Isang Bukas na Liham sa mga Pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa New People’s Army (NPA)


Ang naganap na labanan sa Cabunagan, Poblacion, Tadian, Mountain Province noong April 2 ay isa na namang malinaw na ehemplo kung paano isinusubo ang mga pwersa ng AFP, PNP at CAFGU sa kapahamakan upang maprotektahan ang makauring interes ng mga naghaharing uri. Sa naturang labanan, isa ang namatay habang mahigit walong iba pa sa mga kapulisan ang nasugatan.

Batay sa ulat na natanggap ng CMC mula sa Leonardo Pacsi Command (LPC) ng NPA-Mountain Province kaugnay ng isinagawa nitong ambush noong April 2, agad na namatay ang isang pwersa ng PNP at nasugatan ang iba pa nang mapasabugan sila ng command-detonated explosives at mapaulanan ng bugso ng mga bala. Sa gitna ng labanan, nagsisimula na sanang sumuko ang iba sa mga kapulisang na-ambush pero galit na sinisigawan sila ng kanilang kumander na sugurin pa rin nila ang mga nakaposisyong NPA at kung hindi sila tutupad sa kanyang utos ay siya mismo ang babaril sa kanila. Dahil sa pwersahang pag-asolt, nadagdagan pa ang mga sugatang pulis.

Karaniwan itong nangyayari sa mga labanan sa pagitan ng NPA at AFP-PNP-CAFGU. Tiyak na alam ninyo ito.

Ano ang ipinapakita ng ganitong kaganapan? Na walang tunay na pagmamalasakit ang inyong mga kumander sa inyong mga mahal na buhay. Dahil sa utos ng inyong berdugong mga heneral at iba pang matataas na opisyal na naghahabol ng promosyon at para makakuha ng malalaking bonus at reward, itinutulak kayong mga ordinaryong sundalo at kapulisan sa bunganga ng kamatayan.

Hindi problema ng inyong mga kumander, at lalo na ng inyong baliw at teroristang commander-in-chief na si Duterte, kung marami sa inyo ang mamatay sa labanan. Hindi rin nila problema kung kayo’y nagkukulang sa mga kagamitan at supply sa inyong mga inilulunsad na combat operation at kung kulang ang ibinibigay sa inyong mga benepisyo. Basta’t sila’y umaani ng papuri mula sa inyong mga “accomplishment” habang sila’y nakakapagkurakot ng malalaking pondo ng AFP-PNP at kumikita sa mga kriminal na aktibidad na pinoprotektahan nila tulad ng negosyo sa bawal na droga.

Para maipatupad ang mga pang-ekonomyang programa at proyektong magbebenepisyo lamang sa mga panginoong maylupa at malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, itinutulak kayo ng reaksyunaryong estado na gumawa ng iba’t- ibang karahasan at kahayupan laban sa mamamayan. Imbes na ipatupad ang inyong tungkulin na respetuhin at protektahan ang mga karapatang-tao ng taumbayan, inuutusan kayong lapastangin ang mga ito. Tinuturuan kayong manindak, manghuli at mangkulong ng mga inosente, mangdukot, mangtortyur, manggahasa, mang-salvage, manunog at manira ng mga bahay at ari-arian, at iba pang mga karumal-dumal na krimen laban sa mamamayan. Inuutusan kayong pumatay ng mga sibilyan na inyong iyuulat bilang mga “NPA na namatay sa labanan” o di kaya ay mga kriminal na “nanlaban nang inyong hulihin”, tulad ng inyong ginawang walang-awang pagpaslang sa 14 magsasaka sa harap mismo ng kanilang mga nagmamakaawang pamilya sa Negros Oriental kamakailan lamang. Sa kabila ng resulta ng mga independiyenteng imbestigasyon na ang 14 na pinatay ninyo ay mga inosenteng sibilyan, pilit na ipinagtatanggol ng inyong mga heneral na lehitimo ang operasyong isinagawa ng PNP at ang 14 ay namatay dahil “sila ay nanlaban”.

Sa utos ng inyong teroristang among si Duterte at ng kanyang mga heneral na sakim sa dugo, itinutulak kayo na maging mga berdugong kriminal laban sa mamamayang naggigiit at nakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Sa loob lamang ng tatlong taong pamumuno ng administrasyong Duterte, mahigit 20,000 na mga sibilyan ang pinagpapatay ng AFP at PNP sa mga brutal na ‘war on drugs’ at ‘war of suppression’.

At ano ang napala ninyo dito? Lalo lang kayong kinamuhian ng malawak na mamamayang sumasabog sa galit dahil sa matinding pang-aapi at pandarahas na dinaranas nila sa inyong mga kamay. Hindi nakapagtataka na itinuturing nila kayong kaaway.

Ang nagaganap na digmaang sibil sa ating bansa ay isang makauring labanan. Ito ay digmaan ng sambayanang Pilipino laban sa mga uring nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Para maprotektahan ang kanilang kontrol sa ekonomya ng bansa at sa reaksyunaryong estado, ginagamit ng mga naghaharing uri at ng kanilang mga imperyalistang amo ang mga pasistang makinarya ng AFP-PNP, CAFGU at iba pang para-militar na grupo upang marahas na supilin ang sinumang tututol o lalaban sa kasalukuyang kaayusang pinaghaharian nila. Hindi ‘paglilingkod sa mamamayan’ ang nasa loob ng puso ng inyong mga nakatataas na opisyal at commander-in-chief. Sila’y naglilingkod sa mga nasa kapangyarihang nagpapanatili ng isang bulok na sistema ng lipunan kung saan patuloy na nalulugmok sa matinding kahirapan ang malawak na sambayanang kinabibilangan ng inyong mga pamilya.

Ito ang dahilan kung bakit mabilis na winakasan ng inyong despotikong among si Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi interes ni Duterte at ng pinaglilingkuran niyang naghaharing uri ang pagsusulong ng isang kumprehensibong programang pangekonomya at pang-serbisyo sosyal na siyang magreresolba sa ugat ng matinding kahirapan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang nagdarahop. Ayaw nilang mawala ni mabawasan ang kayamanan at kapangyarihang tinatamasa nila mula sa kasalukuyang mapang-api at mapagsamantalang sistema.

Alam naming ang matinding kahirapan ang nagtulak sa inyo na pumasok sa AFP at PNP. Subalit sa kagustuhang makaahon ang inyong mga pamilya sa karukhaan, lubhang mali ang maglingkod sa isang sistemang siya mismong ugat ng paghihirap ng ating mamamayan. Mag-isip-isip kayo nang malalim. Walang karangalang matatamo sa paglilingkod at pagtatanggol sa mga sakim sa kapangyarihan at nanghuhuthot ng kayamanan mula sa pagsasamantala sa malawak na sambayanan.

Hinahamon namin kayong manindigan para sa tunay na kapakanan ng taumbayan. Makipag-aralan sa kanila hinggil sa tunay na kalagayan ng ating bayan at ng masang anakpawis. Makiisa kayo sa kanila sa lumalakas na pakikibaka nila laban sa kahirapan at sa tiranikong rehimeng Duterte. Makipag-ugnayan at sumanib sa rebolusyonaryong kilusan.

Laging nakahanda ang NPA na tanggapin kayo sa sandaling kayo’y magpasyang sumapi rito at tuwirang lumahok sa armadong rebolusyon na siyang tunay na magpapalaya sa sambayanan mula sa makauring pang-aapi at pagsasamantala.###

Isang Bukas na Liham sa mga Pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa New People's Army (NPA)