Takot ang hatid ng araw-gabing panganganyon sa kabundukan ng Sipalay

Nakadama ng takot ang mga naninirahan malapit sa bundok ng Sityo Binus-ay, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental sa araw-gabi na panganganyon ng Philippine Army noong Setyembre 27-30 malapit sa kanilang mga komunidad.

Bahagi ang panganganyon sa serye ng pagsasanay ng 3rd Field Artillery Battalion ng Philippine Army sa Sipalay City.

Ayon sa mga residente, hindi bababa sa 40 bomba ang pinasabog ng mga sundalo na tumama malapit sa kanilang lugar.

Dalawang kalabaw ang napahamak sa pangyayari at nakapinsala rin ito sa kalikasan.

Samantala, mahigpit na kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang walang tigil na pananakot at panliligalig ng 47th IB sa bayan ng Cauayan at lunsod ng Sipalay.

Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, mula Mayo 30 hanggang sa kasalukuyan, sinaklaw ng operasyong militar ng mga sundalo ang walong baryo o 35 sityo ng Cauayan at dalawang baryo o 10 sityo ng Sipalay. Nasa 200-300 sundalo ang nanghahalihaw ngayon sa lugar.

Ang mga operasyong ito ay magbubunga lamang sa galit at pag-aalsa ng mamamayan, kagaya ng nangyari sa ilalim ng diktadurang US-Marcos Sr.

Pursigido ang hukbong bayan na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng pasistang estado, ayon kay Guerrero.

AB: Takot ang hatid ng araw-gabing panganganyon sa kabundukan ng Sipalay