Yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino, tumaas ng 30% sa gitna ng pandemya
Balita kahapon ang pagtaas nang 30% ang kabuuang yaman ng 50 pinakamayayamang kapitalista sa Pilipinas sa gitna ng pandemyang Covid-19. Ito ay kasunod ng paglalabas ng Forbes sa 2021 Philippines’ 50 Richest List na nagtala ng $79-bilyong paglaki sa yaman (P4 trilyon) ng naturang mga kapitalista sa loob lamang ng isang taon. Ipinakikita nito kung papaanong tumindi ang panghuhuthot ng tubo ng mga kapitalista sa kabila ng tumitinding sosyoekonomikong krisis na pinapasan ng kalakhan ng mamamayan.
Pinakamalaki ang tinabong kita noong nakaraang taon ng kapitalistang si Betty Ang, pangulo ng Monde Nissin at ika-18 pinakamayamang Pilipino, na lumobo ang yaman nang pitong beses tungong $1.4 bilyon sa loob lamang ng isang taon. Bago naman sa listahang ng pinakamayayamang Pilipino ang mag-asawang sina Dennis Anthony at Maria Grace Uy ng kumpanyang Converge na nakapagtala ng $2.8 bilyon yaman matapos makinabang sa pagtaas ng demand sa internet dulot ng laganap na pagpapatupad ng kaayusang work-from-home at distance learning sa buong bansa.
Sa kabilang banda, bumaba sa listahan ang ilang milyunaryo dulot ng pagliit ng kita ng kanilang mga negosyo. Isa rito si Lucio Tan na bumagsak ang pwesto sa listahan ng pinakamamayang Pilipino mula ikatlo noong nakaraang taon, tungong ika-12 ngayong taon, dulot ng pagkalugi ng kanyang kumpanyang Philippine Airlines mula nang ipatupad ang mga restriksyon sa lokal at internasyunal na pagbabyahe.
Nananatiling pinakamayaman sa Pilipinas ang magkakapatid na Sy na nakapagtala ng $2.7 bilyon na dagdag sa kanilang yaman noong nakaraang taon na sa ngayon ay nagkakahalaga ng $16.6 bilyon. Kasunod nila sa listahan si Manny Villar ($6.7 bilyon) Lance Gokongwei at kanyang mga kapatid ($4 bilyon); Jaime Zobel de Ayala ($3.3 bilyon); Dennis Anthony at Maria Grace Uy ($2.8 bilyon); Tony Tan Caktiong ($2.7 bilyon); Andrew Tan ($2.6 bilyon); Ramon Ang ($2.3 bilyon); at magkakapatid na Ty ($2.2 bilyon).