Press Release CPP sa NTF-Elcac at AFP: Itigil ang pang-aalipusta kay Ka Dahlia at mga kabataang martir
“Hindi mabubura ng pang-aalipusta ninyo kay Ka Dahlia ang katotohanang libu-libong kabataan ang lumahok at lalahok pa sa rebolusyonaryong kilusan para baguhin ang bulok na lipunan at ipihit ang kapalaran ng bansa.”
Ito ang tugon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa naging mga pahayag ng National Task Force-Elcac at mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naglalarawan kay Ka Dahlia na “biktima ng manipulasyon” ng Partido at New People’s Army.
Si Ka Dahlia, o si Dee Supelanas, ay isa sa pitong Pulang mandirigma na namartir noong Abril 27 sa isang labanan sa Kabankalan City, Negros Occidental. Dati siyang lider estudyante sa UP Cebu bago sumapi sa NPA sa Negros.

“Sa pang-aalipusta kay Ka Dahlia na anila’y ‘nabudol’ o ‘namanipula’ ng CPP, ipinakikita ng mga upisyal ng NTF-Elcac at ng AFP na kulang sila ng talino at pag-unawa sa kasaysayan ng bansa,” ani Valbuena.
Dagdag niya, “Ang kasaysayan ng Pilipinas ay hitik sa mga bayaning nagmula sa hanay ng matatalino at matatapang at tunay na pinakamahusay na anak ng bayan na tumindig laban sa pang-aapi at pagsasamantala sa bayan, at lumahok sa himagsikan para ibagsak ang mga tirano at mananakop na dayuhan.”
“Ang pang-aalipusta ninyo kay Ka Dahlia at ibang mga kabataang martir ng sambayanan ay lalo lamang pumupukaw at nag-uudyok sa mga kabataan,” ani Valbuena. “Si Ka Dahlia, tulad ng daan-daang kabataang rebolusyonaryo, ay namulat dahil sa pasismo ng AFP at estado. Ang kanyang kamatayan ay resulta mismo ng mabagsik na pasismo na ito.”
“Dahil binubulag sila ng pasistang ideolohiya at binubundat ng korapsyon, hindi maunawaaan ng AFP at NTF-Elcac kung bakit ang ideyalismo ng mga kabataan at paghahangad para sa mas maayos na kinabukasan para sa buong bayan ang nagiging liwanag nilang gumagabay sa kanilang pagbagtas sa rebolusyonaryong landas,” ayon kay Valbuena.
“Sila mismo ay dumaranas ng matinding kahirapan dulot ng mataas na gastos sa edukasyon, matataas na presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo,” ani Valbuena. “Magtapos man sila o hindi, wala silang mapasukang disenteng trabaho. Kung makapaghanapbuhay man, napakababa ng sahod o kita,” paliwanag ni Valbuena.
“Ang NTF-Elcac at AFP, sampu ni Marcos mismo, ang nanloloko sa mga kabataan na may magandang kinabukasan kung hindi sila iimik o lalaban,” ayon kay Valbuena. Ayon sa upisyal ng CPP, “ang mga programa nito sa mga eskwelahan at komunidad na diumano’y “kontra-radikalisasyon” ay may layuning patayin ang kanilang kritikal na pag-iisip at kamalayan.”
Ayon kay Valbuena, sa ilalim ng programang “kontra-radikalisasyon,” anumang organisasyon, konseho, pahayagan at indibidwal na hindi sumang-ayon sa NTF-Elcac ay malisyosong binabansagang kasabwat ng armadong kilusan, upang bigyang-matwid ang pananakot, panggigipit, pagkakaso at pag-aresto at pinakamalala, pagpatay sila. “Kaya marapat lamang na itakwil ng mga estudyante ang NTF-Elcac sa kani-kanilang mga paaralan.”
“Hindi bulag at bingi ang mga kabataan sa malawak na kahirapan sa lipunan, sa pagsasamantala at pang-aapi, at laluna ang lansakang panunupil sa masang anakpawis. Sa kanilang panggigipit at pamimilit, ang mga pasista katulad ng NTF-Elcac at AFP ang numero unong nagtuturo sa mga kabataan na lumaban,” dagdag pa ni Valbuena.