Pahayag

Press Release Hindi sukatan ng tiwala ng mamamayan ang nagdaang eleksyon

Hibang ang NTF-Elcac kung ang ginagamit nitong panukat sa tiwala ng mamamayan ay ang nagdaang bulok at maruming eleksyon.

“Tadtad ng mga ulat ng anomalya, pandaraya at karahasan ang nagdaang eleksyon,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

“Hindi maipaliwanag ng Comelec ang mga ulat ng malawakang nga problema sa makina ng Miru, unang-una na ang napakakwestyunableng pag-upgrade diumano ng system nito, na iba sa nabigyan ng sertipikasyon,” ani Valbuena.

“Garapalan at sistematiko ang ginawang dayaan at manipulasyon sa resulta ng halalan na ipinakikita ng nakalululang dami at lawak ng anomalya, tulad na lamang ng pagwawalambisa sa mahigit 18 milyong boto dahil sa overvoting, at ang nangyaring dobleng pagbibilang sa 5 milyong boto,” dagdag ng upisyal ng CPP.

Sabi ni Valbunea, “Laganap din ang maraming pangalan na nawala sa listahan ng mga botante, ang napakababang turn-out ng mga botanteng migranteng Pilipino dahil sa biglaang pagbaling sa online voting at marami at samutsaring mga reklamo, na taliwas naman sa sinasabi ng Comelec na wala pang kapantay na dami ng bumoto.”

“Sa harap ng sistematiko at laganap na dayaan, hibang lamang ang magsasabi na salamin ito ng sentimyento ng mamamayan,” ani Valbuena. “Lalong kahibangan ang sabihin na sukatan ito ng tiwala ng mamamayan sa mga progresibong partido.”

“Malaking kalokohan din ang sinasabi ng NTF-Elcac na patunay diumano ang eleksyon ng kawalan ng suporta ng mamamayan sa armadong rebolusyon,” sabi ni Valbuena. “Hindi naman tumakbong kandidato ang NPA sa eleksyon.”

“Dominado ang eleksyon ng mga kinatawan ng naghaharing mga uri, na nahahati sa dalawang pinakakinamumuhiang pangkating Marcos at Duterte, at kanilang mga galamay at tagasunod,” ayon kay Valbuena. “Wala itong pundamental na binago sa lipunang Pilipino. Ni hindi nito binigyan ng bagong mukha ang Kongreso at Senado dahil parehong mga burukratang kapitalista ang mayorya sa nakapwesto.”

“Tutok na tutok ang NTF-Elcac sa mga progresibong partido na inaakusahan nitong “CPP-affiliated” para tabunan ang ipinaglalaban nila para sa mga mahirap at hangaring kalayaan ng buong bayan,” ayon kay Valbuena.

“Inaakusahan nito ang mga progresibo ng “insurhensya sa pamamagitan ng eleksyon” gayong wala naman silang mga baril at pinili nilang makipagtagisan sa mga ideya para makuha ang boto ng mga tao sa eleksyon na malinaw na larangan ng malalaking pamilyang burukrata at pinatatakbo ng pera, impluwensya at dahas.”

“Walang ilusyon ang CPP, kasama ng buong rebolusyonaryong pwersa, sa reaksyunaryong eleksyon,” ayon kay Valbuena. “Malinaw ang panawagan ng Partido: Rebolusyon ang tunay na solusyon sa batayang mga problema ng sambayanang Pilipino. Hanggang ang mga problemang ito ay di nahaharap at nabibigyan ng solusyon, iiral at lalakas ang armadong paglaban.”

Hindi sukatan ng tiwala ng mamamayan ang nagdaang eleksyon