Pahayag

Balik tanaw sa Kasaysayan: "Trending" ang MAKIBAKA noon, pasiglahin ang lahatang panig na pakikibaka ng kababaihan ngayon!

,

Sa iilang mga pagkakataong pumapabor ang mga hakbangin ng korte, ang pagkaka-aresto kay dating presidenteng Rodrigo Duterte ng International Court of Justice o ICC ay nagbibigay pag-asa para sa lahat ng biktima ng karapatang pantao. Buong daigdaig ngayon ay saksi sa paglilitis kay Duterte, kung saan ang mismong prosesong ito, ang ipinagkait niya sa mga biktima ng extra-judicial killings noong panahon ng kanyang gera laban sa droga.

Kaya naman, trending ngayon sa social media ang mga mukha ng mga babaeng ina, asawa at kapatid, marami ay complainant sa dinidinig na kaso sa ICC, at ihahambing ito sa diumano’y kaawa-awang postura ng pamilya Duterte at ng kanilang mga kasapakat. Lilituhin at lilinlangin pa ng mga bayaring trolls ang mga sumusubay sa pagkakaaresto at ngayo’y pagkakalitis ng dating presidente ng mga mis-impormasyon at dis-impormasyong naglalayo sa mga facts ng mga pangyayari.

Marso rin, taong 1971 kung kailan ang mga kababaihang Pilipino ay gumagawa rin ng “trend” hinggil sa mga usaping pulitikal at magpapalaya sa kababaihan. Ika-18 ng Marso ang unang Pangkalahatang Asembleya ng MAKIBAKA o Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan. Hindi nagpahuli ang mga kababaihang aktibista na ito sa paglalantad ng kabulukan sa sistemang panggobyerno ni Marcos Sr.

Si Marcos Sr., na ibinaon sa utang ang Pilipinas at ginawang prayoridad ang mga obras publikas para sa pansariling interes at korapsyon. Pinaboran nito na pautangin at bigyan ng mga insentibo ang mga dayuhang kapitalista at malalakaing burgesya komprador. Isinabatas ang mga kasunduang nagpapalala sa export-policy at murang lakas paggawa. Inilantad itong lahat ng lumalawak na hanay ng mga aktibista, kasama na ang MAKIBAKA.

Ginamit rin ng MAKIBAKA noon ang pagkakapanalo sa unang pagkakataon ng isang Pilipina na si Gloria Diaz sa Miss Universe noong 1969, para pukawin at kwestyunin ng sanlaksang kababaihan ang hinggil sa mas mababang pagtingin sa kababaihan o ang dagdag na pyudal patriyarkal na pang-aaping nararanasan ng mga kababaihan.

Nakaugat sa masa ang ginawang pagmumulat at pag-oorganisa ng MAKIBAKA sa mga kababaihang estudyante, manggagawa, magsasaka at maging sa mga propesyunal. Naging malaki ang ambag ng MAKIBAKA sa komprehensibong pagpapasigla at pagpapalawak ng buong pambansa demokratikong kilusan. Sa lakas ng mga protesta at panawagang “rebolusyon ang solusyon!”, nangailangang ideklara ni Marcos ang martial law at gawaing iligal ang maraming militanteng organisasyon tulad ng Kabataang Makabayan at MAKIBAKA.

Napilitang kumilos ng lihim, marami sa mga kasapian ng MAKIBAKA ay nagtungo sa kanayunan at ang iba ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Isa na rito ang isa sa mga tagapagtatag ng MAKIBAKA na si Lorena Barros.

Nang itatag ang National Democratic Front noong 1973, isa ang MAKIBAKA sa mga naging unang kasapi. Kaya noon pa man, malinaw nang naipwesto ang programang pangkababaihan at pambata ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Simula’t sapul, hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang pagsusumikap ng MAKIBAKA na pangunahan at isulong ang rebolusyonaryong kilusang kababaihan (RKK) na integral sa PDR. Tanging sa konteksto ng makamasang kilusang mapagpalaya, maisususlong ang interes ng mga kababaihan, lalo na ng kababaihang anakpawis sa kanayunan man o kalunsuran. Buhay ito sa mga tinataguyod na base at mga larangan sa konteksto ng digmang bayan.

Bagamat may panahon rin ng pag-atras. May isang yugto ng kasaysayan ng RKK, lalo na noong dekada `80 at unang bahagi ng `90, kung kailan nahulog sa bitag ang kilusang kababaihan, lalo na ang nasa kalunsuran, sa burges pemenismo na nagresulta sa NGOismo, sektoralismo at repormismo. Panahon ito na luluwag sa maka-uring pagtanaw at pagsusuri sa mga “usaping pangkababaihan”. Naging mapanghati ang impluwensiyang burges na ito sa buong kilusan katulad ng “kapitalismo na ang Pilipinas” na dumiskaril sa pagsulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Naigpawan at nakapanumbalik ang sigla ng kilusang mapagpalaya ng kababaihan dahil sa kilusang pagwawasto. Muli nitong ililinaw na ang Marso 8 ay Araw ng Paggunita ng mga Kababaihang Anakpawis. Muli nitong tatanganan ang mga prinsipyong tunay na mapagpalaya sa uri, na siya namang hahawan ng daan para sa inaasam-asam na pagkakapantay-pantay ng mga kasarian.

Sa kasalukuyan, kritikal ang MAKIBAKA sa mga imperyalistang opensiba sa ekonomiya, pulitika at lalo sa kulturang sumasalanta sa mamamayan ng daigdig. Walang kapantay ang krisis ng neoliberalismo kung saan winawasak nito ang mga produktibong pwersa na may kaakibat na papatinding atake sa demokrasya at panunupil na siya ring naglalagay sa mga kababaihan, lalo na sa mga uring anakpawis na kababaihan, mga bata at LGBTQ, sa mas matitinding porma ng pagsasamantala, pang-aapi at pandarahas.

Ang hamon ng kasalukuyang panahon ay palaganapin nang may talas at mga mapanlikhang kaparaanan ang mga prinsipyo at programa ng MAKIBAKA. Ang buong kilusan ay dapat buong linaw na magpaliwanag hinggil sa iba’t ibang usapin ng burges-peminismo at mga dekadenteng gawi at kaisipan na bumabangga sa mga diwang progresibo at kulturang rebolusyonaryo.

Ang hamon ay umugat sa masa at muling iguhit ang kilusang masa na tinatanganan ang pagiging integral ng papel at ambag ng mga kababaihan, bata, at maging ng LGBTQ para sa ikatatagumapay ng pambansa demokratikong rebolusyon para likhain ang mas abanteng mga kundisyong panlipunan.

Ang hamon ay lahatang panig na isulong ang wastong ideolohiya, politika, at linya sa organisasyon sa hanay ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan na nakapaloob sa PDR na may sosyalistang perspektiba.

Tunay ngang kaabang-abang ang mga kaganapan sa mga susunod na araw. Pero hindi pwedeng umantabay lamang ang mga naging tunay na biktima ng panunupil at pang-aapi. Kailangan makialam ang marami at likhain rin ang kasaysayan ng mga protesta lalo na at hangad natin ang prosekusyon ng nasasakdal na si Duterte na dapat panagutin ng sangkatauhan lalo’t lalo na ng sambayanang Pilipino.

Muling gawing “trending” ang pagkilos at pakikibaka ng mga kababaihang sumisigaw ng “hustisya at diwa ng katarungan ay marapat lamang sa mga biktima!”

Muling magpalakas ng hanay! Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo! Itayo ang lipunang may hustisya, tunay na kapayapaan, kalayaan, at pagkakapantay-pantay!

Mabuhay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Pambansa Demokratkong Rebolusyon na may Sosyalitsang Perspektiba!

Balik tanaw sa Kasaysayan: "Trending" ang MAKIBAKA noon, pasiglahin ang lahatang panig na pakikibaka ng kababaihan ngayon!