Pahayag

Hinggil sa access fee sa panahon ng eleksyon


Naninindigan ang Leonardo Pacsi Command (NPA-Mt.Province) na tanging sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon malulutas ang mga pundamental na suliranin ng sambayanang Pilipino. Walang tunay na pagbabagong makakamit sa ilalim ng burges at reaksyunaryong eleksyon.

Gayunpaman, kinikilala at hinahamig ng rebolusyonaryong kilusan ang mg kandidato, grupo, at partido na may mga progresibong pananaw, tindig at/o programa at handang makipagtulungan sa mga rebolusyonaryong pwersa para sa interes ng mamamayan.

Sa kabilang banda, inilalantad at inihihiwalay nito ang sagad-saring personahe o grupo na maraming kasalanan sa mamamayan, napatunayang korap, magnanakaw, mandarambong, o mandaraya, at walang-pakundangang bumubuntot sa pasismo ng Estado.

Sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon, higit sa paniningil ng “access fee”, ipinapatupad pa rin ng NPA ang mandato nito bilang tunay na hukbo ng mamamayan.

Nakikipag-usap ito sa sinumang pulitiko na nagnanais mangampanya sa mga eryang saklaw ng Pulang kapangyarihan upang tiyaking tutupad ang mga ito sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan. Halimbawa ng mga ito ang pagbabawal sa paggamit ng mga armadong grupo, private army o goons para manakot, pandaraya, at/o pamimili ng boto.

Sa kabilang banda, hinihimok ang mga pulitikong manindigan para sa kapakanan ng masang magsasaka at suportahan ang mga programa para sa kanilang kagalingan.

Ang access fee ay hindi sapilitang ibinibigay ng mga pulitiko na nakikipag-usap sa mga NPA kundi ibinibigay nang maluwag sa loob at kusang loob. sa mga lugar na kanilang pangangampanyahan. Ito rin ay pagkilala, pagsalubong at pagrespeto nila sa mga kahingian ng mamamayan.

Sa ultimo, ang access fee ay ang pagkilala ng mga pulitiko mismo sa saklaw at lakas ng Pulang kapangyarihan at ang kahandaang makipagtulungan sa mamamayan at sa rebolusyonaryong kilusan.

Hinggil sa access fee sa panahon ng eleksyon