Balita

Yunit ng Partido sa Maynila, nagdaos ng muling panunumpa at parangal sa mga martir

,

Napuno ng rebolusyonaryong mga awitin, parangal sa dakilang mga martir, at kritikal-sa-sariling pagtalakay sa mensahe ng Partido sa ika-55 na anibersaryo nito ang pagtitipon ng isang komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa isang syudad sa Metro Manila kamakailan. Hindi bababa sa 20 mga kadre at kasapi ang dumalo sa pagtitipon.

Naghandog ng awit para sa mga lider ng PKP na pinaslang ng pasistang pulis at militar kabilang sina Benito at Wilma Tiamzon, at mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Pinagpugayan din nila si Prop. Jose Maria Sison, na pumanaw noong Disyembre 16, 2022.

Binigyang-pugay rin nila si Jude Fernandez, beteranong organisador ng mga manggagawa, at ang kanyang ambag sa kilusang paggawa at sa iba pang sektor. Pinaslang si Fernandez ng mga ahente ng PNP-CIDG Rizal sa tinutuluyan niyang bahay sa Binangonan, Rizal noong Setyembre 29, 2023.

Tinalakay ng mga dumalo sa pagtitipon ang pandaigdigang sitwasyon, gamit ang isang audio-visual na presentasyon na nagpapakita ng pagkalugmok ng mga kapitalistang bayan at pagtalas ng mga gerang sulsol ng imperyalismong US noong 2023. Ipinakita rin sa bidyo ang armadong paglaban ng mga Palestino at ng iba pang mamamayan ng daigdig.

Bilang bahagi ng panata sa pagwawasto at pagbalikat sa mga rebolusyonaryong tungkulin, muling nanumpa sa Partido ang mga dumalo na kumakatawan sa iba’t ibang sangay sa Maynila. Tinalakay ng mga dumalo ang partikular na mukha ng mga kahinaang natukoy sa pahayag ng KT-KS lalo na ang pag-iral ng empirisismo at burukratismo.

Bilang pagtatapos ng programa, inawit nila ang Internationale.

AB: Yunit ng Partido sa Maynila, nagdaos ng muling panunumpa at parangal sa mga martir