Tayo, tayo na naman sa lockdown: Taumbayang nagtutulungan, inutil na pamahalaan
Muling isinailalim ang National Capital Region (NCR) sa panibagong serye ng mas mahigpit na mga lockdown dahil sa pangambang kumalat ang mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19. Ang pagpapatupad ng panibagong malawakang lockdown ay patunay ng kapalpakan ng gubyerno na harapin ang pandemya, laluna sa pagtataas ng kakayahan na tugaygayan ang pagkalat ng sakit sa halip na manatiling bulag at huli sa pagkalat ng Covid-19.
Hindi na nga ginagawa ang kinakailangang pagpapalakas ng sistema ng pampublikong kalusugan (mass testing at mabilis at malawak na contact tracing), wala ding ginagawa ang gubyerno para tiyakin ang pagbibigay ng ayuda sa mamamayan, laluna sa pagpapataw nito ng lockdown.
Bilang protesta at pagsasakdal sa kapalpakan ng rehimen, pinangunahan ng grupong Defend Jobs Philippines ang kampanyang Flag Brigade PH na layong bahay-bahay na mamahagi ng ayuda at kumuha ng mga donasyon sa isang takdang lugar.
Ayon sa grupo, sisimulan nila ang inisyatiba sa Agosto 6 sa may 200 kabahayan sa Sampaloc, Manila. Namahagi na sila ng mga flaglet (mga banderita) na kulay berde (nangangahulugang magbibigay ng donasyon) at pula (nangangailangan ng donasyon) na itataas o ilalagay ng mga residente sa kani-kanilang mga bahay.
Malikhaing pagbabago ito sa naunang konsepto ng commmunity pantry para umakma sa mga restriksyon. Samantala, ayon kay Anna Patricia Non, kilalang nagpasimula ng community pantry, hindi na sapat na ‘tayo, tayo na naman’ ang magtutulungan sa panibagong serye ng lockdown. Anya, dapat umaksyon na ang pambansa at lokal na mga gubyerno at maging ang mga malalaking korporasyon.
Hindi pa rin nililinaw ng pambansang gubyerno kung mamamahagi ng ayuda sa mga lugar na maapektuhan ng lockdown at maging kung saan kukunin ang pondong gagamitin dito. Ilang mga mambabatas naman ang naggigiit na madaliin ang pagsasabatas sa Bayanihan 3 para makaagapay sa muling pagsirit ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.