Pahayag

Ilantad at Gapiin ang Tunay na Kaaway ng Mamamayan!

Matapos ang serye ng matatagumpay na aksyong-militar ng NPA laban sa AFP at PNP sa Bauko, Mt. Province nitong nakaraang linggo, pinalalabas ngayon ng AFP at PNP, katuwang ang militaristang si Anthony Wooden, meyor ng Tadian, Mt. Province, na ang Pulang Hukbo ang siyan kaaway ng mamamayan ng Mt. Prov. Kabilang sa mga kasinungalingang ipinupukol ng mga ito ay ang paninisi sa NPA sa puor o forest fire sa kabundukan ng probinsya. Gayundin anf pagdudulot ng istorbo sa ekonomya, pag-aaral ng kabataan at turismo ng probinsya.

Desperadong taktika ito ng Estado upang dungisan ang NPA, na sa loob ng limang dekada ay siyang tunay na katuwang ng Kaigorotan sa pagtatanggol sa karapatan, lupang ninuno at likas na yaman ng Cordillera.

Matagal nang kaisa ng Kaigorotan ang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban sa mga mapandambong na kumpanya ng enerhiya, logging at pagmimina. Noong panahon ni Marcos, nakibaka ang kababaihan at mamamayan laban sa mapang-abusong minahan sa Mainit, Bontoc. Humantong rin sa armadong pakikibaka ang paglaban sa nakaambang pangangalbo at paninira ng Cellophil Resources Inc. sa kabundukan ng Cordillera at pagpapalubog ng Chico River Dam Project sa ilang bayan ng probinsya.

Sa kasalukuyan, patuloy na lumalawak ang paglaban sa kabi-kabilang panghihimasok at pandarambong ng mga kumpanyang tulad ng Hedcor at Lepanto, kasapakat ang Rehimeng US-Duterte at ang AFP-PNP-CAFGU. Mahigpit na naninindigan ang NPA sa panig ng mga magsasaka, manggagawa, gardinera at minero na pawang biktima ng pagsasamantala ng mga kumpanyang ito at ng panunupil ng Estado.

Ang ilulunsad na “rally” sa pagpapasimuno ni Wooden noong Abril 9 ay malinaw na bahagi ng mapanlinlang at mapaniil na Oplan Kapayapaan ng Rehimeng US-Duterte, tulad ng kampanyang “pagpapasurender” at peace zone. Nagpapanggap si Wooden, isang reserve officer ng Philippine Army, na kinakatawan niya ang kahingian ng mamamayan ng Mt. Province para sa tahimik at mapayapang buhay. Ang totoo, walang ibang kinakatawan si Wooden kundi ang baluktot na kaisipan ng kanyang berdugong amo, si Duterte, na lantaran at walang kahihiyang ibinibenta ang mga rekurso ng Pilipinas sa sinumang dayuhang kumpanya na pinakamalaki ang maibubulsa ni Duterte at ng mga kakutsaba niya. Isa sa pinakatampok ngayon ay ang panibagong banta sa mga bayan sa kahabaan ng Chico River dahil sa proyektong Chico River Pump Irrigation Project.

Hangga’t mayroong mga mapanirang kunpanya na nang-aagaw sa likas na yaman ng Cordillera at ng Pilipinas, nanatili ang batayan para sa armadong paglaban ng mamamayan. Dito kinakapos ang isinusulong ni Duterte na makitid na localized peacetalks. Tanging ang usapang pangkapayapaan sa pambansang antas ang makakapagbigay ng solusyon sa malalim na ugat ng armadong pakikibaka na pinangungunahan ng NPA.

Hindi magpapabulag at magpapabraso ang mamamayan ng Mt.Province sa mga katulad ni Anthony Wooden na nagkukunwaring boses ng mamamayan sapagkat malinaw kung sino ang Hukbo na tunay na nagtataguyod sa kanilang interes.

Ilantad at gapiin ang tunay na kaaway ng sambayanan!
Biguin ang Oplan Kapayapaan!
Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte!

Ilantad at Gapiin ang Tunay na Kaaway ng Mamamayan!