Pahayag

Press Release Bulok, marumi at madugo ang eleksyong 2025—CPP

Ilang araw na lang bago ang botohan sa halalang 2025, pinaarangkada na ng nangungunang mga kandidato ang makinarya para makalamang sa kani-kanilang mga kalaban. Kabi-kabila na ang bilihan ng boto at panunuhol, kadalasa’y gamit ang rekurso ng estado. Umarangkada na ang mga patalastas, sarbey, poster at iba pang gimik para impluwensyahan ang boto ng mamamayan.

“Balyahan ng mga Marcos at Duterte ang pangunahing katangian ng eleksyon, ang dalawang pinakabulok na pangkatin sa naghaharing uri sa Pilipinas,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP.

“Hindi magiging kataka-taka kung magkakagulo sa araw ng botohan dahil tiyak na gagamitin ng pangkating Marcos ang hindi subok na mga makina ng Miru para dayain ang botohan,” ayon kay Valbuena. “Kalakaran na ng nakaupong pangkatin na dayain ang eleksyon sa pamamagitan ng pagmanipula ng mga makina. Sa ganitong paraan ipinanalo ng mga Duterte ang tambalang Marcos-Duterte noong 2022, sa ganitong paraan din sila dadayain ngayong eleksyon.”

Samantala, patuloy na maghihirap ang taumbayan.

“Walang tunay na puwang ang paglahok dito ng masang Pilipino. Pinalalabas na demokratiko ang eleksyon, gayong ang katotohanan, para lamang ito sa mga burukratang kapitalista, mga burgesyang komprador at panginoong maylupa,” pahayag ng CPP sa editoryal ng Ang Bayan.

“Alinman sa mga Marcos o mga Duterte ang manaig sa darating na halalan, tiyak na patuloy at lalong bibilis ang pagkabulok ng reaksyunaryong estado, sa harap ng walang kalutasang krisis ng naghaharing sistema.”

Sa harap nito, nanawagan ang CPP sa sambayanan para “patuloy na patatagin ang solidong organisadong hanay at magpunyagi sa landas ng militanteng pakikibaka.” Haharap ng malalaking laban ang bayan pagkatapos ng eleksyon — sa pagpapakulong kay Duterte sa ICC, impeachment ni Sara sa Senado, kasabay sa pagbulusok ng kabuhayan at buhay ng mamamayan sa ilalim ng paghahari ni Marcos at pagsusunud-sunuran ng kanyang rehimen sa panunulsol ng US ng imperyalistang gera laban sa China.

“Sa nakalipas na mga buwan, napakarami na namang namulat ang mata sa kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon at huwad na demokrasya sa ilalim ng naghaharing sistema,” ayon sa CPP. “Ipinakikita nito sa taumbayan na tunay ngang rebolusyonaryong pagbabago ang solusyon sa mga pundamental na problema ng sambayanan.”

Sa kanayunan, patuloy na “nakapagpupunyagi at nakapagpapalakas ang BHB sa kabila ng walang awat at brutal na gera ng panunupil ng rehimeng Marcos,” ayon sa CPP. Patuloy na lumalalim at lumalawak ang ugnayan nito sa masang magsasaka. Positibo ang Partido na sa gabay ng kilusang pagwawasto, patuloy na babagtasin ng digmang bayan ang landas ng pagsulong.

Bulok, marumi at madugo ang eleksyong 2025—CPP