Statement

Huwag nang manahin pa ang tatlong pamana sa ikalimang taon ng rehimeng US-Duterte

Hlatang pilit pahabain para palabasing maraming nagawa. Mas marami pa ang pagyayabang. Kahit pa puro mga kapalpakang pinabango lang ang pagkakapakete, mema-ipagyabang lang.

Nag-aksaya lang ng laway si Duterte sa pagbubuhol-buhol ng mga kasinungalingan at kung ano-anong mapulot na ad lib. Nadismaya ang kahit sinong nakinig sa loob ng halos dalawang oras kahihintay ng makabuluhang nilalaman.

Iyon pala, kayang-kayang isuma ang huling State of the Nation Address ng rehimeng US-Duterte sa TATLONG PAMANA; mga pamanang hindi na gugustuhing manahin pa ng kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

.

Pamana ng de facto Martia Law

Sa mga unang minuto pa lamang ng kanyang talumpati, agarang binigyang-diin ni Duterte ang priyoridad nito sa pasistang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Maisasakatuparan niya lamang ang pangarap na manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng paglulunsad ng armadong pagsupil laban sa oposisyon, aktibong kritiko, at sa rebolusyonaryong kilusan.

Kung kaya’t desperado si Duterte na paramihin ang kanyang armadong tauhan, mula sa mga ground troops ng AFP at PNP hanggang sa mga paramilitar na CAFGU. Upang mas marami ang mahikayat magsundalo, tinaasan ang batayang sahod sa bagong rekrut sa P29,668 kada buwan, mas mataas pa kaysa buwanang sahod ng mga propesyunal tulad ng mga titser at nars. Masahol pa, hindi nababawas sa sahod ang kanilang pensyon at sasaid pa sa P859 bilyon kada taon sa kaban ng bayan sa loob ng 20 taon.

Nagkaroon ng hindi-mahangganang kapangyarihan ang mga berdugong militar sa lahat ng ahensya at antas ng gobyerno. Nagsimula sa pagpapaupo ng mga retiradong heneral sa gabinete, nakonsolida ang hunta-militar sa katauhan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Pangunahing daluyan ito ng disimpormasyon o pagpapakalat ng fake news at saywar laban sa hayag at di-hayag na kilusan. Naging instrumento rin ito sa walang-habas na pangreredtag sa mga aktibong kritiko ng administrasyon.

Sa bisa ng ATA, binuo ang Anti-Terrorism Council (ATC). Nagbigay ito sa mga militaristang upisyal ng kapangyarihang ehekutibo at hudisyal. Higit nang kumitid ang demokratikong espasyo sa bansa dahil maaari nang makulong ang sinumang babansagang “terorista” kahit walang mandamyento de aresto.

Sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP), binibigyan-katwiran ang pagpapakawala ng mga halimaw na militar sa tabing ng paghahatid-serbisyo sa mga mamamayan. Ngunit sa aktwal, hatid-perwisyo lamang ang iba’t ibang tipo ng mga atakeng militar sa hindi bababa sa 610 barangay ng 321 bayan sa 65 prubinsya. Dagdag pa ang peke at pwersahang pagpapasurender, hamletting, at food blockade sa mga baryong hinihinalang impluwensyado ng NPA.

Sa kabuuan, 1,058,108 ang naitalang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa loob ng limang taon ni Duterte. Sa Cagayan nakapagtala ng dalawang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, anim na detensyong-pulitikal, dalawang kaso ng pagtatanim ng baril at bomba, liban pa sa mga malalakihang operasyong-militar at sapilitang “pagpapalinis ng pangalan” sa hanay ng mga magsasaka at katutubo.

Ito ang pamanang de-facto Martial Law ni Duterte.

Pamana ng kriminal na kapabayaan sa gitna ng pandemyang Covid-19

Pang-65 sa 91 na bansa sa buong mundo, nangungulelat ang Pilipinas sa pagtugon sa COVID-19.

Militarista kasi, imbis na medikal at siyentipiko, ang approach nito sa paglaban sa virus. Dahil replikasyon lamang ng NTF-ELCAC ang ang Interagency Task Force against Covid-19, hindi nakapagtataka kung bakit puro nakakasakal na quarantine restrictions at kaparusahan sa mga lumalabag sa health safety protocols lang ang alam nitong gawin.

Umabot sa 1.4 milyong Pilipino ang sinita ng PNP dahil sa hindi pagsunod sa protocols, at 42,000 rito ang kanilang inaresto. Napatunayan namang hindi naging epektibo ang mga paghihigpit dahil mahigit 8,000 na bagong mga kaso ng COVID-19 ang patuloy na naitatala kada araw.

Malinaw rin ang misprioritization ng rehimen sa panahon ng pandemya. Sa halip na buhusan ng malaking pondo ang kalusugan, nakatanggap lamang ito ng kakarampot na P221.1 bilyon ngayong 2021.

Usad-pagong ang mass testing sa tantos na 50,000 katao kada araw at contact tracing ratio (kontak sa bawat positibong kaso) na 1:5. Malayo pa sa istandard ng World Health Organization na 101,000 tests kada araw at 1:30 contact tracing ratio sa kalunsuran at 1:25 sa kanayunan.

P5.26 bilyon lang ang kabuuang inilaan para sa procurement ng mga bakuna, malayong-malayo sa P82.5 bilyon kinakailangan upang maabot ang herd immunity (o makumpleto ang 2 doses ng 70% ng kabuuang populasyon) sa bansa.

Sa parehong taon, naglaan ng tumatagingting na P1.1 trilyon para sa mga proyektong pang-imprastrukturang hawak ng mga pribadong kontraktor, P1.3 trilyon para pambayad-utang.
Kung mananatili ang tantos ng pagkumpleto sa 2 doses ng bakuna na 106,304 Pilipino kada araw, maaaring tumagal pa hanggang 2023 ang lockdown sa bansa. At alam naman mismo ni Duterte ang negatibong epekto sa ekonomya ng posibleng paglawig pa ng lockdown. “To the point of irreversible damages”, ika nga niya sa kanyang huling SONA.

Pamana ng pagkabangkarote ng pambansang ekonomya

Hindi rin masisisi ni Duterte ang pandemyang COVID-19 sa kung bakit napakalala ng pagbagsak o kontraksyon ng pambansang ekonomya ng Pilipinas. Bunga ito pangunahin ng mga neoliberal na polisiya tulad ng patuloy na pagbubuyangyang ng ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sa gayong lohika, pinararatsada ni Duterte sa Kongreso ang Foreign Investments Act at Retail Trade Liberalization Act. Kamakailan lamang, inilabas ni Duterte ang Executive Order no. 130 na muling nagpapahintulot sa dating mga isinarang minahan ng mga dayuhan sa bansa.

Epekto naman ng pagiging palaasa sa imports, ramdam pa rin ang pananalasa ng Rice Tariffication Law. P75-90 bilyon ang lugi ng mga magsasaka ng palay dahil sa napakababang farm-gate price nito.
Pinasahol pa ito ng paghinto ng ekonomya sa loob ng higit 16 na buwan ng lockdown sa Pilipinas. Bumagsak ng -9.7% ang ekonomiya, pinakamasahol na inabot nito simula noong matapos ang World War II.

Umakyat sa 3.7 milyong manggagawa ang walang trabaho mula sa 1.3 milyon bago ang pandemya. Mas lalong nagpahirap ang kawalan ng ayuda, habang may P14 bilyon pang hindi napapamahagi ang DSWD sa mga benepisyaryo nito.

Patuloy namang tumataas ang presyo ng bilihin, na mas lalo pang lalala kung papatungan ng dagdag na 10% ang excise tax sa langis. Hindi na nakapagtataka kung bakit umabot na sa 46.1 milyong Pilipino ang walang kaseguruhan sa pagkain ngayong 2021.

Habang pabigat nang pabigat ang pasanin ng mga karaniwang konsumer, nagdiriwang naman ang mga malalaking korporasyon sa P251 bilyong matitipid bunga ng papaliit nitong Corporate Income Tax (CIT) mula 30% tungong 25% sa ilalim ng niratsadang CREATE Law.

Lumobo na sa P11.1 trilyon na ang kabuuang pambansang utang. Upang pagtakpan ang trahedyang ito, ipinagyabang na lang ni Duterte sa huling SONA nito ang mataas na credit rating ng Pilipinas.

Nagpapanggap lang na naaalarma si Duterte sa negatibong impact ng lockdown sa ekonomya. Sa buong tinagal ng pandemya sa Pilipinas, wala ang direksyon nito sa ligtas na pagpapanumbalik sa mga hanapbuhay at pag-aaral ng mga mamamayan.

Sa halip, pilit lamang nitong inilalako ang konsepto ng nakakamatay na “new normal”, na pagbibihis lamang sa dati nang umiiral na kaayusan. Para sa mga mahihirap, kagutuman at kawalang-oportunidad para umalwan ang pamumuhay.

Para kay Duterte at sa mga kroni’t malalapit na kaibigang pulitiko at negosyante, pribilehiyo ng akses sa mga serbisyong medikal at paglago ng mga dati nang naglalakihang mga negosyo.

Sa huli’t huli, hindi-palinlang ang mga mamamayang nakakaranas sa totoong State of the Nation. Ang lugmok-sa-kahirapang kalagayan mismo ang nagtutulak sa kanila upang lumaban hanggang ganap nang maibagsak ang may-pakana nito: ang palpak, pahirap, at pasistang rehimeng US-Duterte.

Kung mayroon mang positibong pamana si Duterte, ito ay ang higit-lalong paglakas at pagdami ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa buong kapuluan. Hangga’t nananatili ang inhustisyang panlipunan, hinding-hindi mauubusan ng dahilan ang mamamayan upang tumangan ng armas at magpunyagi sa armadong rebolusyon.

Hamon para sa lahat na kumilos upang itakwil ang mga bulok na pamana ni Duterte sa bayan. At wala nang ibang mas-epektibo pang paraan kundi ang pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.

Walang dapat ikabahala ang mga mamamayang may mahigpit na pagkakaisa sa loob nito at sa Pulang hukbong magtatanggol sa kanilang interes. Pinagbubuklod sila ng hangaring maipamana ang mapayapa at masaganang lipunan para sa lahat ng aping uri. At kahit anumang pambabaluktot ang gawin ng kaaway, mananatili’t mananatiling makatarungan ang pakikibaka ng mga mamamayan para sa katarungan at hustisyang panlipunan.

Huwag nang manahin pa ang tatlong pamana sa ikalimang taon ng rehimeng US-Duterte