Mga kuwento ng buhay BHB

NPA NA AKO

“Magandang umaga, Ka Roselle! Napapangiti ka d’yan mag-isa? Ikaw ha”, biro ng isang kasama sa ‘kin.

“Nako, binibiro mo na naman ako”, natatawang sagot ko.

“O s’ya, mangangahoy na ako. Ikaw muna d’yan sa bantayan.”

“Sige. Magmasid-masid ka rin diyan.”

Napangiti nga siguro ako habang unti-unting hinihigop ang maligamgam nang kape at pinagmamasdan ang M-16 kong nakasandal sa isang bugsok ng kubo ko. Ilang buwan na nga pala ang nakalipas mula nang maging hukbo ako. Ngayon, mas masarap sa pakiramdam gumising tuwing umaga na alam mong ang lahat ng gagawin mo sa araw na iyon ay may kabuluhan – para sa pagpapalaya ng pinagsasamantalahang mamamayan sa pamamagitan ng armadong rebolusyon.

Naaalala ko tuloy noong una akong dumating sa mga kasama, tanong ko sa sarili ko noon, “NPA na ba talaga ako?” Parang hindi ko pa ramdam noon. Marami pa akong hindi kayang gawin tulad ng paggawa ng kubo, pagpapaputok ng baril, at mismong paglaban. Pero alam ko, kailangan kong matutunan lahat nang ‘yan at magpakahusay dahil kailangan kong tumagal at tumatag para mas makapaglingkod sa rebolusyon.

Ilang araw pa lang ako noon sa mga kasama nagsimula na rin ang pagsasanay-militar. May mga pag-aaral pampulitika at iba’t ibang physical at combat training. Kasabay nito may mga gawaing teknikal sa araw-araw gaya ng pagluluto ng agahan, pangangahoy, paghahakot ng suplay at paggawa ng mga istruktura para sa pagsasanay.

Bilang mula sa petiburgesya, bago talaga ako noon sa pamumuhay ng hukbo. Nakakatawang maalala na kahit sa pagpaparikit ng apoy at pagsasaing nang maramihan ay hirap ako. Buti na lang at may ka-buddy. Natuto rin naman ako sa kalaunan. Ngunit kahit sa mga gawaing teknikal, hindi pahuhuli ang kababaihan. May mga kasamang babae sa pagsasanay noon at nakikilahok din kami sa iba pang gawaing teknikal.

Pagdating naman sa mga physical at combat training, kita sa mga kasama ang kasigasigang matuto ng mga bagong teknika at nagpapakahusay dito. Pero syempre, dahil sa iba’t ibang katangian, ‘di maiwasang may mga nahuhuling kasama. Hindi naman problema ‘yon dahil nandyan naman ang mga instruktor na matiyagang gumagabay at pinauulit-ulit ang pagtuturo, kasabay ng pagsisikap ng mga kapwa treyni na alalayan at turuan ang isaÕt isa.

Naalala ko tuloy noong live firing na, naiinis na ako sa sarili ko, kahit ‘yung iba ring mga kasama na nahuhuli, dahil nahihirapan talaga kaming paglapit-lapitin ang mga tama ng bala sa target. Ang ibang mga kasama naman namin sa pagsasanay, patuloy sa pagpapalakas ng aming loob habang tinututukan kami ng mga instruktor sa pag-eensayo.

Minsan nga ay dinadaan na lang namin sa biro dahil may pagkakataon noong kailangan ng mga kasamang maghakot ng suplay, ‘yung mga abante sa pagsasanay ang maghahakot habang ang iba ay magpapatuloy sa pag-eensayo. Sa ensayo, sabi naming mga naiwan kapag gumanda na ang mga tama ng isa, “Mahusay kasama, taga-hakot ka na!” Sabay tawanan. Habang tumatagal, sa kaka-ensayo, gumanda na rin ang aming mga tama sa target board.

Sa kabuuan, napahusay ang pagkakaisa at pagka-mapagkasam‡ ng mga hukbo. Kayo ba naman ang sama-samang nagtataguyod ng pagsasanay sa kabila ng banta ng kaaway. Isabay pang minsan kulang ang suplay kaya may mga panahong napapaliit ang badyet. Pero kinakaya, dahil malinaw sa lahat ang layunin ng rebolusyon. Anuman ang sapitin, matatag at masigasig ang mga kasama sa paggampan ng gawain.

At naubos na pala ang kape sa baso ko. Lumipad na naman ang isip ko. Kaya ibinaba ko na ang aking baso, at kinuha naman ang M-16. Sinubukan kong sumipat sa malayo. Napangiti ako at nasabi ko sa sarili ko, “NPA na nga ako.”

NPA pa ako!

Higit 60 na ako! Tita! Nanay! Lola! Matanda! Ka Oryang! Iyan ang tawag sa akin ng mga kasama at masa sa loob ng sonang gerilya.

“Di ho ba kayo nahihirapan? Baka ho madulas kayo? Kaya nyo pa ba iyang dala ninyo? Ilang taon na po ba kayo?” Madalas nila itong itanong kasabay ng pag-alalay at pagtulong nila sa anumang ginagawa ko. Kinakailangan nilang maghintay at mag-antabay sa akin sa paglalakad.

Lagi din nilang pinapansin ang puting buhok ko na nangingintab sa sikat ng araw kapag naglalakad at binibiro na “sayting ho iyang ulo nyo, baka ma-isnayp- dapat magsumbrero po kayo!”.

Sa edad na ito, senior citizen na ako at kwalipikado na sa mga benepisyo nito. Kung nagtuluy-tuloy naman sa pagtatrabaho bilang isang guro o empleyado ng gubyerno, retirado na sana ngayon at may pensyon na. Paupo-upo na lamang sana sa silyang tumba-tumba habang pinananood o sinasaway ko ang aking tatlong apong malilikot at naglalaro sa paligid.

Pero iba ang landas na tinahak ko at malayo dito ang buhay na pinili ko. Mula sa aking pampulitikang pagkakamulat sa panahon ng matinding panunupil sa mga taon ng pag-iral ng martial law noong estudyante pa sa pamantasan hanggang sa sumampa ako sa NPA noong 1985, hanggang kasalukuyan— inilaan na ang panahon at buong buhay sa pakikibaka para sa pagbabago ng lipunan— sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Habang binibilang ko ang mga linya sa aking balat at noo, hinahaplos ang nabali at pingkaw kong braso, tinitingnan ko ang mga peklat sa paa at malalaking binti, at ang tuhod kong nilalagnat at gumegewang gewang na sa lusungin— masaya kong iniisip tatak at bakas na ito ng buhay at pakikibaka sa kanayunan— sa piling ng mga kasama at masa. Kasama talaga ito sa trabaho. Iniisip ko din kung ilang taon pa akong tatagal sa NPA?

Lagi kong alaala na may tatlong mahahalagang bagay na kailangang ng isang rebolusyonaryo at gerilya — malakas at matatag na pag-iisip, malakas na baga, at malakas na binti (strong will, strong lungs & sturdy legs). Sa ganito, pasado pa ako sa una at pangalawa ngunit sumasabit na sa pangatlong pamantayan dahil sa rayuma, monggo, sardinas at ubod!

Aling binti at tuhod ba naman ang makakatatag sa tatlong dekada ng ahon at lusong sa kabundukang naka-ambus ang mga limatik; sa mahabang baybayin sa tabing dagat; sa madadawag na kaparangan at makikitid na pilapil sa mga tubigan sa kapatagan para maabot ang mas maraming masa?

At sinong maysabi na mga kabataan lamang at ang malalakas pa ang maaaring maging NPA? Sabi nga ay 25-35 taong gulang ang pinaka-ideyal na edad ng isang gerilya. At maikli lamang daw ang buhay ng gerilya dahil sa hirap at sakripisyo. Syempre nama’y wala nang sasampa na ganito ang edad at hindi na siguro tatanggapin sa NPA— pwede pa sa MB at sa seksyon yunit gerilya.

Pero hindi ako bagong sampa. 35 taon na akong NPA! Wala pa akong trenta noong sumampa sa NPA— may asawa na at isang anak — kasiglahan at kalakasan pa ng katawan at pag-iisip. Kasama sa mga pagsasanay militar, mga TO at mga depensibang labanan; kasama ng mga MB at organisadong masa sa pagkumpiska ng mga ari-arian ng mga panginoong maylupa. Magkakasama ang NPA at masa sa pag-okupa sa mga winasak at mga abandonadong pastuhan— na ngayo’y mga produktibong mga palayan at taniman na. Pinagdaanan namin ang mga mahihirap na mga gawain ng ekpansyon, konsolidasyon at rekoberi ng baseng masa; kilusang pagwawasto at muling pagbangon. Magkakasamang hinarap at binigo ang mga Oplan ng kaaway upang kitlin sa usbong ang NPA hanggang sa FMO at RCSPO ng JCP Kapanatagan!

Mga ilang henerasyon na ng NPA ang nakasama ko— ang mga nauna pa sa akin na nagturo at naghubog sa akin; mga kasabay, napasampa at sinanay— may nag-awol, may sumuko, may napagod at may bumaligtad at naging kaaway ngunit mas maraming nagpatuloy at nagpakatatag. Marami nang mga naging martir ng rebolusyon — karamihan ay mga kabataan pa, matatagal kong kasama, magsasaka, kababaihan, minorya, petiburges at mga intelektwal. Kabilang ang aking mahal na kabiyakasama.

Ako, babae. May edad na. Pero NPA pa rin! Kaya ko pa! Pinalad at buhay pa at nagpapatuloy ng pakikibaka at pagtangan sa sandatang nabitiwan nila. Kasama ko ngayon sa yunit ay halos mga anak at apo ko na. Pero hindi pyudal ang aming relasyon kundi magkakasama, magkakatuwang at nagtutulungan. Pinagsasanib ang mga karanasan at kaalaman ng may mga edad na NPA sa lakas at kapangahasan ng mga bago at mga batang NPA.

Hamon ko sa mga kabataang mas malalakas pa at makakayanan— mula sa iba’t ibang uri at sektor, anuman ang kasarian na lumahok sa armadong pakikibaka. Sumampa sa NPA!

“Hindi ho ba kayo napapagod, nagsasawa at naiinip?” tanong ng mga kabataang hukbo at masa sa akin?

Aba’y siyempre naman napapagod! Sino bang NPA ang hindi napapagod? Kahit nga mga kabataan at malalakas ay napapagod din. Pero ang mga kahirapang ito ay napapangibabawan ng pangangailangang magpursige sa mga gawain sa pagtatayo ng base, rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka — at mga tagumpay na nakakamit sa proseso ng pakikibaka ng masang magsasaka.

Nawawala ang pagod kapag nagbubunga ang pagkakaisa ng NPA at masa, nabubuo ang mga organisasyon, napapakilos sila para sa kanilang mga karapatan at kabuhayan, at magkasamang naipagtatagumpay ang mga laban sa lupa, kabuhayan at karapatan! Walang pagod kapag magkasama ang NPA at masa mula sa pag-aayos ng tubigan, irigasyon hanggang sa anihan at pagkain.

Wala ang pagod kapag nabalitaan ang paglakas ng kilusang masa sa mga lungsod at kabayanan! Inspirasyon ito at bukal ng mga kadre at mandirigma sa kanayunan. Maaalala ang mga welga ng manggagawa at boykot ng mga kabataang estudyante, lakbayan ng mga magsasaka— magkikita lahat sa Mendiola!

Wala din tayong sawa sa paggapi sa mga kaaway ng mamamayan— mga kaaway sa uri at mga kontrarebolusyonaryo. Lalong hindi tayo napapagod at nagsasawa sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Laging nasaisip ang tinuran ni Kasamang Mao sa Ang Matandang Hangal na Nag-alis ng mga Bundok na: “Magpakatatag, huwag matakot sa pagpapakasakit, pangibabawan ang lahat ng hirap upang magkamit ng tagumpay!”

Inip? Talo tayo kapag nainip. 51 taon na ang NPA. Tulad ng sabi ni Kasamang Mao, “ang rebolusyon ay hindi piknik”. Hindi madali. At hindi dapat magmadali.

Walang puwang ang pagkainip kung nananalig ka sa pagtatagumpay ng Partido, hukbo at masa at masaya tayo habang gumagampan sa ating ng tungkulin. Sa dami ng gawain ng NPA sa pagrerebolusyon, pramis— hindi ka maiinip!

Tiyak tayong magtatagumpay ang rebolusyon! Maiinip lamang ako kung iisipin ko na para sa akin pa ang ipinaglalabang ito at kung aabutin ko pa ang tagumpay. Subalit ang pinag-aalayan natin ng buhay at sakripisyo ngayon ay hindi ang sarili kundi ang mga anak at apo natin— ang mga susunod na henerasyong Pilipino.

Ang mahalaga, iniaambag natin ang ganang kaya natin! Hindi ko na kayang gawin ang dating kinakaya ko— hindi na maaaring sumama sa mga TO, ni maging kumander ngunit napakarami pang gawain ang NPA liban dito na angkop sa aking kakayahan at edad. Maaaring maging political officer, rebolusyonaryong guro, propagandista, nanay, kapatid, gabay at iba pa sa mga kasama.

Ba’t ako maiinip? Hindi ko man matanaw o abutin ang tagumpay, masaya na akong maging bahagi nito.

Nakikinita ko ang sasabihin ng aking mga apo— “kaya pala hindi namin makasama nina Papa at Mama sa bahay sina Lolo at Lola at bihirang makapiling dahil abala sila sa pagpupundar ng isang malaya, makatarungan at maaliwalas na bukas para sa aming henerasyon at sa susunod”.

Mahal ko ang NPA; mahal ng masa ang NPA dahil hukbo ito ng masa!
Isa, dalawa o ilang taon pa! Kakayanin ko pa!
#Sa NPA ako forever!

NPA ang anak ko!

Tulad ng iba, isa lang din akong ordinaryong ina. Ang kaibahan ko nga lang sa mga kumare ko, may anak akong NPA. Babae sya, at pinagmamalaki ko siyang isang NPA, dahil namana niya sa akin ang tapang ng lahi namin. Sa totoo nga lang, hindi ako nagpapaapi sa ibang kapitbahay namin kapag alam kong pinagtsitsismisan nila ako. Basta kapag alam kong nasa tama ako, ipaglalaban ko. ‘Yan siguro ang nakuhang ugali sa akin ni Momay. Pero, teka lang ha, si Momay ay hindi katulad kong mahilig makipaggitgitan. Tahimik sya tulad ng kanyang papa.

Mahigit tatlong taon nang NPA si Momay. Alam ko na dati pa na may NPA dahil laking probinsya naman ako. Nagtaka lang ako minsan bakit nalaman pati ng anak ko ang tungkol sa NPA. Mula nang magdalaga ako ay lumuwas na ako sa Maynila para magtrabaho; sa Maynila ko na nga nakilala ang naging asawa ko at dito ko na rin pinalaki ang lahat ng anak ko. Yun pala, ginusto niyang malaman ang buhay ng tinatawag nilang “masa”. Maalala ko nga, nagpaalam yang si Momay na pupunta sa welga ng mga manggagawa malapit sa pinapasukan niyang eskwelahan sa kolehiyo. Nagsabi din yan noon na pupunta sa isang baryo ng mga magsasaka. Aba’y obligado yang magpaalam sa amin dahil toka niyang umuwi sa amin tuwing walang pasok, yun na nga lang ang bonding time namin sa bahay. Kaya ‘pag uuwi yan galing sa mga pinupuntahan nya, nagkukwento yan sa bahay ng mga ginagawa niya kapag gagala yan. Nakikinig naman kami ng mga kapatid nya. Dati, may nakita akong picture nya sa facebook kausap ang isang upisyal ng pulis nung nagrali sila, aba’y shinare ko ang picture! Proud ako noon sa anak ko dahil palabang aktibista na nga talaga siya.

Minsang isang linggong hindi nakauwi si Momay sa amin. Aba’y anong galit at iyak ko noong mabasa ang sulat nya na NPA na sya. Nagalit talaga ako. Sabi ko sa inyo, palaaway akong tao. Kung saan-saan ko siya hinanap at nananawagan pa ako sa facebook. Nung dalawang buwan na siya sa NPA, tumawag siya sa amin, talagang matindi ang panghihikayat ko noon sa kanyang bumalik sa amin. Matagal nga bago ulit nasundan ang pag-uusap namin sa cellphone dahil nangibang-bansa naman ako. Ang kwento na lang sa akin ng papa nya, nung dumalaw sila kay Momay, talaga eaw sa hirap ng buhay ngayon ay normal na ang magkakapamilyang nagkakalayu-layo. Oo nga naman, sabi ko sa sarili ko, hindi nga ako NPA, pero malayo rin ako sa pamilya ko noon para maghanapbuhay.

Siguro hindi ko pa talaga lubusang nauunawaan ang ipinaglalaban nila Momay. Baka rin isipin ng iba na hindi ko mahal ko si Momay bilang anak dahil ayos lang sa akin na isa siyang NPA. Ang totoo, mahal na mahal ko yan! Pero dahil alam kong matalino ang anak ko, alam kong alam nya ang ginagawa nya. Proud ako sa kanya kahit hindi nya narating ang pangarap ko para sa kanyang magdoktor. Marami naman daw syang propesyon ngayon sa NPA, yun ang lagi nyang kinukwento sa akin. Ngayon daw ay bukod sa hukbo sya, titser din sya, doktor, magsasaka, manggagawa, engineer, artist, manunulat at marami pang iba! Sinong nanay ang hindi mapa-proud sa ganyang anak na proud din sa ginagawa niya? Proud ako sa kanya na nag-NPA sya dahil alam nyang tama ang ginagawa niya. Alam ko rin yun kasi wala naman akong makitang mali sa mga paliwanag nya sa akin tuwing mag-uusap kami. Sinusuportahan ko sya sa ginagawa nya ngayon, at hindi ko na sya hinihikayat na umuwi pa sa amin.

Nung nakabalik na ako sa Pilipinas, at nakontak ko sya sa cellphone, minsan ay tinext ko sya:

Momay, isama mo naman ako dyan, kahit isang buwan lang. Susubukan ko lang. 41 pa lang naman ako, batang-bata at malakas pa. Kaya ko rin dyan!

Kung bakit ako sumapi sa NPA

Pulang saludo sa inyong lahat!

Ako si Kawal.

Kasalukuyan akong opisyal sa pulitika ng New People’s Army.

Ilang taon na akong lumisan sa aking bayang sinilangan upang maglingkod kapiling ng mga kasama sa Matagalang Digmang Bayan. Hindi tulad ng aking mga kasama, galing ako sa ibang bansa—lumaki ako sa ibayong-dagat sa sentro ng isang imperyalistang bayan, wala akong alam na salitang Tagalog, subalit nakikiisa sa pakikibaka ng mga manggagawa, estudyante, at paglaban sa diskriminasyon na sama-samang itinataguyod ng mga Pilipino. Umaasa akong ang aking kwento ay makapagbibigay sa lahat ng makababasa ng artikulong ito ng malinaw na larawan ng realidad na kinakaharap ng mga pamilya ng mga manggagawa at imigranteng pamilya sa ibayong-dagat. At sa pamamagitan nito’y maipaabot ko rin sa mga mambabasa sa ibang bansa kung bakit ako sumapi sa NPA at lumahok sa Matagalang Digmang Bayan.

Isa akong working student bago nag-NPA. Nagtatrabaho ako upang tumulong na matustusan ang aking pag-aaral at mabayaran ang mga pang-araw-araw kong pangangailangan gaya ng pagkain at transportasyon. Ayokong maging pabigat sa aking pamilya kaya seryoso ako sa pag-aaral at hindi tumitigil sa paghahanap ng istableng trabaho. Mahirap humanap ng trabaho bilang isang high school graduate, dahil kahit sa mga simpleng trabaho gaya ng pagiging serbidor sa restawran ay mas pinipili ang mga nakatapos ng kolehiyo. Maraming beses akong nademoralisa at pinanghinaan ng loob dahil sa kawalan ng istabilidad sa trabaho, mababang sahod, at napakataas na halagang kailangan para disenteng mabuhay sa aking bayan. Dagdag pa, dahil sa aking hitsura, palagi akong nagiging target ng diskriminasyon ng mga pulis at mayayaman. Lagi ko itong nararanasan mula nang ako’y bata pa hanggang hayskul. Kahit bago pa magkolehiyo ay palagi na akong galit at yamot. Sawang-sawa na ako sa rasismo, sa pagsasamantalang dinaranas ng aking pamilya, mga kaibigan at ng mahihirap, at gusto ko nang baguhin ang kalagayang ito. Ang galit at mga kabiguang dinanas ang nagtulak sa akin para maging isang organisador.

Bilang organisador, nagsimula akong totoong malaman at maunawaan ang kalagayan ng mahihirap, at nakita ko ang kahalagahan ng isang organisadong base—ang kahalagahan ng isang kilusang masa at ng isang rebolusyonaryong kilusan. Napakarami nang mga protesta, kampanya, at iba pang anyo ng aktibismo, subalit hirap ang aking mga kababayan na magkaisa sa isang solido at rebolusyonaryong linyang pampulitika. Mayroong mga pagsisikap sa nakaraan na pagkaisahin ang aking mga kababayan subalit nawasak ang mga ito ng mga kampanya ng gubyerno laban sa kilusang masa. Pinapatay o hinuhuli ang mga lider. Ang mga tao’y napapayukod gamit ang mga repormang neoliberal. Noon naging malinaw sa akin na hindi kayang baguhin ng reporma ang sistema dahil kontrolado ito ng mayayaman at mga oligarko sa pamamagitan ng sistema ng kapitalismo. Bagamat pinalalabas na isang demokrasya, ang totoo’y diktadura ito ng mayayaman kung saan naghahalal kami ng mga bagong pinuno upang ulitin ang dati nang panloloko sa amin.

Pinaigting ng mga patakarang ipinapasa nila ang ganitong realidad. Tumaas nang tumaas ang presyo ng pabahay. Lumala ang kontraktwalisasyon at pagbabalewala sa mga manggagawa. Lalo pang naging mahal ang edukasyon na pumwersa sa mahihirap na pumasok sa panghabambuhay na pagkakautang para lang makapag-aral. Nagpatuloy ang panghihimasok ng aming tropang militar sa ibayong dagat kahit sa ilalim ng isang “progresibong” pangulo. Taun-taon higit na nakokonsentra ang kapangyarihan sa mayayaman habang ang mga batayang karapatang tao tulad ng karapatang mag-aral nang libre, pangangalaga sa kalusugan at pabahay ay unti-unting nawawala para sa mahihirap. Sa ganitong klase ng sistema, napagtanto kong ang tanging solusyon ay magrebolusyon.

Sa puntong ito’y nahamig ako ng mga rebolusyaryong sulatin. Natutunan kong pinakamadaling wasakin ang imperyalismo sa mga pinakamahinang kawing nito, na mawawasak ang kapangyarihan ng mga korporasyon sa ugat ng kanilang kapangyarihan—na nakakonsentra sa Ikatlong Daigdig at sa mga erya kung saan may banta sa kanilang paghahari, sa mga lugar kung saan malakas ang rebolusyonaryong kilusan, mga lugar kung saan, sa pamamagitan ng mga korap na gubyerno, minamantine ang pribatisasyon ng mga likas na rekurso para sa kapakinabangan ng mga imperyalistang bayan, hindi ng mamamayan. Dahil dito sinimulan kong pag-aralan ang mga rebolusyonaryong kilusan sa buong mundo, sa Timog Amerika, Kurdistan, India, pero ang nagbigay ng pinakamalaking inspirasyon sa akin ay ang rebolusyong Pilipino.

Napukaw ako ng solidong linyang pampulitika ng rebolusyong Pilipino, mga tagumpay nito laban sa repormismo at rebisyunismo na unti-unti nang lumalason sa ibang kilusan. Napahanga ako ng kilusang masa nito at armadong pakikibaka. Kung paanong matapos ang napakaraming taon, napanghawakan ng rebolusyong Pilipino ang hangarin ng mahihirap para sa pambansang paglaya. Nakita kong sa pagsuporta sa rebolusyong Pilipino, maaari itong magkaroon ng epekto sa buong mundo—upang ipakita sa ibang mga bansa na kahit sa ika-21 siglo, posible pa rin ang magrebolusyon. Na sa kabila ng lakas ng pwersang militar ng mga imperyalistang bayan, walang makapipigil sa isang makatarungang digmaan at isang digmang nakabatay sa hangarin ng mamamayan, na magiging isa itong kongkretong hakbang sa pag-aambag sa pagwasak sa pandaigdigang sistema ng pagsasamantala at pang-aapi. Kaya inempake ko ang aking mga gamit at sumapi sa NPA.

Sa una, mahirap ang buhay sa NPA, wala akong alam sa wikang Tagalog at nahirapan ako sa magubat na kalupaan. Ngunit nakita ko ang modelo ng mga kasama at nabigyan ako ng inspirasyon—sa paglalakad man sa gitna ng bagyo, matatarik na mga bundok, o paglampas sa malalawak na ilog at bangin. Pinalakas nito ang loob ko na magpatuloy, na bakahin ang kahirapan, dagdag pang laging nariyan ang umaalalay na kamay ng aking ka-buddy. Bilang opisyal sa pulitika, naging malapit ako sa mga kasama at sila ang humalili sa pamilyang hindi ko na nakakapiling. Determinado akong huwag silang iwan kahit na kailan.

Isa pang bukal ng inspirasyon ang diwang palaban ng NPA, na walang kayang magpadapa sa amin, anuman ang harapin naming kahirapan. Naglingkod ako kasama ang mga nanay at tatay na lumalaban para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Mga matatanda, na sa kabila ng mga kahirapan at pagsuong sa pinakamahihirap na tereyn at sitwasyong militar, sa kabila ng paglaban sa loob ng higit 30 o 40 taon, at ang iba’y nakaranas pang madakip at matortyur ng kaaway, ay hindi kailanman isinuko ang kanilang pangarap para sa isang tunay na malayang mundo. Lumaban ako kasama ng mga kabataang pinararamdam ang kanilang nagliliyab na adhikain sa kanilang paglilingkod, mga tao mula sa iba’t ibang paniniwala, mula sa bawat uri, sektor, tribo at iba’t ibang bahagi ng bansa, mga kalalakihan at kababaihan ng Demokratikong Gubyernong Bayan na aming ipinaglalaban na maitatag.

Matapos ang ilang taon ng aking serbisyo, kahit sa kabila ng pagpapatupad ng bagong programang kontra-insurhensya tulad ng JCP Kapanatagan, nakita kong sa mahihirap na sitwasyon, ang mga Pulang mandirigma ng NPA ay lalo lamang nagiging matatag. Sa bawat dagdag na armas sa arsenal ng AFP, nagiging mas mapanlikha at mas determinado ang mga Pulang mandirigma na samantalahin ang pagkakataon at ihatid ang rebolusyon sa tagumpay. Ipinapakita ng mamamayang Pilipino, sa kabila ng ilan-daang taong pakikibaka, na handa silang lumaban hanggang sa ganap na tagumpay, at handa silang labanan ang lahat ng kaaway ng sambayanan hanggang maging tunay silang malaya.

Dagdag pa, nakita ko ang tunay na kalagayan ng Pilipinas—ang pagsasamantala sa mga manggagawa sa kalunsuran at magsasaka sa kanayunan, ang kabulukan ng gubyerno na nag-aatas sa sarili nitong tropa na dahasin ang lahat ng nakikibaka para sa kanilang karapatan at paslangin ang mga lider-masa alang-alang sa pagtatanggol sa interes ng mga dayuhang korporasyon at mayayaman. Naging lalong malinaw sa akin na ang tanging solusyon ay ang pagtupok sa lumang sistema at paglikha ng panibago. Pinagtibay ng mga krimen ng gubyerno ang desisyong kong sumapi sa NPA at patuloy na lumaban. Para sa akin, bilang isang tao na nakakita sa mga hindi makatarungang kondisyon ng mundo at hindi makatwirang pagtrato sa mamamayan, inaangkin kong tungkulin ang paglaban sa mga nagsasamantala at nang-aapi at pagtulong sa mahihirap at nagugutom. Mapatutunayan ko ito matapos ang aming mga taktikal na opensiba—sa aming mga atrasan, sinasalubong at pinasasalamatan kami ng mga masa, niyayapos at niyayakap ng mahihirap.

Simula noon hindi ko pinagsisihan ang aking pasyang sumapi sa NPA, magpakatatag sa loob nito at ilaan ang aking kabataan sa pakikibaka para sa mamamayan. Aaminin ko, maraming pagkakataon na hinahanap ko ang aking pamilya at ang mga alwan ng dati kong buhay. Ngunit lagi kong tatanungin sa aking sarili: anong tunguhin ng sangkatauhan kung walang armadong pakikibaka, walang rebolusyonaryong kilusan? Sisidhi lamang ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan, patuloy na ipagkakait sa kanila ang kanilang mga mithiin, at nanakawin ng mayayaman ang kanilang kinabukasan. Dahil sa mga kondisyon ng mundong ito, napakalimitado ng ating pagpipilian. Bakit hindi tayo lumaban para sa mamamayan? Bakit hindi tayo lumaban para sa tama? Hindi kakayanin ng aking konsensya, kapag balang araw ay tanungin ako ng aking mga anak kung ano ang ginawa ko upang makatulong sa ibang tao. Anong maisasagot ko? Masasapatan ba ako sa sagot na iyon?

Palagi akong dinadalaw at binibigyang-inspirasyon ng isang pangarap, kung saan masayang nabubuhay ang mga tao nang malaya mula sa pagsasamantala, kung saan kumportable ang aking pamilya at kung saan inuuna ng lipunan ang kapakanan ng mahihirap kaysa sa mga gahaman at mayayaman. Nabubuhay ako para sa pangarap na ito—isang pangarap na handa akong ipaglaban, at kung kinakailangan, isang pangarap na handa kong pag-alayan ng aking buhay upang tiyakin na magkatotoo.

Bakit ako nag-NPA?

Ni Ka Jean

Kakapanalo lang ng aming welga sa pabrika nang magbukas ang isang sonang gerilya sa pagtanggap ng mga TOD (tour of duty) at pultaym kasabay ng selebrasyon ng anibersaryo ng Partido. Syempre sumama ako dahil gusto kong makakita ng Hukbo.

Nang makarating kami sa loob ng kanilang kampuhan, agad silang nag-briefing sa depensa. Nakaramdam ako ng kumpyansa sa mga kasamang handang lumaban para sa kaligtasan namin at ng mga masang kasama namin. Nakita ko ring organisado sila sa paghahanay ng mga gawain. Lahat ay pwedeng lumahok sa teknikal, kahit kami, anuman ang aming kasarian. Bago pa nga makarating dito, kasabay namin ang mga maghahakot ng suplay. Aba, hindi pahuhuli ang mga babaeng kasama sa pagbubuhat. Mayroon din ditong mga may piniling kasarian, tulad ko, at kagaya ng nauna kong nabanggit, hindi ito malaking usapin sa kanila.

Nang magsimula ang programa, naengganyo kami sa pinamalas nilang husay sa kultura. Iba-ibang porma ang kanilang itinanghal, may pag-awit, dula, awit-galaw at pati ang umuuso ngayong kultura tulad ng pag-rap. Nagpakitang-gilas din ang mga kasama sa exhibition ng riple, agaw-armas at tiger jump. Malakas ang palakpakan namin. Matapos ang pagdiriwang, nagpasya akong magpaiwan. TOD muna.

Isinama ako sa isang yunit sa gawaing masa. Doon ko nakita ang kalagayan ng masa sa kanayunan. Halos walang makain ang masang tinuluyan namin. Nag-uuling sila para mabuhay. Wala pa silang naihahandang binhi dahil walang mapagkukunan. Palipat- lipat sila ng tirahan at doon pupwesto sa maraming kahoy upang makapaghanapbuhay. Isinama na namin sila sa pagkaing lulutuin namin para sa tanghalian. Habang nagluluto ang ibang mga kasama, nagtakda kami ng mga tutulong sa pagsasako ng kanilang uling. Ako naman, bilang bahagi ng aking pagsasanay, ay itinakda sa pakikipagtalakayan sa masa.

Nagsimula na akong makipagkwentuhan kay nanay. Nang tanungin ko ang kanilang kalagayan, umiyak siya sakin at kinuwento ang hirap ng kanilang buhay. Ilulusong pa raw nila ang uling na nagkakahalaga lang na P200 kada sako, maoobliga pa silang lumipat kapag hindi sapat iyong kikitain nila. At dahil labag sa mata ng gubyerno ang kanilang hanapbuhay, lolokohin pa sila ng mamimili at sisitahin ng mga representante ng gubyerno upang makapaningil ng lagay (kotong). Kasabay ng mga ito ang labis na pagpapabaya sa kanila ng reaksyunaryong gubyerno sa iba’t ibang pantapal na solusyon tulad ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Ayon kay nanay, ipapatawag sila, minsan kakaltasan pa dahil sa iba’t ibang kalakaran tulad ng pagiging late o hindi na nagawang tumulong sa ibang itatakda nilang iskedyul. Isa pa ay ang programang pabahay na matagal na nilang hinihintay.

Naalala ko tuloy ang hirap na naranasan ko sa pabrika. Matagal bago ako ginawang regular. Mababa lang din ang sahod ko. Sa loob din ng pagawaan, bawal antukin kaya tinanggal ang mga upuan at lahat kami nakatayo. Bawal din mag-CR habang nagtatrabaho at tuwing 15-minute break lang. Tapos balak pang ipasara ang pabrika sa dahilang “nalulugi” sila. Kaya kami nagwelga.

Sa galit ko sa ganitong estado at sa kasalukuyang lipunan namin, napagtanto ko kung bakit nga kailangang magrebolusyon. Kaming mga manggagawa at magsasaka ay walang maaasahan sa ganito kainutil na gubyerno.

Kaya matapos ang talakayang iyon, gabi-gabi akong nagnilay hanggang sa umabot sa aking pagpapasya—ang humawak ng sandata at buong panahong ialay ang buhay sa armadong pakikibaka. Dapat nang tanganan naming mga manggagawa ang armas para palayain ang lipunan at pamunuan ang pagsusulong ng rebolusyon sa kanayunan.

Ngayon, isa na ako sa mga upisyal ng NPA. At nagpatuloy ang aking panawagan sa kapwa ko manggagawa na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa pambansang pagpapalaya ng mga inaapi at pinagsasamantalahang uri.

Para saan ang buhay ni Ka Shane?

Mataas na panggitnang magsasaka mula sa Bicol ang uring pinagmulan ni Ka Shane pero hindi naging maalwan ang kanyang buhay. Hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kahirapan at impluwensya ng bulok na kultura. Taong 2009, umalis siya sa kanila upang makapagsapalaran sa Maynila sa pangarap na makapagpundar ng buhay na kanyang maipagmamalaki.

Pagdating sa Maynila, naging boy sa palengke si Ka Shane, naging barbero din siya at matapos ang ilang buwang paghihintay, natanggap siya bilang manggagawa sa kumpanya ng biskwit. Laking tuwa niya na natanggap siya sa trabaho. Pumirma siya sa tatlong buwang kontrata. Nag-apply siya bilang operator ng makina sa pabrika ngunit itinalaga siyang reliever sa iba’t ibang departamento.

Bilang reliever, naikot niya ang mga departamento at natutunang patakbuhin ang halos lahat ng mga makina rito. Nakilala niya ang mga kapwa manggagawa at nakita ang iba’t ibang porma ng pagsasamantala. Napakarami pala nilang kontraktwal. Pare-parehas silang laging pagod — 16-24 oras na pagtatrabaho pero kapiranggot ang sahod na ₱420.

Wala pa siyang alam noon hinggil sa pag-uunyon ngunit naririnig niya na ito. Pinaghusayan na lamang niya ang kanyang trabaho at makalipas ang siyam na buwan ay naging regular na siya. Makalipas ang apat na taon, nagtayo ng sister company ang naturang kumpanya sa Laguna. Isa si Ka Shane sa mga inilipat doon upang magsanay ng mga dagdag operator para sa bagong bukas na pagawaan. Pumirma sila sa kontrata na nagsasabing mananatili ang kanilang istatus bilang regular at ang kanilang sahod bagama’t ililipat sila ng pabrika.

Ngunit makalipas ang ilang buwan, hinainan siya ng kumpanya ng bagong kontrata. Dito nakalagay na ibabalik sila bilang kontraktwal at bababa ang sahod mula ₱680 tungong ₱370 at tatanggalin ang kanilang mga benepisyo at bonus. Napilitan silang pumirma sapagkat mawawalan sila ng trabaho kung hindi siya sasang-ayon sa bagong kontrata.

Lubos ang kanyang galit noon sa kumpanya. Matapos silang gamitin sa pagpupundar ng bagong pabrika at pagsasanay sa mga bagong empleyado, ay nilapastangan pa sila. Inapakan ang kaniyang karapatan ngunit hindi pa niya alam noon kung paano ito ipaglalaban. Makalipas ang isang taon ay kusa na rin siyang nag-resign dahil sa hirap ng trabaho at hindi nakabubuhay na sahod.

Ilang buwan siyang nagpalipat-lipat sa mga pagawaan. Pumasok siya sa pagawaan ng chichirya, noodles at sabon. Hindi siya nakatagal sa mga ito dahil napakahirap at napakadelikado. Naranasan niyang maghapong maghakot at magpakete ng mga chichirya, mapasuan ng balat sa kamay sa pagawaan ng noodles dahil wala silang personal protective gear. Pinakamalala nang matuklapan ang kaniyang batok hanggang likod dahil sa tapang ng kemikal na pinapasan.

Sa sunod na pinasukang pabrika, lahat sila ay kontraktwal. Maski ang kasamahan niyang 26 taon nang nagtatrabaho rito. Dito na niya naranasan ang sunod-sunod na 16-24 oras na shift para habulin ang export quota. Naaaksidente ang kanyang kapwa manggagawa. Nariyang may nabalian ng braso, daliri, na-stroke, at may namatay pa nga.

Dito, narinig niya muli ang salitang “unyon”. Sa pagkakataong ito, mapapasali na siya rito.

Kakatwa ang kwento ng pagpasok niya sa unyon. Hingi niya alam na ang kasama pala niya sa boarding house ay pangulo at pangalawang pangulo ng unyon. Minsan siyang niyaya ng “tagay” ng mga ito. Bilang manginginom, agad-agad at tuwang tuwa siyang sumama. Hindi pala totoong inuman ang pupuntahan nila kundi pag-aaral—pag-aaral ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP).

Sa pag-aaral, dahil hindi pa niya ito lubos na nauunawaan, binatikos pa niya ang pag-uunyon at protesta. Sabi niya “Dudurugin lang kayo ng malalaking kapitalista, panggulo lamang kayo sa mapayapang buhay at dagdag trapik pa.”

Bagama’t ganito ang kanyang sagot, patuloy pa rin siyang pinaliliwanagan ng mga katrabaho niyang kasapi ng unyon. Hanggang sa niyakag na naman siya sa isang “piyestahan” sa isang pabrika ng inumin. Akala niya, maraming pagkain at alak kaya’t sumama siya.

Papalapit na sa pagawaan nang bigla silang sinugod at babatutain ng mga pulis. Nakita na rin nila ang malawak na piket ng mga manggagawang iligal na tinanggal, bitbit ang panawagan ng hustisya, dagdag sahod at maayos na kalagayan sa paggawa. Ang akala niyang piyestahan, kilos protesta pala! Sa galit niya sa pulis, nakisali na rin siya sa piket at tumulong pa sa pagtibag sa gate ng pabrika.

Dito na siya lubusang namulat at nagpasyang sumali sa unyon. Natutunan niyang kaya naman pala nilang labanan ang malalaking kumpanya basta’t sila ay sama-samang kikilos.

Isa siya sa mga nanguna sa paglulunsad ng welga sa loob ng kanilang pagawaan sa kabila ng maraming beses na harassment at pananakot sa kanila ng kumpanya. Nag-organisa rin siya ng kapwa manggagawa at nagpalalim ng pampulitikang pag-aaral. Nakabisa na niya ang MKLRP na mistulang nagbibigay siya ng pag-aaral habang nagpopropaganda.

Hanggang sa hindi na siya nasapatan sa pagkilos sa lungsod at nagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ika niya, “Bukod sa sarili at aking mga katrabaho, gusto kong tumulong at magsilbi pa sa higit na malawak na masang Pilipino sa kanayunan.”

Tinalikuran niya ang kaniyang mga bisyo at kinalakhang buhay, at sinuong ang kanayunan kahit palampa-lampa ang kaniyang mga paang sanay sa semento at kalsada, hindi sa putik at sukal.

Sa proseso ay hinarap niya ang maraming krisis sa sarili. Naiisip niya ang kanyang pamilya at ang buhay-sibilyan. Bakit nga ba siya nagpapakahirap sa bundok kung pwede namang bumalik sa dati niyang buhay? Makikitagay. Barkada. Subalit napangibabawan niyang lahat ang mga ito. Ngayon ay walong taon na siyang hukbo.

Maraming beses na rin siyang napalaban, natamaan ng bala, at napahiwalay sa yunit. Mayroon siyang karanasan na ilang linggong napahiwalay sa mga kasama matapos ang isang labanan. Habol-habol siya ng mga sundalo. Sa bawat puntahan niya, wala siyang kakilala. Walang pagkain at kahit barya man lang. Minsa’y gusto na niyang sumuko sa sobrang pagod, gutom at sakit na naramdaman dahil sa tinamong sugat sa labanan, ngunit hindi niya ito ginawa,

Ang kanyang dahilan:

Ang masang pinaglilingkuran niya. Lagi niyang nasa isip na, “Iisa lang naman ang buhay ko, sa rebolusyon ko na ito iaalay.”

Taglay pa rin niya ang tatak ng isang proletaryado — matalas ang pokus sa trabaho, nais matuto ng mga bagong gawain, disiplinado, mataas ang pagpapahalaga sa kolektibong buhay at may tapang. Masigla siya sa paglahok sa produksyon kahit pa hindi naman siya marunong magsaka. Dahil sa kanyang kasigasigang matuto at gumampan ng mga gawain, isa na siya ngayong medik at kadreng militar. Makikita sa kanya ang kahalagahan at malaking ambag ng uring manggagawa sa BHB.

Ang pang-aapi at pagsasamantala sa kanila ng kapitalista ay hindi mawawakasan hangga’t hindi nagwawagi ang rebolusyon. Ika niya, dito natin simulan sa kanayunan ang pagpapalakas hanggang sumulong papunta sa kalunsuran. Ang papel nilang manggagawa ay magsilbi bilang mga hindi kinakalawang na pyesa sa makina ng rebolusyon na magpapanday ng malayang lipunan.

Alam niyang sa hinaharap ay marami pa siyang daranasing kahirapan at sakripisyo, ngunit alam din niyang matatag niya itong mahaharap basta’t alam niya kung para kanino at bakit niya ito ginagawa. Ngayon ipinagmamalaki niya ang kanyang buhay — isang buhay na buong puso niyang iniaalay sa masa.

Kalatas Setyembre 2023

Kontrata ng Pagsasamantala

Ako si Frat. Naniniwala ako sa kapatiran kaya ako sumali sa fraternity. Ang kapatirang ito ay nahanap ko sa aking kauring api. Dito sa loob ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Bago ako mag-hukbo, kabilang ako sa milyun-milyong manggagawang Pilipino na inaapi’t pinagsasamantalahan ng sistemang kapitalista. Ilang panahon na lamang at isang dekada na ako sa armadong kilusan ng uring anakpawis. Ang mga dahilan nang matunton kong ang kalsadang karugtong ng piketlayn ay ang digmang magsasaka sa kanayunan, ay siya pa ring mga dahilan ng aking pananatili at kapursigehan.

Karaniwan ang mga pangarap ko sa buhay katulad ng karaniwang kabataan noong mamulat ako sa tunay na kalagayan ng lipunan.

Sa paghabol ko sa aking pangarap, iniwan ko ang munting palayan nina Mama sa Bikol para makipagsapalaran sa ibang bayan. Maraming pangako ang maraming pabrika sa Laguna.

Naging manggagawa ako. Itinuring kong ito ang daan para maaabot ang mga pangarap na ito.

Lahat ng klase ng hanapbuhay sa mga pabrika ay pinasukan ko — tagahugas ng pinggan, tagabutingting ng mga pyesa ng kotse, tagatahi ng upuan ng mga sasakyan, tagagawa ng fiberglass, piyon sa konstruksyon, welder, at maraming kung anu-ano pa.

Sa aking huling trabahong sahuran, dalawang taon akong naging kontraktwal — peligroso ang trabaho, humahawak kami ng kemikal nang walang sapat na proteksyon, mahaba ang oras ng paggawa at inoobligang mag-over time.

Napipilitan lang ako kahit P315 kada araw lamang ang sahod ko noon. Kulang na kulang.

Naka-apat na ulit ang kontrata ko sa nasabing pabrika. Sa huling kontrata na pinapirmahan sa akin, hindi na ako pumayag, pinunit ko ang papel sa harap ng aking amo. Binitbit ako ng mga gwardya at pinabarangay ako.

Natutunan kong ipaglaban ang aking karapatan. Hindi nahangganan ng ahensya ng gubyerno ang paghahanap ko ng katarungan sa aking kinasapitan. Nasumpungan kong mas makatwiran itong makakamit sa mga piketlayn at mga pakikibakang manggagawa.

Tinuklas ko ang dahilan ng ipinataw sa akin na kapalaran. Hindi pa rin ako sumusuko na aabutin ko ang aking mga pangarap balang araw at naunawaan kong dapat kong lagpasan ang gawaing pag-uunyon. Sa proseso ng paghahanap ng katotohanang ito, nakilala ko ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo na higit na nagturo sa akin ng dapat gawin ng tulad kong manggagawa — na makipagkaisa sa pinakamalawak na hanay ng aking kauri at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang uri at pamunuan ang kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng pagsapi sa Partido Komunista.

Dinala ako ng karunungang ito at ng Partido sa maraming welga ng manggagawa, sa mga piketlayn na kauring alipin, at bandang huli ay sa mga payak na dampa ng mahigpit na kaibigan ng uring manggagawa — ang mga magbubukid sa kanayunan.

Naging NPA rin ako. Kagaya noong ako ay manggagawa sa pabrika, lahat ng klase ng gawain sa loob ng Hukbong Bayan ay nasubukan ko — ang kaibahan lamang, ginagawa ko ito hindi para mapagsamantalahan ng mga kapitalista. Lumalahok ako sa mga rebolusyonaryong gawain, gaano man ito kaliit o kahalaga, para wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi. Ginagawa ko ito ng bukal sa aking puso at walang kapalit.

Bilang kumander ng Bagong Hukbong Bayan, malaking hamon sa uring manggagawa na katulad ko kung paano iwawagayway ang bandila ng proletaryado sa pagkakamit ng mga pangarap ng buong sambayanan.

Lagi kong maaalala, hindi pala ako nakatali sa kapirasong papel ng kontrata ng mga kapitalista. Simula nang punitin ko ito, nagsimula akong makawala sa kontrata ng paulit-ulit na pagsasamantala.

Ang pagsasamantala ng monopolyo kapitalismo sa uring manggagawa sa daigdig ay malalim na nakaukit sa kontrata ng imperyalismo. At nag-aambag ang manggagawang Pilipino sa pagwasak ng mapang-aping sistemang ito.

Kalatas Mayo 2023

Sumusulong ang mga babaeng mandirigma sa TK

Ang mga larangang gerilya sa TK ay tahanan at pandayan ng rebolusyonaryong kababaihan na nais mag-ambag ng sarili sa digmang bayan. Sa panunungkulan ni Duterte, umabot sa 20% ng pwersa ng MGC-BHB TK ang babae.

Buong sikhay na ginagampanan ng mga kababaihang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ang lahat ng tipo ng gawain kaya tuluy-tuloy na sumusulong, umaangat at napapanday ang kanilang kakayanan bilang mga rebolusyonaryo. Susi ang papel ng mga kababaihan sa pagganap bilang mga pinunong militar, pampulitika at medik ng mga yunit ng hukbong bayan. Habang tumutupad sa tungkulin, bumubuo rin sila at nagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong pamilya. Ang lahatang panig na pagsulong ng kababaihan ay makikita sa buhay nina Ka Pam at Ka Lori, mga babae sa unahan ng digmang bayan sa TK.

Matikas at mahusay na kumandera

Malinaw na atas sa tamang panahon. Batayang prinsipyo ito sa mahusay na pagkukumand na kabisado ni Ka Pam, isang kumandera ng BHB sa TK. Sa gitna ng palitan ng mga putok, lumulutang ang mataginting niyang tinig na nagtatakda ng maniobra ng Pulang hukbo. “ASOLT, 2ND TIM!” o di kaya’y “REIMPORS NG MASINGGAN!”. Kilala ng mga kasama at agad na sinusunod ang kanyang boses.

Nagmula si Ka Pam sa rebolusyonaryong pamilya ng mga maralitang magsasaka. Taglay ang pisikal na lakas at wastong aktitud, nagpaunlad siya ng sarili hanggang hirangin na commanding officer (CO) ng kanyang yunit at kalauna’y opisyal ng pangunahing yunit gerilya ng BHB sa rehiyon. Patunay siya na malulubos ng kababaihan ang kanilang potensyal sa loob ng rebolusyonaryong Hukbo.

Huwarang gerilyang mandirigma si Ka Pam. Disiplinado siya sa pagsasabuhay ng mga regulasyong militar sa platun, mula gising-bangon-pak-ap hanggang pagtataliba sa gabi. Organisado rin siya—palaging masinop ang kubo at nakapak-ap ang gamit—at mahusay sa pag-iiskedyul ng mga gawain.

Kwento ng isang kasama, natutunan niya kay Ka Pam na kayang-kayang pagsabayin ang gawaing produksyon, pagsisiyasat, at pamilyarisasyon sa erya. “Minsan sumama kami sa masa na mamulot ng sihi sa tabing dagat. Nakapagpamilyarisa na kami ng tabing dagat, nakapagsiyasat pa habang tumutulong sa kabuhayan ng masa.”

Hindi lamang sa pag-oorganisa ng tropa sa pang-araw-araw magaling si Ka Pam. May angkin din siyang talino sa pagsusuri sa kilos ng kaaway at tereyn. Dahil sa wastong pagbasa, nauuna ng hakbang at hindi nadedepensiba ang yunit na kanyang pinamumunuan. Pagdating naman sa mga taktikal na opensiba, inaasahan siyang mamuno sa mga tim na pang-asolt o pampigil sa mga kaaway.
Naikukwento ng mga kasama na iyakin si Ka Pam tuwing may mga tunggalian sa ideya subalit matapang sa mga labanan. Sa halos tatlong dekada sa Hukbo, wala siyang rekord ng pamamahinga o pag-alis. Dito na siya nagdalaga, nag-asawa at nagkapamilya. Matagumpay nilang itinatag ng kanyang asawa na kumander din ng BHB ang isang rebolusyonaryong pamilya. Ipinagmamalaki nilang pultaym na rin sa hukbong bayan ang isa nilang anak na babae.

Matatag na giya sa pakikidigma

Sisilay pa lang ang araw ay naka-pots at baril na si Ka Lori, handa nang magrekon kasama ang sinasanay na bagong mandirigma. Sa kalaliman naman ng gabi, maaaninag ang liwanag ng flashlight sa kanyang kubo habang inaaral niya ang plano ng yunit kinabukasan. Ganito ang buhay bilang opisyal sa pulitika ng BHB—pinakahuling natutulog, pinakamaagap na gumigising.

Political instructor (PI) ng isang yunit ng BHB sa TK si Ka Lori. Bilang PI, tungkulin niyang itaas ang pampulitikang kamulatan ng Hukbo at pangunahan ang gawaing pampulitika sa hanay ng masa. Mahigpit din niyang tinutuwangan ang CO sa pagbasa sa kalagayang panseguridad at pag-oorganisa ng mga istap sa lohistika at medikal. Ika niya, kailangang subaybayan ang lahat ng aspeto ng gawain para matiyak ang mahusay na paggana ng yunit at mataas na moral ng mga kasama.

Malapit na kaibigan at kung minsa’y nanay ang turing kay Ka Lori ng kanyang mga kasama sa yunit. Bukas ang kanyang kubo para sa sinumang nais maglabas ng suliranin o isipin. Kahit hindi nagbibisyo, lagi siyang may baon na tabako na kanyang iaalok sa mga kasamang gustong makipagkwentuhan.

Kahit malapit sa mga kasama, hindi liberal si Ka Lori. “Prangka siya kapag nagpapaabot ng puna, pero maluwag sa pagtanggap ng puna sa kanya. Kahit magkaroon ng mahabang tunggalian, hindi nagbabago ang turing at pakikitungo niya sa mga kasama,” kwento ng kanyang kasama sa yunit.

Makulay at makabuluhan ang mahigit isang dekadang paglilingkod ni Ka Lori sa BHB. Isang matinding pagsubok na kanyang pinagdaanan ang pagkahuli ng kaaway sa kanyang asawa na isa ring Pulang mandirigma. Bagamat nalulungkot, hindi nabawasan ang kanyang pagpupursige sa mga gawain. Sa katunayan, sa panahong ito’y tumanggap siya ng mas mabibigat na responsibilidad mula sa Partido. Patuloy rin siya sa paggabay at pangangalaga sa kanyang anak sa pamamagitan ng pagmumulat sa mga nagpapalaki sa bata.

Nahanap nina Ka Pam at Ka Lori ang layunin ng kanilang buhay habang nagpupunyagi sa digmang bayan. Hinubog nila ang kanilang mga sarili upang maging mga rebolusyonaryong ina at asawa hindi lamang sa kanilang dugo’t laman kundi pati sa mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan. Hinarap nila nang buong tapang at naigpawan ang bawat hamon sa pakikipaghamok sa malupit at mersenaryong kaaway. Patunay sila sa katotohanan ng sinasabi ni Kas. Mao na hawak ng kababaihan ang kalahati ng kalangitan at upang magtagumpay ang rebolusyon, kailangang ang kanilang paglahok dito.

Kalatas Marso 2021

Paglaya ng kababaihan sa landas ng armadong pakikibaka

“Noong sumapi ako sa BHB, pakiramdam ko nakalaya ako sa isang hawla na pumiit sa akin at pumigil sa aking pagkilos.”

Ito ang bungad ni Ka Bella sa isang kapehan ng BHB para sa pagdiriwang ng ika-109 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Matamang nakikinig ang mga kasama sa kanyang rebolusyonaryong talambuhay. Bihira itong pagkakataon dahil hindi palaimik si Ka Bella.

Si Ka Bella, 27 taong gulang, ay nagmula sa uring magsasaka. Ikatlo siya sa apat na magkakapatid na babae at kinagisnan niya na ang pyudal na kultura sa kanayunan. Kinasanayan niyang sa bahay lang umiikot ang kanyang mundo. Ang pagkakataong makakalabas lang siya ay sa tuwing papasok sa paaralan o mamamalengke. Istrikto ang kanyang ama at iyon ang tanging boses na nasusunod sa kanilang tahanan.

Nag-umpisa siyang humulagpos sa kanilang pyudal na kaayusan nang ipagkasundo siya ng kanyang ama na ikasal sa isang taong hindi niya mahal. Tumakas siya sa kanilang bahay at lumuwas ng Maynila upang makipagsapalaran. Doon, pumasok siya sa isang pagawaan at muling naranasan ang pagsasamantala sa mga kababaihan. Dinanas niya ang napakababang pagtingin sa kanila at pambabarat sa sahod. Ipinipilit ng mga kapitalista na mananatiling kimi ang kababaihan habang nasa loob ng pabrika, kung saan tinatanggap lang ang mga hindi makatarungang kaayusan tulad ng pagbabawal ng unyon, kaltas sa mga sahod sa tuwing nahuhuli sa pagpasok, at iba pa. Hindi niya kinaya at matanggap ang ganitong kaayusan kaya bumalik din siya sa kanila.

Sa kanyang pagbabalik sa probinsya, napadaan ang mga kasama sa kanilang tahanan. Ang lugar nila noo’y kasama sa isang malawak na lupaing inaagaw ng panginoong maylupa kaya namulat at naorganisa ang kanyang mga magulang. Dito rin siya namulat at naging aktibo sa pag-oorganisa sa kapwa niya kabataan. Hindi naglaon, nagpasya siyang sumapi sa BHB.

Sa kanyang pasya, una niyang iwinaksi ang pyudal na kaisipan sa loob ng kanilang tahanan na ang babae ay mahina at pambahay lamang. Ipinaliwanag niya ang kanyang kagustuhang sumampa sa BHB sa kanyang pamilya na noo’y nagbibitbit pa ng pyudal na pagtinging ang babae ay hindi maaaring humawak ng armas. Binali niya ang atrasadong kultura na gumagapos sa kababaihan sa kanilang tahanan at nagpatuloy sa armadong pakikibaka kahit ngayong isa na siyang ina at itinataguyod ang rebolusyonaryong pamilya.

Bilang Pulang mandirigma, higit niyang pinaunlad ang kanyang sarili sa kalayaan at karapatang tinamasa at ipinagkaloob ng rebolusyonaryong kilusan sa kababaihan. Si Ka Bella ay nagpakahusay sa iba’t ibang larangan ng gawain sa loob ng BHB. Kilala siya ng mga kasama bilang mahusay sa gawaing kultura. Isa siya sa mahigpit na katuwang ng yunit ng BHB sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong kultura na nagwawaksi sa pyudal na kaisipan at bulok at dekadenteng burgis na kultura sa mga eryang saklaw ng larangang gerilya. Ito ang isa sa mga paraan kaya nakakapag-organisa sila ng mga kabataan at kababaihan sa kanayunan.

Hindi rin pahuhuli si Ka Bella sa gawaing militar. Si Ka Bella ay tahimik ngunit matapang sa panahon ng labanan. Katunayan, siya ang liaison officer ng kumandera ng platun sa isang kumpanya dito sa larangan.

Bagama’t hindi kasama ang kanyang dalawang anak, itinuturing niya ang mga bagong pultaym bilang kanyang mga anak at ginagabayan sila sa pagrerebolusyon. Sa panahon namang nakakasama niya ang kanyang mga anak, pinararamdam niya sa kanila ang kanyang pagmamahal sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa sa kanila ng kanyang gawain upang mamulat din sila at ipagpatuloy ang pagrerebolusyon.

Natatanaw ni Ka Bella na makasama at makatuwang ang kanyang mga anak sa hinaharap sa pagsusulong ng rebolusyon. Iyon ang rebolusyonaryong pamilya na pinapangarap niyang buuin sa gitna ng marahas na agos ng pagrerebolusyon. Naniniwala siyang ang kanyang rebolusyonaryong pamilya ay kabilang sa maraming binhi na mapupundar ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtatatag ng demokrasyang bayan at sosyalistang lipunan at magwawaksi sa pyudal at burges na kaisipan at kaayusan ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

“Siyanga pala mga kasama, nilubos ko na ang pag-eehersisyo ng aking karapatan bilang babae dito sa kilusan.” Pagtatapos ni Ka Bella. “Ako ang nanligaw sa aking asawa.”

Malakas ang tawanan at kantiyawan sa kapehan na iyon.

Kalatas Marso 2020

Kwentong Kasama: Ilocos Cordillera Region, 2023

Kwentong integrasyon ng isang expat: Sa gitna ng putik at mga unos