Pahayag

Press Release "Free legal assistance" ni Marcos, pangdepensa sa kriminal na mga sundalo at pulis

Binatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Ferdinand Marcos Jr sa pagpirma nito kamakailan sa Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act na magbibigay ng libreng serbisyong ligal sa tiwala at kriminal na mga sundalo at pulis.

Unang isinampa ang panukala sa panahon ni Rodrigo Duterte na nangako ng ligal na suporta sa mga pulis na nahaharap sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang krimen.

“Pagdating sa pasistang panunupil, talagang pareho lang si Marcos kay Duterte,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng CPP. “Tulad ni Duterte, inililigtas ni Marcos ang mga sundalo at pulis, laluna ang kriminal at tiwali sa kanilang hanay, sa kanilang ligal na mga pananagutan.”

“Pagtatakip ito sa nagawa na at gagawin pang mga krimen at paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng AFP at PNP.”

Ang libreng serbisyong ligal ay kasunod sa pagbigay ni Marcos ng ₱200 dagdag sa arawang subsitence alawans ng mga sundalo. “Todo-todo ang panunuhol at pagpapabango ni Marcos sa militar at pulis para tiyakin ang katapatan ng mga ito sa kanya,” ayon kay Valbuena.

Gayunpaman, hindi nito maililigtas ang mga sundalo at pulis sa rebolusyonaryong hustisya. “Maisalba man sila ni Marcos sa reaksyunaryong mga hukuman, hindi sila makakawala sa hustisya ng rebolusyonaryong kilusan,” ayon kay Valbuena.

“Nakatala ang bawat krimen sa mamamayan, bawat pagyurak ng mga sundalo, pulis, paramilitar at kasabwat nilang mga armadong grupong kriminal sa karapatan ng mamamayan,” dagdag ni Valbuena. “Mananagot at mananagot sila sa bayan.”

"Free legal assistance" ni Marcos, pangdepensa sa kriminal na mga sundalo at pulis