Sundalo ng 80th IB, nanuntok ng residente sa isang barangay sa Antipolo City

Basta-bastang sinuntok ng sundalo ng 80th IB na si Marvin Stamo ang sibilyang residente ng Barangay San Jose, Antipolo City na si David Rizalte Papagitan noong Hunyo 29. Kasunod nito, pinagbantaan ni Stamo si Papagitan at sinabing papatayin siya kung patuloy siyang “uugnay” sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ilang buwan nang ipinaiilalim ng 80th IB sa paggagarison ang barangay na tintutuluyan ni Papagitan. Bantay-sarado ng mga sundalo ang kilos ng mga residente at pinaiiral nito ang paghaharing militar.

Noong Hunyo, tusong nagpakana ng isang reyd ang 80th IB laban sa iang pribadong sakahan sa Sityo Ysiro, Barangay San Jose habang nagpapanggap na mga Pulang mandirigma ng BHB-Rizal. Isinagawa ito para bigyang katwiran ang presensyang militar sa barangay.

Itinanggi na rin ng BHB-Rizal ang naturang reyd. “Anumang reyd na isinasagawa ng NPA ay para labanan ang mga sagadsaring panginoong maylupa, malalaking burgesya-kumprador, at mga pasistang galamay nito, sa layunin ng pagtataguyod sa karapatan at interes ng mamamayang anakpawis,” pahayag ni Ka Macario Liwanag, tagapagsalita ng yunit.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitala ng Ang Bayan ang hindi bababa sa 60 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng armadong pwersa ng estado sa Rizal. Umabot sa 4,252 ang bilang ng mga biktima sa mga paglabag na ito.

AB: Sundalo ng 80th IB, nanuntok ng residente sa isang barangay sa Antipolo City