“Talbog” at di rekoberi ang pagtaas ng GDP
Talbog mula sa pagkasadsad noong nakaraang taon at hindi pagbangon ang 11.8% na paglaki ng gross domestic product o GDP ng Pilipinas sa ikawalang kwarto ng taon. Ito ang reaksyon ng ilang mga ekonomista sa ipinagmayabang ng rehimen na “bumabawi” na ang lokal na ekonomya.
Anila, nakabatay ang estadistika sa malaking pagbagsak ng ekonomya sa ikalawang kwarto noong nakaraang taon, kung saan sumadsad nang 17% ang lokal na produksyon na idinulot ng kara-karakang pagpataw ng lockdown at kawalan ng sapat na ayuda sa mamamayan.
Ayon sa Ibon Foundation, sa aktwal ay di umuusad ang ekonomya mula sa pagsadsad nito. Di signipikante ang paglago nito sa unang kwarto ng taon (0.7%). Humina, at di bumilis ang pag-unlad sa ikalawang kwarto na nasa 1.3% lamang. Sa taya ng Ibon, sa huling bahagi pa ng 2022 “makababangon” ang Pilipinas.
Dagdag pa ng Ibon, para makabawi, kailangang resolbahin ng mga upisyal ng rehimen ang mataas na tantos ng disempleyo, paglaki ng mga trabahong mababa o walang sahod, at pagbagsak ng impok ng maraming pamilya dulot ng paulit-ulit na lockdown at kawalan ng makabuluhang ayuda.
Ayon naman sa ekonomistang si Solita Monsod, resulta lamang ang 11.8% na GDP sa tinatawag na “base effect” o dahil nagmumula ito sa napakababang “base number.” Isa itong ilusyon at di patunay na maayos na napangangasiwaan ng rehimeng Duterte ang ekonomya, tulad ng ipinagpipilitan ng National Economic Development Authority.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Office, nasa P8.9 trillion lamang ang GDP sa unang hati ng 2021, malayo sa P9.4 trilyon na GDP sa parehong panahon noong 2019.