SMNI, Lorraine Badoy-Partosa, binatikos sa bagong serye ng pang-aatake sa mamamahayag

,

Binatikos ng Movement Against Disinformation (MAD) ang panibagong serye ng red-tagging at kasinungalingang ibinulalas ng dating tagapagsalita ng National Task Force-Elcac na si Lorraine Badoy at kapwa niyang mga ahente ng ahensya sa isang programa ng Sonshine Media Network International (SMNI) noong Oktubre 11. Nagsalita sa naturang istasyon si Badoy kung saan malisyosong nagpakalat ng mga kasinungalingan laban kay Maria Ressa at Rappler na paulit-ulit nilang niredtag at malisyosong iniugnay sa rebolusyonaryong kilusan.

Pangunahing tinuligsa ng MAD ang SMNI dahil sa “paggamit, maling paggamit at pag-abuso” sa lehislatibong prangkisa na ibinigay ng Kongreso sa kumpanya nitong Swara Sug Media Corporation ni Pastor Apollo C. Quiboloy. Gayundin, nilabag umano nito ang 2007 Broadcast Code of the Philippines ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP). Si Quiboloy, na humaharap sa kasong abusong sekswal sa US, ay kilalang malapit na kaibigan ni dating presidente Rodrigo Duterte.

Ayon sa MAD, taglay ng masmidya ang interes pampubliko dahil nagsisilbi itong tagasiwalat ng impormasyon. Ngunit ang komentaryo at opinyong binubulalas sa SMNI ay lampas sa mga pamantayang ligal at etikal na ipinatutupad para pigilan ang maling paggamit at pag-abuso sa karapatan sa pamamahayag.

Ang MAD ay isang malapad na koalisyon ng mga akademiko, ligal na propesyon, organisasyong sibil, internasyunal at lokal na organisasyong non-government at iba pang grupo na nagkakaisa sa paglaban sistematiko at walang habas na pagkalat ng disimpormasyon sa social media.

Binigyang diin ng MAD na ang nabanggit na insidenteng kinasasangkutan ng SMNI ay malinaw na halimbawa ng aktibong pagpupunla at pagpapalaganap ng disimpormasyon. Hindi lamang ito umano atake kay Ressa o sa Rappler, kundi mismong paglabag ng SMNI sa “mandato nito sa publiko” na maging patas, obhetibo at maaasahang pinagmumulan ng balita at impormasyon. Sa batayang ligal, ethical at moral, pinagbabawalan ang SMNI na mangred-tag at ipahamak ang mga paksa ng kanilang balita, pagdidiin ng MAD.

Sa parehong programa, inatake rin ang mamamahayag na si Ronalyn “Len” Olea ng Bulatlat at ang Altermidya Network na binansagan nitong “internet operator” ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Kinundena ng Altermidya Network at iba pang mamamahayag ang aksyong ito ng SMNI at nila Badoy. Anito, malinaw na imbento lamang ang katawagang “internet operator” at nagpapakita ng desperasyon ng mga tagapagpakalat ng pekeng balita na kwestyunin ang mga mamamamhayag na kritikal sa estado.

Anila, hindi ito ang unang pagkakataong inatake ng SMNI ang mga personahe ng alternatibong midya.Pinalakpakan pa nga ng mga programa ng SMNI ang naging desisyon ng National Telecommunications Commission nang ipag-utos nito noong Hunyo ang pagharang sa website ng Partido, pati na ang iba’t ibang website tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly.

Itinuturing ng Altermidya at Rappler na ang mga atake sa kanila at kanilang mga mamamahayag ay atake sa kalayaan sa pamamahayag.

AB: SMNI, Lorraine Badoy-Partosa, binatikos sa bagong serye ng pang-aatake sa mamamahayag