Balita

Usigin ang “tagapayong ispirtwal” ni Duterte sa mga kasong panggagahasa sa bata

,

Nananawagan ang Gabriela at iba pang tagapagtanggol ng mga karapatan ng kababaihan sa Mindanao at buong bansa na puspusang imbestigahan si Apollo Quiboloy, sinasabing “tagapayong ispiritwal” ni Rodrigo Duterte. Ito ay matapos isapubliko ang pagsasakdal kay Quiboloy sa mga kasong sex trafficking at iba pa sa isang korte sa US noong Nobyembre 16.

Nahaharap si Quiboloy at siyam pang upisyal ng itinayo niyang sekta, ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC), The Name Above Every Name, ng mga kasong child sex trafficking. Sinampahan din sila ng sex trafficking by force, fraud and coercion, marriage fraud, money laundering, cash smuggling at visa fraud.

Ayon sa Gabriela, madali nang imbestigahan ang grupo ni Quiboloy dahil nakalagay na sa kasong isinampa laban sa kanya ang mga detalye nito. Laman ng 75-pahinang dokumento ng pagsasakdal ang mga detalye ng pamumwersa ni Quiboloy at iba niyang upisyal na makipagtalik sa kanila ang mga bata at kababaihan, at kung hindi ay mapupunta sila sa impyerno. Kabilang sa mga biktima ni Quiboloy ang mga babaeng may edad 12 hanggang 25. Ang pakikipagtalik sa mga menor de edad ay panggagahasa, anupaman ang mga kalagayan.

Si Quiboloy ay mahigpit na tagasuporta at matagal nang kaibigan ni Rodrigo Duterte. Sa Davao, kilala siya bilang mang-aagaw ng lupa na kinatitirakan ng hedkwarters ng kanyang sekta sa Davao City. Pagmamay-ari niya ang Sonshine Media Network International (SMNI) na nanguna sa pangrered-tag sa mga progresibong kandidato nitong nakaraang mga linggo. Pinatatakbo rin ni Quiboloy ang Children’s Joy Foundation USA, isang mapagkawanggawang institusyon na ginagawa niyang palabigasan para pondohan ang magarang pamumuhay niya at ng iba pang upisyal ng simbahan,

Noong 2016, inamin ni Duterte na tumanggap siya ng mga “regalo” na mga bahay at mga sasakyan mula kay Duterte noong meyor pa siya ng Davao. Kabilang sa mga ito ang mga bahay na nakapangalan kay Sara Duterte-Carpio. Hindi lahat sa mga ito ay nakalagay sa isinumite niyang SALN sa naturang panahon.

Iginiit ng Gabriela na dapat tiyaking hindi makatatakas si Quiboloy at kanyang mga upisyal sa pamamagitan ng pagpataw sa kanila ng “hold departure order.” Dapat ring tiyakin ang proteksyon ng mga biktima ng sekta na gustong lumitaw at tumestigo labansa mabangis na “red-tagger.”

“Dapat papanagutin ang mga makapangyarihang indibidwal sa kanilang pang-aabuso sa kapangyarihan at karahasang sekswal laban sa kababaihan at bata,” ayon pa sa grupo.

AB: Usigin ang “tagapayong ispirtwal” ni Duterte sa mga kasong panggagahasa sa bata