Sunud-sunod na mga kaswalti, ininda ng militar at pulis sa Negros

Pinabulaanan ng sunud-sunod na mga kaswalti ng militar at pulis sa mga kamay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros ang ipinagmamayabang nina Maj. Gen. Benedict Arevalo, commanding officer ng 3rd ID-PA at Brig. Gen. Inocencio Pasaporte, commanding officer ng 303rd IBde-PA at ng National Task Force-Elcac-Negros na “nawawalan na ng suportang masa ang rebolusyonaryong kilusan” sa isla.

Napatay ang isang sundalo ng 62nd IB sa panibagong aksyong militar ng Leonardo Panaligan Command ng BHB-Central Negros sa Guihulngan City noong Setyembre 11. Akala ng mga pasistang tropa na tuwing mag-ooperasyon sila at malimit na magkakampo sila malapit o sa gitna ng mga kabahayan ng magsasaka ay ligtas na sila sa mga atake ng BHB. Ang akala ng mga pasista ay magagamit nilang “human shields” o pananggalang ang mga sibilyan sa pamamagitan ng pagkakampo sa mga eskwelahan, mga barangay hall at mga klinika ng barangay.

Ngunit nagkamali ang mga palamuning berdugo! Sa tulong din ng mga magsasakang pineperwisyo ng militar at pulisya ay nagtagumpay ang operasyong isnayp ng BHB bandang alas-siyete ng gabi sa nagkakampong tropa sa Sityo Tuko Gamay, Barangay Trinidad, Guihulngan City. Isang sundalo ang tinamaan at tuluyang napatay. Nagsitakbuhan sa sobrang takot ang mga berdugong sundalo. At upang tabunan ang malaki nilang kahihiyan ay sadyang tinago ng militar ang kanilang patay sa mga residente na hindi naman nila maloko.

Dalawang araw bago nito, noong Setyembre 9, hindi nakaligtas ang isang pulis sa ilalim ng Philippine National Police (PNP)-Guihulngan City nang magsagawa ng operasyong isnayp ang BHB sa PNP Substation sa Sityo Parkingan sa Barangay Trinidad pa rin. Isa ang napatay habang kumaripas ng takbo ang mga pulis.

Noon namang Agosto 30, dalawang pasistang tropa ang kumpirmadong patay at isa pa ang nasugatan sa operasyong harasment na inilunsad ng isa pang yunit ng BHB sa ilalim ng Leonardo Panaligan Command laban sa Alpha Coy ng Advance Detachment ng 62nd IB sa Sityo Casingan, Barangay Trinidad, Guihulngan City.

Sagot ng BHB ang sunud-sunod na mga aksyong militar na ito sa pagmamayabang ng mga upisyal ng militar at pulisya na nauubos at nawawalan na ng suporta ng mamamayan ang BHB sa isla. Muling pinatunayan na tuwing bubuka ang bibig ng mga kumander ng papet-pasistang rehimeng Marcos II ay tiyak na kakainin nila ang kanilang mga bulaang salita.

AB: Sunud-sunod na mga kaswalti, ininda ng militar at pulis sa Negros