Press Release CPP sa NTF-Elcac: Ibalik muna ninyo si Baby Marx, bago kayo sumatsat ng karapatang-bata
Walang karapatang magsalita ang NTF-Elcac tungkol sa karapatang-bata at batikusin ang diumano’y mga paglabag dito ng New People’s Army gayong ang NTF-Elcac at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sagadsaring at walang pakundangang lumalapastangan sa mga karapatang-bata sa madugong counterinsurgency operations nito.
“Ibalik muna ninyo si Baby Marx sa kanyang lola at lolo bago kayo magsasatsat tungkol sa mga karapatang-bata,” pahayag ni Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines.
Tinutukoy ni Valbuena ang kaso ng pagkidnap ng mga tauhan ng 79th Infantry Battalion noong Enero 13, 2021 sa noo’y dalawang-buwang sanggol na si Baby Marx Cairo Salino, mula sa pangangalaga ng kanyang mga kaanak sa Barangay San Fernando, Talisay City. Kinuha nila ang sanggol upang pwersahin ang kanyang mga magulang na kasapi ng NPA na sumurender. Hanggang ngayon, tumatanggi ang AFP at ang lokal na ahensya ng Department of Social Work and Development (DSWD) na ibalik ang bata sa kanyang lola’t lolo.
Ang pahayag ni Valbuena ay reaksyon sa pahayag ng NTF-Elcac na bumabatikos sa CPP at New People’s Army sa diumano’y mga paglabag sa mga karapatang-bata. Ginamit ng NTF-Elcac ang ulat ng United Nations secretary general na nagsasabing 41% ng mga “malulubhang paglabag sa karapatan ng mga bata” ay gawa diumano ng CPP at NPA.
“Sa kasamaang-palad, nagbatay lamang ang UN secretary general sa mga ulat na nagmula rin sa AFP na tadtad ng kasinungalingan. Kabilang dito ang mga batang pinararatangang kasapi ng NPA para bigyang-matwid ang pagkaladkad sa kanila sa mga taumbaryong ipinaparada ng AFP na mga ‘sumurender,'” wika ni Valbuena.
“Bulag ang United Nations sa napakaraming kaso na imbwelto ang AFP at NTF-Elcac sa pagpatay, pag-abuso at pagkidnap sa mga bata at maging sa mga sanggol,” ani Valbuena.
“Dokumentado ang napakaraming kaso ng paglabag ng AFP sa mga karapatang-bata sa mga operasyong counterinsurgency sa mga baryo sa kanayunan,” ayon kay Valbuena. “Ang mukha ng mga upisyal ng NTF-Elcac at AFP ay may bahid ng tumilamsik na dugo ng napakaraming batang pinaslang ng mga pasistang sundalo.”
Tinukoy ni Valbuena ang mga kaso ng pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa mga batang sina Kuni Cuba, Jerick Jugal, Kylene Casao, Argie Salvador, Carleng Belan, JP Osabel, sa magkapatid na Raben at Ben Fausto na minasaker kasama ng kanilang mga magulang, kay Everly Kee na pinatay kasama ang 5-buwang buntis niyang ina. Dagdag pa ang pamamaril ng 20th IB sa tatlong bata sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar noong Pebrero 8, 2022, kung saan napaslang ang dalawa, at sugatan ang isa.
“Di maikakaila, itinulak ng hibang at brutal na programang counterinsurgency ng rehimeng Marcos at NTF-Elcac ang kaliwa’t mga masaker sa buu-buong pamilya, pamamaslang ng mga sibilyang inaakusahang mga Pulang mandirigma, iligal na pang-aaresto at detensyon, sapilitang pagpapalayas, sapilitang pagpapasuko at iba pang krimen,” ayon kay Valbuena. “Walang pakundangang inaasinta ng AFP maging ang mga bata.”
Ipinaalala ni Valbuena na “hindi lamang isa, kundi dalawang UN Special Rapporteur ang nanawagang buwagin ang NTF-Elcac dahil sa pinsala nito sa pagpapahayag at demokrasya.” Nanawagan kapwa si Irene Khan, UN Special Rapporteur on freedom of opinion and expression, at si Ian Fry, dating UN Special Rapporteur on the promotion and protection of human rights in the context of climate change. Ginawa nila ang mga panawagan matapos ang kanilang mga imbestigasyon sa Red-tagging at pagtarget ng ahensya sa mga sibilyan noong 2023 at 2024.
Partikular na tinukoy ng mga UN Special Rapporteur ang kampanya ng NTF-Elac na Red-tagging na pilit pinalalabas na “truth telling” kahit inilinaw na ng Korte Suprema na ang pagsasagawa nito ay “banta sa buhay, kalayaan at seguridad” ng mga indibidwal.
“Nitong huli, may gana pang pagbantaan ng NTF-Elcac si Leila de Lima na sinabihan nitong ‘maghinay-hinay’ sa plano niyang magpanukala ng batas laban sa Red-tagging,” ayon kay Valbuena. “Nag-iimbento ang ahensya ng mga multong tulad ng radikalisasyon, terror-grooming at pagsasamantala sa mga bata para itago ang sarili nitong kahindik-hindik na mga krimen.”
Ani Valbuena, sinusuportahan ng CPP ang panawagan mga UN Special Rapporteur at malaking bilang ng mga demokratikong organisasyon para buwagin ang NTF-Elcac sa lalong madaling panahon.
“Salot, pahirap at pabigat sa mamamayan ang ahensyang ito. Dapat na itong buwagin, at papanagutin ang mga upisyal sa madudugong krimen nito.”