Walang ayuda pero may P9.4 bilyong nakatabi para sa AFP, PNP
Nilantad ng Bayan Muna Partylist noong nakaraang linggo na mayroong mga kontrata ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga ng P9.4 bilyon sa kabuuan na hindi natapos, sinuspinde o hindi na itinuloy noong 2020. Ito ay habang patuloy na iginigiit ng rehimeng Duterte na wala itong pondo para ayudahan ang mamamayan sa gitna ng pandemya.
Ito ay matapos na tawagan ng pansin ng Commission on Audit (COA) ang AFP at PNP kaugnay sa bilyun-bilyong pisong mga kontrata ng mga ito na hindi naipatupad noong 2020 at iba pang anomalya. Sa ulat nito, nalantad na 41 proyekto ng naturang mga ahensya na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon ang hindi natapos sa takdang panahon.
Dagdag pa rito ang siyam na sinuspindeng proyektong militar na nagkakahalaga sa kabuuan ng P940.5 milyon, at isang kinanselang proyekto na nagkakahalaga ng P12.2 milyon. Nakapagtala rin ang PNP Special Action Force ng P1.7-bilyong mga kontrata na hindi naipatupad.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, mas maigi sana kung ginamit na lang ang P9.4 bilyon para tulungan ang mamamayan. Binatikos din niya ang pagkagahaman sa pondo ng naturang mga ahensya gayong hindi naman nila kayang isakatuparan ang kanilang mga plano. “Di pala kayang tapusin ang mga proyekto, pero hingi nang hingi ng budget sa halip na itinulong na lang ito sa mga naghihirap sa ngayon,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Nanawagan din si Zarate sa mamamayan na maging mapagbantay sa posibilidad na gamitin ang hindi nagalaw na mga pondong ito para sa nalalapit na eleksyon.
Sa kaugnay na balita, partikular na tinawagan ng pansin ng COA ang AFP General Headquarters dahil sa hindi nito pag-remit ng P469.1 milyong pondo na hindi nagamit noong 2020. Ang naturang pondo ay mula sa mga donasyon, tubo sa interes, pondo para sa mga iskolar, at iba pa na nakadeposito pa rin sa mga bangko. Bahagi nito ang P2.17 milyon para sa “pabuya” at P33.7 milyon para sa alawans ng mga sundalo. Kinwestyon din ng COA ang maanomalyang pagbili ng AFP ng mga kagamitang nagkakahalagang P130.2-milyong na walang resisbo at hindi dumadaan sa tamang proseso ng pagdodokumento.