Balita

Yunit ng 96th IB, binulabog ng BHB-Masbate

Pinatamaan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate ang nag-ooperasyong tropa ng 96th sa Sityo Lantawan, Barangay Gangao,Baleno, Masbate noong Enero 13. Nabulabog ang naturang yunit militar at kagyat na itinago ang kanilang kaswalti upang pagtakpan ang kahihiyan.

Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Mabaste, ang armadong opensiba ay bahagi ng kanilang pagsisikap na kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng abusong militar at ipagtanggol ang mamamayan laban sa nagpapatuloy na paghaharing militar sa prubinsya.

Kabilang sa tinutukoy ni Ka Luz ang 24 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Labis din ang galit ng mga residente sa pamalagiang pagkakampo ng mga kontra-insurhensyang yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga eskwelahan sa prubinsya.

Inireklamo maging ng ilang mga tauhan ng Department of Education (DepEd)-Masbate ang patuloy na panghihimasok ng militar sa mga eskwelahan para mangrekrut at pwersahin ang mga estudyanteng ipinagpapalagay nilang naninirahan sa mga erya ng hukbong bayan na magbigay ng impormasyon. Ayon pa sa mga ulat, ilang mga estudyante na ang hindi makapasok sa eskwela dulot ng takot sa presensya ng militar.

Isang residente rin ng Barangay Gangao ang nagpabatid ng kanyang reklamo at pagkadismaya sa armadong pwersa ng estado sa pamamagitan ng post sa social media noong nakaraang linggo. Aniya, “nilagay po kayo [yunit ng militar] dito para magpasimula ng katahimikan, kaayusan at kapayapaan…hindi po para kayo ang magsimula ng pangamba at takot ng mamamayan.”

Pagsisiwalat niya, ang yunit militar na nakatalaga sa kanilang barangay ay nagpasimuno ng mga inuman sa loob at labas ng kampo at kung malalasing ay nagpapaputok ng baril at nanggugulo sa mga residente. Inireklamo rin niya ang prostitusyon sa loob ng mismong kampo ng militar.

“Tapos palalabasin ninyo na may nakita kayong kalaban ninyo?” aniya. Kinwestyon niya ang isang pangyayari kung saan hindi lumalabas sa kampo ang mga sundalo at bastang nagpapasabog at nagpapaputok ng baril nang hindi tiyak kung sino ang matatamaan.

“Obligasyon ninyong protektahan ang taumbayan, hindi magpapakawala kayo ng pasabog at putok ng baril na mula sa kampo niyo,” himutok niya. Kinundena niya rin ang pambababae, kahit na mga dalagita, ng mga sundalo. “At nagdadala pa kayo sa kampo ninyo ng mga bayarang babae, tama po ba iyan?” aniya.

Pahayag ni Ka Luz, ang kanilang armadong aksyon ay nagpapakita ng determinasyon ng hukbong bayan na ipagtanggol ang masa mula sa kamay ng mga berdugo. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mamamayang Masbatenyo sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kanilang tunay na hukbo at papel sa naging operasyong haras laban sa 96th IB.

AB: Yunit ng 96th IB, binulabog ng BHB-Masbate