Mga Pulang Martir

Sa ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa Marso 29, dakilain natin ang mga bayani’t martir ng hukbong bayan na nabuwal sa pakikipaglaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Gawin nating inspirasyon ang kanilang buhay at kadakilaan upang walang takot na harapin ang mga pasakit sa pagsusulong sa rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang paghahari ng mga mapang-api at mapagsamantalang uri.

Humalaw tayo ng mga aral mula sa ating mga karanasan na binayaran ng kanilang dugo bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng buhay sa digmang bayan.

Ka Jandy

Emarie Pastidio

Aktibistang pangkultura si Ka Jandy nang iligal na inaresto noong 2018. Nang makalaya, nagpasagip siya sa BHB-Negros at kalauna’y sumapi dito. Muli siyang dinakip noong 2021, habang nasa maternity leave. Nakatakas siya sa sikretong detensyon kung saan dumanas siya ng tortur at panggagahasa sa kamay ng mga sundalo, 10 araw mula nang siya ay madakip. Kasabay ng kanyang detensyon, inagaw ng militar sa nag-aalagang mag-asawa ang anak niyang si Baby Marx at hanggang ngayon ay di pa ibinabalik sa kanyang pamilya.

Tubong Escalante, namartir si Ka Jandy sa isang labanan noong Pebrero 21 sa Sityo Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City. Namartir din sa parehong labanan si Joshua Sultan (Ka Jorge).

Ka Jorge

Joshua Sultan

May sariling maliit na tubuhan ang pamilya ni Ka Jorge sa Calatrava, Negros Occidental, pero kailangan pa rin niyang magtrabaho sa ibang tubuhan para kumita kada araw. Dahil sa maliit na kita, pinasok niya ang trabahong konstruksyon. Nang kumilos ang BHB sa kanilang lugar, unti-unti siyang namulat, hanggang magpasya siyang sumapi noong 2023. Sa loob ng hukbong bayan, naging maasahan sa paggwa ng mga ruta at instruktor ng literasiya at numerasiya si Ka Jorge. Malaki rin ang kanyang ambag sa mga aksyong militar na inilunsad ng larangan.

Namartir si Ka Jorge, kasama si Emarie Pastidio (Ka Jandy,) sa isang labanan noong Pebrero 21 sa Sityo Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City.

Ka Ayang

Beverly Sinunta

Partidista ang ina ni Ka Ayang kaya bata pa lamang siya ay mulat na siya sa rebolusyonarong kilusan at ang lugar ng kababaihan dito. Taong 2005, ibinilin niya ang kanyang dalawang anak sa kanyang asawa at ina para magpultaym sa BHB-Bukidnon. Kalaunan, sumunod sa kanyang mga yapak ang kanyang asawa, mga kapatid at kanyang panganay na anak na babae, si Chenchen Banawan (Ka Pao).

Naging myembro siya ng ng larangang gerilya, at di naglaon, pinamunuan ang komite sa isa sa mga subrehiyon ng North Central Mindanao bilang kalihim nito. Nagsilbi din siyang kagawad ng Komite ng Partido sa Rehiyon ng North Central Mindanao.

Namartir si Ka Ayang, kasama si Ka Pao at walo pang mandirigma na sina Ka Louie, Bebot Solinay (Ka Ligid), Aurelio Gonsalez (Ka Alvin), Penita Suggaman (Ka Pening), Ka AT, Ka UL at kanyang anak, at Ka AUL sa isang pambobomba sa Kiito 10, Kan-ayan, Malaybalay City noong Disyembre 25, 2023.

Ka Pao

Chenchen Banawan

Bilang pangatlong henerasyon ng rebolusyonaryong kababaihan sa kanilang pamilya, nagpultaym si Ka Pao noong 2016 sa subrehiyong pinamunuan ng kanyang ina na si Ka Ayang. Gumampan siya ng gawain bilang kagawad ng Information Bureau ng subrehiyon at nanguna sa mga gawaing propaganda, edukasyon at kultural hindi lamang sa saklaw nitong area, kundi pati sa mas malawak na publiko sa pamamagitan ng social media.

Kasama niyang namartir ang kanyang asawa na si Ka Louie, at walong iba pa na sina Bebot Solinay (Ka Ligid), Aurelio Gonsalez (Ka Alvin), Penita Suggaman (Ka Pening), Ka AT, Ka UL at kanyang anak at Ka AUL noong Disyembre 25, 2023 sa Kiito 10, Kan-ayan, Malaybalay City.

Ka Michelle

Myrna Micabalo

Anim na buwang buntis si Ka Michelle nang mapaslang sa isang labanan sa Sityo Kalaitan, Barangay Manila de Bugabos, Butuan City noong Enero 16. Kasama niyang namartir sina Ka Kasikas at Ka Python.

Ka Patrick

Baltazar Hapa

Pinalaki ng kanyang lola si Ka Patrick sa Sorsogon matapos maulila ng kanyang ama at nagtrabaho sa Maynila ang kanyang ina. Noong kanyang kabataan, nahimok siyang sumapi sa rebolusyonaryong grupo ng kabataan sa kanilang komunidad laluna at madalas bumabase ang Pulang Hukbo sa kanilang bahay. Sumapi siya sa BHB-Sorsogon kung saan nahasa ang kanyang kakayahan bilang kadre militar. Itinalaga siya sa panlabang yunit ng prubinsya kung saan naging bahagi siya ng maraming taktikal na opensiba. Bilang Partidista, kabilang siya sa mga namuno sa lahatag-panig na pagsulong ng mga larangang gerilya sa Sorsogon.

Namartir si Ka Patrick noong Enero 14 sa kanyang bayang tinubuan sa Barangay Togawe, Gubat.

Ka Maya

Hannah Cesista

Tubong Cebu, nagtapos ng abogasiya si Ka Maya sa University of San Carlos sa Cebu. Naging aktibista siya habang estudyante sa UP-Cebu. Bago siya sumapi sa BHB-Bohol, nagsilbi siyang paralegal sa grupong tagapagtanggol sa karapatang-tao at naging mulat sa pagsasamantala at pang-aapi ng iba’t ibang sektor sa rehiyon.

Kasama si Ka Maya sa limang Pulang mandirigma na dinakip, sadyang pinatay at pinalabas na namatay sa engkwentro sa Barangay Campagao, Bilar, Bohol noong Pebrero 23. Kinilala bilang “Bilar 5” sina Ka Maya, Domingo Compoc (Ka Silong), Parlito Segovia (Ka Aldrin), Marlon Omosura (Ka Darwin) at Ka Juaning.

Ka Daloy

Gerald Lerio Paredog

Nagmula sa uring malaproletaryado si Ka Daloy. Tubong Samar ang kanilang pamilya bago namalagi sa Metro Manila. Aktibista ang kanyang mga magulang at mga kapatid kaya maaga siyang namulat sa kahalagahan ng rebolusyonaryong paglaban. Nagpasya siyang makipamuhay sa BHB sa Cagayan noong Disyembre 2016 matapos dumalo sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido sa lugar. Di nagtagal, nagpasya siyang magpultaym.

Namartir si Ka Daloy sa isang labanan noong Pebrero 23 sa Sityo Laoc, Barangay Pateng, Gonzaga, Cagayan.

Ka Pascual

Jethro Isaac Ferrer

Tubong Pangasinan, nagmula sa uring mababang petiburgesya si Ka Pascual. Habang nasa kolehiyo, naorganisa siya sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) noong 2009 at naging pultaym na organisador. Taong 2010, naging myembro siya ng Partido. Sa taong iyun, bumisita siya sa isang yunit ng BHB-Mindoro. Di nagtagal, nagpasya siyang sumapi dito. Matapos ng ilang panahon, itinalaga siya sa Panrehiyong Istap sa Propaganda at Kultura ng rehiyon.

Namartir si Ka Pascual, kasama si Peter Rivera (Ka Tagub) matapos madakip at sadyang pinaslang ng 76th IB noong Nobyembre 13, 2023 sa Sityo Layang-layang, Gloria, Oriental Mindoro.

Ka Tagub

Peter Rivera

Mula sa grupong Hanunuo si Ka Tagub. Naorganisa ang kanyang pamilya at sa kanilang komunidad siya nagsimulang kumilos. Nagpultaym siya sa BHB-Mindoro noong 1987. Sa panahong nagpapalakas ng gawain sa Palawan, isa siya sa naideploy doon noong 1995. Nakabalik siya sa isla ng Mindoro noong 2014. Sa mabaha niyang paglilingkod bilang Pulang mandirigma, marami siyang nalahukang mga taktikal na opensiba.

Namartir siya, kasama si Jethro Isaac Ferrer (Ka Pascual), matapos madakip at sadyang pinaslang ng 76th IB noong Nobyembre 13, 2023 sa Sityo Layang-layang, Gloria, Oriental Mindoro.

Ka MC

Kure Lukmay

Mula sa tribung Hanunuo, naorganisa sa kanyang komunidad sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro, si Ka MC. Nagpultaym siay sa BHB-Mindoro noong 1998, at mula dito ay nagboluntir na maideploy sa ibang lugar sa rehiyon. Nakabalik siya sa Mindoro noong 2009. Isang mahusay na isnayper, lumahok siya sa maraming taktikal na opensiba na markado sa kasaysayan ng isla.

Namartir siya sa isang labanan sa Tugas, Barangay Sabang, Pinamalayan, Oriental Mindoro noong Nobyembre 19, 2023. Kasama niyang namartir sina Abegail Bartolome (Ka Laura) at Jovit Alamoguera (Ka Adja).

Ka Adja

Jovit Alamoguera

Nagpultaym si Ka Adja sa BHB-Mindoro noong 2004, panahon na nananalasa ang berdugong si Jovito Palparan sa isla. Gawaing militar ang naging pangunahing gawain niya bilang bahagi siya ng panlabang platun ng isla. Nalipat siya sa pangunahing yunit gerila ng rehiyon noong 2014 bilang upisyal at massiganer ng yunit. Naging bahagi siya ng maraming matatagumpay na opensiba sa rehiyon.

Namartir siya sa isang labanan sa Tugas, Barangay Sabang, Pinamalayan, Oriental Mindoro noong Nobyembre 19, 2023. Kasama niyang namartir sina Abegail Bartolome (Ka Laura) at Kure Lukmay (Ka MC).

Ka Laura

Abegail Bartolome

Mula sa kalunsuran, sumapi sa BHB si Ka Laura noong 2014. Una siyang naitalaga sa isang larangang gerilya sa Timog-Quezon-Bondoc Peninsula, bago siya inilipat sa gawaing istap sa ng panrehiyong kumand sa operasyon, una bilang opisyal sa paniktik at ikalawa bilang kagawad ng istap sa tauhan at pagsasanay. Naging bahagi siya ng matutunog na mga aksyong pamarusa at taktikal na opensiba. Sa kalaunan, naging kagawad siya ng kumand sa operasyon ng BHB sa rehiyon. Habang gumagampan ng pangunahing tungkulin, masiglang nag-ambag si Ka Laura ng mga sulatin at ambag pampanitikan ng rebolusyonaryong dyaryo at literary journal ng rehiyon.

Namartir si Ka Laura sa isang labanan sa Tugas, Barangay Sabang, Pinamalayan, Oriental Mindoro noong Nobyembre 19, 2023. Kasama niyang namartir sina Jovit Alamoguera (Ka Adja) at Kure Lukmay (Ka MC).

Ka Bru

Ruben Abiso

Taong 1988, Abril nang magpasyang magpultaym si Ka Bru sa BHB sa Bicol. Sa kanyang mahabang karanasan, nagsilbi siyang kumander ng sentro-de-grabidad ng Pulang hukbo sa Camarines Norte at naging regular na kagawad ng komite ng Partido sa larangan.

Namartir siya sa isang labanan sa Abuyog, Barangay Macugon Labo, Camarines Norte noong Noyembre 25, 2023.

Ka Maleya

Eljie Gomez Adorna

Nakilala bilang “NPA Radio DJ,” boses si Ka Maleya ng Radyo Demokratiko ng BHB-Surigao del Sur. Nagmarka ang mga programang pinangunahan niya sa masa sa saklaw ng kanyang yunit. Lampas dito, kinagiliwan ang kanyang pagbabalita, paghahatid ng mga pahayag, at pagpapatugtog ng rebolusyonaryong musika ng maraming netizen sa social media.

Narmartir si Ka Maleya sa isang pambobomba sa ere noong Hunyo 16, 2023 sa Upper Anticala, Butuan City. Kasama niyang namartir sina Mikee Quillano Iligan (Ka Mitch), Alvet Martinez Catapte (Ka Renz), mag-asawang Ruel Arellano (Ka Dodo) at Raylyn Cerona Subere (Ka Kiya).

Ka __________

Joshua Sagdullas

Estudyante ng Political Science si Sagdullas sa University of Tacloban nang una siya maging aktibista. Nang magtapos siya, naging kalihim siya ng Bagong Alyansang Makabayan ng Eastern Visayas. Dito niya dinanas ang walang puknat na sarbeylans, intimidasyon at pananakot. Dahil dito, sumukob siya sa BHB-Samar, at kalauna’y nagpasyang talikuran ang dating buhay para magpultaym sa Pulang hukbo.

Namartir siya sa isang sagupaan sa Barangay Mabini, Catarman, Northern Samar noong Mayo 28, 2023. Kasabay niyang namartir sina Geraldine Teopinto (Ka Luz), Abigail Padula Baselga (Ka Moana) at Vicente Termo.

Ka Bernie at Ka Preka

Alberto Castaneda at Chen Ortega

Platun lider ng isang yunit ng BHB-Surigao del Sur si Ka Bernie habang political instructor ng platun ang kanyang asawang si Ka Preka.

Namartir sila, kasama ang lider ng iskwad na si Ka Jeo, sa isang drone attack ng 30 IB sa Barangay Lubo, Cantilan, Surigao del Sur noong Mayo 11, 2023. Bago ang pambobomba, namartir sa parehong barangay at araw si Erick Colon (Ka Neo) nang ambusin ang kanyang tim na naghahakot ng suplay.

Ka Ajam

Delfin Santero

Lumaki sa hirap si Ka Ajam. Hindi siya nagtapos ng elementarya at maagang nagtrabaho bilang construction worker at minero. Dinanas niya ang sobra-sobrang pagpapatrabaho kapalit ng napakaliit na kita. Taong 2020 nang magpasya siyang sumapi sa BHB-Agusan del Norte matapos siya dumalo sa isang pag-aaral tungkol sa lipunan at rebolusyong Pilipino.

Namartir si Ka Ajam sa isang labanan sa Barangay Taligaman, Butuan City noong Enero 6,2023.

Ka Dano at Ka Zig

Rudy Garay at Rosalie Caindoy

Walang patid ang 36 anim na taon ang paglilingkod ni Ka Dano sa sambayanang Pilipino mula nang sumapi siya sa BHB-Surigao del Sur noong 1987. Tubong Surigaonon, binalikat niya ang pag-aalaga sa kanyang mga kapatid mula sa murang edad.

Tulad niya, Surigaonon rin si Ka Zig, na nagtapos sa kursong Midwifery. Malaking tulong ang kanyang medikal na kaalaman sa loob ng hukbong bayan at sa masang Lumad at magsasaka na saklaw ng kanilang yunit.

Namartir sina Ka Dano at Ka Zig matapos dakpin sa isang ospital sa Misamis Oriental noong Marso 26, 2023, sadyang pinatay at pinalabas na napatay sa engkwentro sa Sityo Vertudazo, Barangay San Juan, Bayugan City, Agusan del Sur sa sumunod na araw.

Ka Berto

Emanuel Balano Anob

Surbeyor sa National Irrigation Administration (NIA) si Ka Berto, bago siya sumpi sa BHB noong 1980 sa edad na 24 anyos. Sa loob ng 43 taon, ginampanan niya ang iba’t ibang gawain sa loob ng rebolusyonaryong kilusan. Nagsilbi siyang kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite ng Partido sa Rehiyon ng Northeast Mindanao.

Namartir siya sa edad na 67 matapos dukutin ng Intelligence Division 13, Police Regional Office 13 at 3rd Special Forces Batallion noong Marso 29, 2023. Matapos sadyang patayan, inilitaw ang kanyang bangkay sa covered court ng Barangay San Juan, Bayugan City.

Ka Ilaya

Allysa Lemoncito

Mula sa uring petiburges, namulat si Ka Ilaya sa bulok na tugon ng noo’y rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19. Naging kasapi ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan-Laguna, at sa kalauna’y naging kagawad ng Partido. Nagpasya siyang magpultaym sa BHB-Batangas matapos makiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido noong 2022.

Namartir siya, kasama ng lima pang Pulang mandirigma, matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong 79th IB sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.

Ka Kyrie

Joy Mercado

Nagmula sa pamilyang magsasaka sa General Luna, Quezon si Ka Kyrie. Kumilos siya sa legal na demokratikong kilusang masa bago siya magpasyang sumapi sa BHB noong 2017. Umunlad siya bilang isang terrain master at giyang pangkombat sa loob ng hukbong bayan. Tumatayo siyang iskwad lider at pana-panahong giyang pampulitika nang paslangin ng militar.

Namartir siya, kasama ng lima pang Pulang mandirigma, matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong 79th IB sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.

Ka Orya

Maria Jetruth Jolongbayan

Tubong Calaca, Batangas at nagmula sa pamilya ng mga magsasaka sa tubuhan ang 33-anyos na inang si Ka Orya. Bata pa lamang ay nakikita na niya sa kanilang tahanan ang mga kasama na bumibisita at naggagawaing masa sa kanilang pookan. Taong 2008 nang magpasya siyang sumapi sa BHB-Batangas. Sa maraming pagkakataon sa kanyang 15 taon bilang Pulang mandirigma, tumayo siya bilang Pinunong Panlohistika.

Namartir siya, kasama ng lima pang Pulang mandirigma, matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong 79th IB sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.

Ka Komi

Precious Alyssa Anacta

Tubong Samar, napadpad sa pambansang kabisera si Ka Komi para mag-aral. Naorganisa siya sa kasagsagan ng pakikibaka ng mga estudyante para sa karapatan sa edukasyon. Mula rito, kumilos siya ng buong-panahon sa NCR. Nagpasya siyang sumanib sa BHB-Batangas noong 2022, kung saan naging katuwang siya sa gawain sa pulitika. Naging bahagi siya ng Pulang bandila at naging bahagi ng pamatnugutan ng pahagaran ng PKP sa Batangas.

Namartir siya, kasama ng lima pang Pulang mandirigma, matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong 79th IB sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.

Ka Mendel

Leonardo Manahan

Tubong Palawan at nagmula sa uring magsasaka ang 62-anyos na si Ka Mendel. . Namulat siya sa pakikibaka ng mga magsasaka sa lupa at laban sa mapanirang proyektong pagmimina sa Palawan. Kumilos siya sa Palawan bago itinalaga sa Batangas. Dito, pangunahin siyang kumilos sa mga eryang tubuhan at pangisdaan at naging kabahagi ng mga gawain sa pag-oorganisa at pag-aangat ng pampulitikang kamalayan ng masa.

Namartir siya, kasama ng lima pang Pulang mandirigma, matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong 79th IB sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.

Ka Hunter

Arc John Varon

Estudyante sa Polytechnic University of the Philippines sa kursong BS Chemistry si Ka Hunter nang maorganisa siya sa isang pambansa-demokratikong organisyon ng kabataan. Bumisita siya sa isang larangang gerilya sa katapusan ng 2019. Pagsapit ng 2020, nagpasya siyang lisanin ang kalunsuran at sumapi sa BHB. Dito, gumampan siya ng mga gawain sa edukasyon, literasiya, kultura at at militar. Naging bahagi siya ng matatagumpay na taktikal na opensiba sa isla.

Namartir si Ka Hunter, kasama si Nancy Looy Yaw-an (Ka Mamay), sa isang labanan sa Sityo Pasugui, Barangay Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro noong Mayo 30, 2023.

Ka Delong

Dionisio Micabalo

Ipinanganak si Ka Delong sa pamilyang maliit na panginoong maylupa. Nag-aral siya ng kursong BS Accounting sa isang kolehiyo sa Cagayan de Oro kung saan una siyang naorganisa. Taong 1982, sumanib siya sa BHB sa Misamis Oriental. Sa mahaba niyang paglilingkod sa bayan, dinaanan niya ang iba’t ibang gawain, sa iba’t ibang antas ng pagrerebolusyon. Nagsilbi siyang kalihim ng PKP-NCMR simula 2009. Sa Ika-2 Kongreso ng Partido, nahalal siya sa Komite Sentral at mula rito, sa Kawanihan sa Pulitika nito.

Namartir sa sagupaan si Ka Delong sa Barangay Libertad, sa Gingoog City, Misamis Oriental noong Hulyo 26, 2023.

Ka Cocoy

Rogelio Posadas

Ipinadala si Ka Cocoy ng kanyang Dabawenyong pamilya sa Cebu para paging pari noong simula ng dekada 1970. Namulat siya nang pumutok ang First Quarter Storm at di nagtagal, narekrut siya sa Partido. Naging bahagi siya ng BHB-Central Visayas noong dekada 1980. Idineploy siya sa Negros noong 1998, at ginampanan niya ang mga gawain mula sa larangan hangang sa rehiyon. Naging kalihim siya ng komite sa isla noong 2019.

Namartir si Ka Cocoy noong Abril 19, 2023 matapos sila dakpin sa Isabela-Hinigaran Road sa Isabela, Negros Occidental. Kasama niyang dinukot sina Lyngrace Marturilas, Renel delos Santos at Denald Mialen na hanggang ngayon ay di pa inililitaw ng militar.

Ka Joyce

Janice Flores

Taga-Himamaylan City, galing sa uring magsasaka si Ka Joyce. Sa murang edad, nagtrabaho siya bilang katulong para matulungan ang kanyang pamilya. Taong 2020, nakipamuhay siya sa BHB-Negros kasama ng iba pang kabataan. Hindi nagtagal, nagpasya siyang magpultaym. Nagsilbi siyang giya sa pulitika at medik kanyang kinapaloobang yunit. Nang masugatan siya sa isang labanan, tumulong siya sa istap ng medikal sa larangan.

Namartir si Ka Joyce noong Setyembre 21, 2023 nang karakarakang paulanan ng bala ng 47th IB ang sinasakyan niyang traysikel, kasama ang apat pang istap medikal ng larangan, sa Sityo Lubi, Brgy. Tabugon, Kabankalan City.

Ka Rikoy

Bobby Pedro

Mahirap na magsasaka si Ka Rikoy mula sa bayan ng Candoni. Noong nag-aaral pa, naging mag-uuling siya para tumimbang sa kanyang pamilya. Naorganisa siya sa kanyang komunidad at naging myembro ng KM sa lokalidad. Taong 2009 nang magpultaym siya sa hukbo at naging bahagi ng komite sa produksyon. Naging iskwad lider din siya bago maging istap ng medikal.

Namartir si Ka Goring, kasama ang apat pang istap medikal ng larangan, nang paulanan ng bala ang sinasakyan nilang traysikel sa Sityo Lubi, Brgy. Tabugon, Kabankalan City noong Setyembre 21, 2023.

Ka Goring

Mario Mullon

Hindi nakatuntong ng eskwelahan si Ka Goring dahil maaga itong tumimbang sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkarya/tapas sa asyenda ng tubuhan. Nagpultaym siya noong dekada 1980 at nahasa niya ang kanyang galing bilang upisyal medikal sa mahabang panunungkula niya sa hukbong bayan. Marami siyang natulungan at mapagaling na kasama at masa dulot ng kanyang mahabang kasanayan sa paggamot.

Namartir si Ka Goring, kasama ang apat pang istap medikal ng larangan, nang paulanan ng bala ang sinasakyan nilang traysikel sa Sityo Lubi, Brgy. Tabugon, Kabankalan City noong Setyembre 21, 2023.

Ka Bravo

Alejo delos Reyes

Bago magpultaym sa hukb, tumimbang sa kanyang pamilya si Ka Bravo sa pagsasaka at sa pamamagitan ng pag-drive ng habal-habal. Bago siya naging mandirigma, myembro siya ng Kabataang Makabayan sa lokalidad kung saan tumuwang siya sa seguridad ng mga kasama. Nagpultaym si Ka Bravo noong 2016 at sa pitong taon niya sa hukbo, nagsilbi siyang iskwad lider at sa kalaunan, pangalawang kumander ng platun.

Namartir si Ka Bravo, kasama ang kanyang asawang si Ka Diane (Melissa de la Pena) at tatlo pang istap medikal ng larangan, nang karakarakang paulanan ng bala ng 47th IB ang sinasakyan nilang traysikel sa Sityo Lubi, Brgy. Tabugon, Kabankalan City noong Setyembre 21, 2023.

Ka Diane

Melissa de la Pena

Mula sa pamilyang mayamang magsasaka si Ka Diane, pero nasanay siyang kalahok sa produksyon sa pagkokopra sa Cauayan, Negros Occidental. Dahil malapit sa rebolusyonaryong kilusan ang kanyang pamilya, di naging mahirap sa kanya ang sumapi sa BHB. Taong 2020 nang magdesisyon siyang magpultaym. Nagsilbi siyang upisyal medikal ng kanyang platun, at bago nito, naging instruktor sa pag-aral at mahusay siya sa gawain sa kultura.

Namartir si Ka Diane, kasama ang kanyang asawang si Ka Bravo (Alejo delos Reyes) at tatlo pang istap medikal ng larangan, nang karakarakang paulanan ng bala ang sinasakyan nilang traysikel sa Sityo Lubi, Brgy. Tabugon, Kabankalan City noong Setyembre 21, 2023.

Ka Nonong

Arjen Mahinay

Dekada 1980 pa naging Pulang mandirigma si Ka Nonong, na noo’y isang magsasaka sa Pinggot, Ilog, Negros Occcidental. Panandalian siyang nasangkot sa RPA-ABB noong 1990, pero lumabas siya rito dahil nakita niya ang kabulukan nito. Nagpasya siyang muling magpultayn sa BHB noong 2019 at gumampan bilang upisyal sa pinansya at lohistika ng kanyang yunit.

Namartir si Ka Nonong nang dakpin siya, kasama ang medik na si Ka Ruben, sa isang bahay kung saan nagpapagaling siya matapos ma-stroke. Sadya siyang pinatay ng nag-ooperasyong militar noong Pebrero 5, 2023 sa Barangay Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental.

Ka Ruben

Junjun Callet

Magsasaka mula sa Tayasan, Negros Oriental si Ka Ruben bago siya naging Pulang mandirigma. Malapit siya sa masa at mga kasama, laluna sa kanyang gawain bilang medik sa hukbong bayan.

Namartir si Ka Ruben nang dakpin siya, kasama si Ka Nonong, at sadyang pinatay ng nag-ooperasyong militar noong Pebrero 5, 2023 sa Barangay Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental.

Ka Jemon

Rodolfo Leo John Azucena

Tubong Victorias City, Negros Occidental, nagtrabaho bilang panadero, kontraktor, at iba pang di regular na trabaho si Ka Jemon bago sumapi sa BHB-Negros. Sa kanyang mahabang pagsisilbi sa masa, naging upisyal sa pinansya, bise kumander platun, at sa kalaunan, kumander ng platun. Myembro rin siya ng komite ng Partido sa larangan.

Namartir si Ka Jemon, kasama ang tatlo pang mandirigma sa isang labanan sa 94th IB noong Marso 1, 2023 sa Sityo Canagbaan, Brgy. Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.

Ka Jeloy

Renante Simalabala

Bunso sa pitong magkapatid si Ka Jeloy sa isang pamilyang magsasaka sa Sityo Paluhan, Brgy. Sandayao, Guihulngan City, Negros Oriental. Sa loob ng hukbong bayan, nagsilbi siyang iskwad lider at naging bahagi ng komiteng tagapagtupad ng sangay ng partido sa loob ng kanyang platun.

Namartir si Ka Jeloy, kasama ang tatlo pang mandirigma sa isang labanan sa 94th IB noong Marso 1, 2023 sa Sityo Canagbaan, Brgy. Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.

Ka Phillip

Andre Cose

Taga-Sicaba, Cadiz City, Negros Occidental si Ka Phillip bago siya nang Pulang mandirigma. Nagsilbi siyang bise iskwad lider sa kanyang yunit.

Namartir si Ka Phillip, kasama ang tatlo pang mandirigma sa isang labanan sa 94th IB noong Marso 1, 2023 sa Sityo Canagbaan, Brgy. Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.

Ka Sardo

Ricky Altariba

Manggagawang bukid at helper sa trucking ng tubo ang ilan sa mga trabaho ni Ka Sardo bago siya naging Pulang mandirigma sa North Negros.

Namartir siya, kasama ang tatlo pang mandirigma sa isang labanan sa 94th IB noong Marso 1, 2023 sa Sityo Canagbaan, Brgy. Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.

Ka Arnold

Armado Atoy

Mula sa Hacienda Pura sa Brgy. San Pablo, Manapla si Ka Arnold. Sumapi siya sa BHB noong 2021 matapos dumanas ng matinding pagsasamantala ng panginoong lupa bilang tapasero ng tubuhan.

Namartir si Ka Arnold matapos sadyang patayin ng mgatropa ng 79th IB sa Sityo Tabunoc, Barangay Libertad, Escalante City, Negros Occidental noong Abril 20, 2023.

Ka Miguel

Anthony Curson

Lumaki si Ka Miguel sa kanyang pamilyang magsasaka sa Brgy. Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental. Noong 2016, naging myembro siya ng KM sa kanilang komunidad kung saan naging aktibo siya sa pag-oorganisa at gawaing kultural. Naging target siya ng panggigipit ng Oplan Sauron noong 2018. Taong 2020, nagpasya siyang magpultaym sa BHB at gumampan ng gawain sa pinansya at lohistika.

Namartir siya nang sadya siyang patayin habang naka-medikal leave sa Sityo Malatanglad, Brgy. Budlasan, Canlaon City noong Abril 28, 2023.

Ka Kris

Cristito Nelles

Pangatlo sa 13 magkakapatid si Ka Kris sa isang pamilyang panggitnang magsasaka. Edad 20 nang magpasya siyang magpultaym sa BHB matapos ang tatlong buwan niyang pakikipamuhay sa isang yunit. Naging myembro siya ng komite ng Partido sa larangan at gumampan bilang political instructor ng platun, at sa isang panahon, kumander ng platun.

Namartir si Ka Kris, kasama si Rolly Benero, sa isang engkwentro sa pagitan ng kanyang yunit at 16th Scout Ranger Componay sa Sityo Amumuyong, Brgy. Trinidad, Guihulngan City noong Mayo 20, 2023.

Ka Marnie

Rolly Benero

Myembro ng KM si Ka Marnie bago sumapi sa BHB. Taga-Guihulngan Ciy, lumaki siya sa isang rebolusyonaryong pamilya.

Nagsilbi siyang iskwad lider at kagawad ng komite sa larangan noong 2021 na nanguna sa pagpapalawak ng kinikilusang erya ng kanyang yunit.

Namartir siya, kasama si Cristito Nelles, sa isang engkwentro sa pagitan ng kanyang yunit at 16th Scout Ranger Componay sa Sityo Amumuyong, Brgy. Trinidad, Guihulngan City noong Mayo 20, 2023.

Ka Ryan

Julwar Lobiano

Mula sa pamilyang magsasaka, bata pa lamang si Ka Ryan nang magsimulang magtrabaho para tulungan ang kanyang mga magulang. Mula sa pagiging myembro ng KM sa lokalidad, nagpasya siyang magpultaym noong 2022. Nagsimula siya bilang katuwang ng upisyal ng pinansya at lohistika ng kanyang yunit.

Namartir siya, kasama si Alvin Bayno, sa isang engkwentro sa Brgy. Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental noong Mayo 20, 2023.

Ka Dagger

Alvin Bayno

Residente ng Brgy. Banog-banog, Isabela, Negros Occidental si Ka Dagger bago siya naging Pulang madirigma. Nagtrabaho siya bilang construction worker sa Bacolod City noong bata pa siya. Sa sobrang barat ng sahod, bumalik siya sa kanyang baryo para magsaka. Sumapi siya sa BHB noong 2023.

Namartir si Ka Dagger nang madakip na sugatan at sadyang pinatay ng mga tropa ng 62nd IB sa Brgy. Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental noong Mayo 20, 2023.

Ka Bambam

Ponciano Sevilla

Mula sa pamilyang maliit na magsasaka sa Brgy. Budlasa, Canlaon City si Ka Bambam. Naging myembro siya ng KM sa lokalidad kung saan naging aktibo siya sa dagyaw-alayon (tulungan sa produksyon). Sa panahong ito, aktibo siyang dumalo sa mga pag-aaral at pagsasanay-militar. Sumapi siya sa BHB noong 2009 kung saan isa siya sa mga namumuno sa kanyang platun.

Namartir siya sa isang engkwentro sa Sityo Pangi, Carabalan, Himamaylan City noong Hulyo 7, 2023.

Ka Bryan

Marvic Ebarle

Napanday sa anti-pyudal na pakikibaka ang pamilya ni Ka Bryan nang nagpasya ang kanilang komunidad na lumaban sa despotikong maylupa sa Guihulngan City sa dekada 2000. Naging myembro siya ng KM at sumapi sa BHB noong 2002 dahil batid niyang hindi masususteni ang mga tagumpay sa repormang agraryo kung wala ang hukbong bayan at Partido na tuluy-tuloy na lumalaban para rito. Mahusay na medik sa Ka Bryan, at mahilig din siya sa gawaing kultural.

Namartir si Ka Bryan habang naka-medical leave, nang paulanan siya ng bala habang nag-aabang na masakyan sa Sityo Balunggay, Brgy. Montilla, Moises Padilla sadtong Hulyo 20, 2023.

Ka Rustom

Edmar Solano

Nagdesisyon si Ka Rustom na magpultaym sa BHB noong 2021 para bigyan-hustisya ang kanyang pamilya na naging biktima ng pang-aatake ng Oplan Sauron at patuloy na ginigipit ng mga armadong pwersa ng estado. Nagsilbi siyang medik at giya sa pulitika ng kanyang yunit.

Namartir siya sa isang engkwentro sa Sityo Sug-ong, Brgy. Milagrosa, Santa Catalina, Negros Oriental noong Enero 18, 2024.

Ka Star

Eddie Rosero

Taga-Aroroy, Masbate, namulat si Ka Star sa kalagayan ng bansa dulot ng mapaminsalang pagmimina. Nagsimula siyang kumilis sa grupo ng kabataan bilang kuryer ng mga kasama hanggang sa nagpultaym noong taong 1998. Sa mahigit 25 taon niyang paglilingkod, nahasa siya mahusay na mandirigma ng hukbong bayan sa prubinsya. Bilang nangungunang kumander, pinangunahan niya ang matatagumpay na taktikal na opensiba sa Masbate.

Namartir si Ka Star, kasama si Ka Jamon, sa isang labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa Barangay Jagnaan, San Jacinto, Masbate noong Agosto 19. Sa labanang ito, minasaker din ng AFP ang tatlong kababaihang magsasaka na sina Jelyn Guis Dejomo, Sheryl Salazar Dejomo at Divina Lubiano Ajitan.

Ka Caloy, Ka Marjon, Ka Jun, Ka Mike, Ka Rey

Rufino Alva, Samuel Nuynay, Renebor Barzaga, Jerome Sabang, Atrocinio Aton

Sila Ka Caloy at mga kasamahan ay pansamantalang huminto sa lugar upang dinggin ang mga hinaing at problema ng masa, laluna sa usapin ng lupa. Pinagpupugayan sila bilang mga huwarang bayani at tunay na anak ng Masbate. Ang kanilang pinakamataas na sakripisyo ay inspirasyon sa mga kapwa nila kasama at sa masang Masbatenyo upang magpunyagi sa buhay-at-kamatayang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Narmartir ang lima sa isang labanan sa Barangay Guiom, Cawayan, Masbate noong Pebrero 9, 2023.

Ka Randy

Eleazar Ontog

Taga-Monreal, Ticao, namartir si Ka Randy sa isang labanan sa Barangay Eastern Capsay, Baleno, Masbate noong Enero 8, 2023.

Ka Karen

Fernando Dialogo

Taga-Lapinig, Gubat sa Sorsogon ang maralitang magsasakang pamilya ni Ka Karen. Bata pa lamang siya ay kilala na niya ang rebolusyonaryong kilusan. Para itaguyod ang kanyang pamilya, nagtrabaho siya bilang panadero sa Maynila mula 1985. Pagbalik niya sa Sorsogon noong 2006, muli siyang naugnayan ng mga kasama. Di nagtagal, nagdesisyon siyang magpultaym sa hukbo. Naging organisador, iskwad lider hanggang naging kumander si Ka Karen ng kanyang platun.

Namartir siya nang patraydor siyang paslangin ng mga armadong ahente ng AFP sa Brgy. Boton, Casiguran, Sorsogon noong Hulyo 15, 2023.

Ka Sandro

Rizaldy Perdigon

Pulang mandirigma ang ama ni Ka Sandro at dahil dito, maaga siyang namulat sa kalupitan ng kaaway. Dumanas siya, ang kanyang ina at mga kapatid ng iba-ibang pormga ng panggigipit. Nagsikap siyang mag-aral pero napilitang tumigil para magtago sa kaaway. Pagtuntong niya ng 18, sumapi siya sa hukbong bayan. Una siyang gumampan bilang upisyal sa lohistika, hanggang naging kumander ng kanyang platun.

Namartir si Ka Sandro, kasama si Ka Jayson (Allan Leron) sa isang sagupaan laban sa kaaway noong Oktubre 3, 2023 sa Tabon-tabon, Daraga, Albay.

Ka Jayson

Allan Leron

Unang sumapi sa hukbong bayan si Ka Jayson noong 2001 pero nagpasyang tumigil noong 2005 para maghanapbuhay upang makatulong sa magulang at buhayin ang kanyang bagong buong pamilya. Sa kabila ng pagiging sibilyan, hindi sya tinigilan ng kaaway. Paulit-ulit siyang ginipit at sinampahan ng mga gawa-gawang mga kaso. Upang makaalpas sa panggigipit, nagpasya siyang bumalik sa BHB noong 2021 para ipagpatuloy ang paglilingkod sa bayan. Naging bahagi siya ng ilang kampanya upang parusahan ang mga sagadsaring elemento ng militar at pulis na naghahasik ng terorismo sa mamamayang Albayano.

Namartir si Ka Jayson, kasama si Ka Sandro (Rizaldy Perdegon) sa isang sagupaan laban sa kaaway noong Oktubre 3, 2023 sa Tabon-tabon, Daraga, Albay.

Ka Amotong

Motong Bago

Ipinanganak sa Talaingod, Davao del Norte si Ka Amotong. Lumaki siyang mulat sa rebolusyonaryong kilusan dahil nabuhay ang kanyang pamilya sa maggubat na bahagi at naging saksi siya sa pagsulong ng digmang bayan. Marami siyang nalahukan na mga sagupaan kung saan palagiang malaki ang kaswalti ng kaaway. Nahasa ang kanyang kasanayang militar sa pagharap sa matitinding operasyong militar noong 2021-2023.

Namartir si Ka Amotong sa edad na 20 sa isang engkwentro sa Barangay Kipaypayon, Quezon noong Nobyembre 25, 2023.

Ka Ringo

Isagani Isita

Si Ka Ringo ay ipinanganak sa isang pamilyang magsasaka sa Barangay Banaba, Padre Garcia, Batangas. Sa murang edad, pumasok siya sa iba’t ibang trabaho kagaya ng helper sa talyer, welder, drayber, kubrador, peryante at komite sa basketball. Dito siya namulat sa kahirapan ng buhay at kaapihan sa mga maralita.

Noong 2010, nagpasya siyang sumapi sa NPA.Gumampan siya bilang upisyal sa pulitika sa BHB at lumahok sa maraming gawaing militar ng kanyang yunit.

Namartir siya matapos madakip at sadyang patayin ng berdugong militar sa Barangay Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon noong Hulyo 30, 2023.

Ka Mamay

Nancy Looy Yaw-an

Si Ka Mamay ay isang Mangyan-Buhid na namulat sa kapabayaan at karahasan ng estado sa mga katutubo. Bata pa lamang, naranasan niyang mapalayas mula sa kanilang lupaing ninuno at napilitang magbakwet mula San Jose hanggang Rizal, Occidental Mindoro. Nagpasya siyang sumapi sa BHB at nagsilbing upisyal-militar ng kanyang yunit. Kinikilala siyang babaeng Pulang kumander na matapang na humaharap sa kaaway.

Namartir si Ka Mamay, kasama si Arc John Varon (Ka Hunter), sa isang labana sa Sityo Pasugui, Barangay Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro noong Mayo 30, 2023.

Ka Bombo

Baliwag Buccol

Mula sa isang pamilya ng mahirap na magsasaka sa Tabuk, Kalinga si Ka Bombo. Isa siyang simpleng mag-uuling na natulak nagpursigeng umugnay sa BHB nang pinaratangan siyang tagasuporta nito. Nagdesisyon siyang magpultaym sa BHB noong 1992.

Inabutan ni Ka Bombo ang yugto na nagwawasto ang rebolusyonaryong kilusan sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) kung saan napakatindi ng demoralisasyon sa hanay ng Hukbo dulot ng mga kamalian ng dis-oryentasyon. Isa siya sa ang naging binhi ng muling pagbabagong-sigla ng rebolusyonaryong kilusan sa Kalinga.

Namartir si Ka Bombo sa isang labanan sa Sityo Angod, Barangay Poswoy, Balbalan, Kalinga noong Mayo 3, 2023.

Ka Hope at Ka Blue

Jenny Fariolan at John Erid Talibo

Isang 33-anyos na residente ng Barangay Cabalaunan, Miagao si Ka Hope habang 26-anyos na residente naman ng Barangay Indaluyon, Igbarassi Ka Blue.

Namartir sila matapos madakip at sadyang pinatay ng mga elemento ng 301st IBde sa Brgy. Ayabang, Leon, Iloilo noong Hulyo 29, 2023.

Ka Karen

Dani Lagrama

Estudyante sa kolehiyo sa Quezon si Ka Karen nang una siyang naorganisa para ipaglaban ang kagalingan at karapatan ng mga esudyante. Bilang lider-estudyante, pinamunuan niya ang ilang mga pakikibaka sa kanyang unibersidad. Habang nasa sektor ng kabataan, naimbwelto siya sa mga pakikibakang ng mga magsasasaka sa niyugan para sa tunay na repormang agraryo at pagbabalik ng pondong cocolevy. Nagpultaym siya sa sonang gerilya noong 2018, at nagsilbi sa yunit ng BHB sa Bondoc Peninsula.

Namartir si Ka Karen, kasama sina Joseph de los Santos (Ka Ken) at Recanio Bulalacao (Ka Jeni) sa Barangay Huyon-Huyon, San Francisco, Quezon noong Enero 29, 2023.

Ka Ken

Joseph Delos Santos

Sa edad na 13 taong gulang namulat na si Ka Ken sa rebolusyonaryong kilusan. Nananalaytay ang dugo ng pamilyang rebolusyonaryo. Pulang mandirigma rin ang kanyang ama na namartir sa labanan. Ang kanyang ina naman ay naorganisa sa hanay ng mga kababaihan sa kanilang baryo bago siya walang pakundangang pinatay ng kaaway noong Marso 2018.

Sumapi si Ka Ken sa BHB at naging kasapi ng Partido noong 1998. Naging kumander siya ng kanyang yunit at naging bahagi ng maraming taktikal na opensiba sa prubinsya.

Namartir si Ka Ken, kasama sina Dani Lagrama (Ka Karen) at Recanio Bulalacao (Ka Jeni) sa Barangay Huyon-Huyon, San Francisco, Quezon noong Enero 29, 2023.

Ka Jeni

Recanio Bulalacao

Nagmula sa Brgy. San Francisco B, Lopez, Quezon si Ka Jeni. Namulat siya sa rebolusyonaryong kilusan sa palagiang pakikisalamuha sa Pulang hukbo. Napabilang siya sa grupo ng mga magsasaka sa kanilang lugar at naging aktibo sa mga suyuan. Nagpasya siyang sumapi sa BHB matapos ang ilang panahon.

Namartir siya, kasama sina Dani Lagrama (Ka Karen) at Joseph Delos Santos (Ka Ken) sa Barangay Huyon-Huyon, San Francisco, Quezon noong Enero 29, 2023.

Ka Aja

Jovit Almoguera

Tubong Naujan, Oriental Mindoro at mula sa uring magsasaka, nagpultaym sa BHB si Ka Aja sa panahon ng ng pagtatanggol laban sa Oplan Habol Tamaraw ni Jovito Palparan sa Mindoro. tuluy-tuloy na siyang kumilos, at unang yunit na kinapalooban niya ay ang sentro-de- grabidad na platun o pangunahing panlaban na platun sa isla.

Ka Binhi

Baby Jane Orbe

Mula sa sektor ng kabataan, batang kadre at lider ng Partido at BHB si Ka Binhi. Larawan ng entusyasmo at rebolusyonaryong optimismo, naitalaga siyang kalihim ng Partido sa kanyang yunit sa Kanlurang Batangas. Sa kanyang panahon, muli nilang nabalikan ang signipikanteng tipak ng erya na pansamantalang naiwan matapos ang mapait na depensibang labanan sa Nasugbu na ikinasawi ng 14 na kasama noong November 2017.

Namartir siya, kasama ng anim pang Pulang mandirigma sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023. Kinilala sila at ang dalawang sibilyang sina Sheine Anacta at Rose Jane Agda bilang Balayan 8.