90% ng mga inaresto sa ilalim ng “gera kontra-droga” ay may kinalaman sa shabu.

Kasabay ng pagbaba ng mga aresto, tumaas ang tantos ng mga pinatay ng pulis sa mga operasyon kontra droga. Gamit ang datos mismo ng rehimen, mas mataaas nang 50% ang bilang ng mga pinatay ng mga pulis sa mga operasyong ito sa unang kwarto ng 2020, kumpara sa parehong panahon noong 2019.

Ayon din sa ulat, lumaki ang bolyum ng mga nakukumpiskang shabu— 2,196 kilo sa 2020 mula sa 2,071 nong 2019. Ayon sa ulat, pinasusubalian nito ang deklarasyon ng Philippine National Police na wala nang “lokal na produksyon ng shabu” dulot diumano ng pinaigting na mga operasyon ng pulis. Napag-alaman din ng UNODC na “bumaba” ang kalidad ng shabu sa Pilipinas, at dahil dito ay bumaba ang presyo nito — mula $136 USD noong 2019 tungong $130.8 last year.

Ilang ulit nang idineklara ng iba’t ibang sektor, kabilang ang ilang senador, na bigo ang “gera kontra-droga” ni Duterte.

AB: SHABU sa PILIPINAS, naglipana pa rin sa kabila ng 5-taong “gera kontra-droga” ni Duterte