Press Release Iringan sa AFP, salamin ng bulok na sistema sa militar
“Hindi na kami nagulat na umuugong na naman ang mga pakanang kudeta sa loob ng AFP. Lalo lamang itong kinumpirma ng ginawang pagtatanggi ni Gen. Romeo Brawner Jr na may iringan sa loob nito.” Ito ang pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP).
“Alam na alam ng lahat na may kani-kanyang paksyon sa AFP ang mga pulitiko, kahit piliting palabasin ng AFP na isa silang “propesyunal” na hukbo,” dagdag ni Valbuena. “Tapat ang mga heneral sa kung sino ang nagsabit ng kanilang medalya—marami ay na kay Marcos na, pero mayroon pang iba na tapat kay Duterte.”
“Pero,” ani Valbuena, “saan man silang panig, pare-pareho silang kurakot, pasista at papet ng US (bagaman may ilan na nililigawan ng China).”
“Walang kabusugan sa kurakot ng mga upisyal nito. Kahit nagtataasan ang sweldo, alawans at iba pang benepisyo, kinukurakot pa nila ang sweldo ng mga CAGFU na hindi maayos na nakatatanggap ng sweldo nila habang sila ang ipinambabala ng AFP sa kanyon,” dagdag ni Valbuena. Tinukoy niya ang halimbawa sa Zamboanga na kahit bigas na dapat na bahagi ng sweldo ng mga CAFGU, hinihingi pa ng AFP sa LGU.
“Napakayabang ng AFP pero kung wala ang US, di ito makatatayo nang sarili,” ayon kay Valbuena. “Hindi man nila aminin, ang mga upisyal militar ng US ang totoong nagpapatakbo ng AFP, nagbibigay ng armas, doktrina, direksyon at treyning.”
“Ang AFP ay ‘propesyunal’ lamang sa pagpatay sa mga tao—sibilyan man, bata, babae o mga Pulang mandirigmang wala nang kakayahang lumaban. Kahit sa sarili nitong hanay, di kaila ang mga krimen ng nakatataas na mga upisyal, tulad ng kamakailang nabunyag na panggagahasa at panghahalay ng isang major sa dalawang nakababatang upisyal.”
“Kung tutuusin, ang panggagahasa ng isang heneral ng AFP sa nakababatang upisyal ay salamin lamang ng talamak na pang-aabuso at terorismo ng AFP sa masa, laluna sa mga liblib na baryo,” ayon kay Valbuena.
“Panawagan namin sa mga ordinaryong sundalo at mga CAFGU, laluna yaong galing sa uring magsasaka at iba pang anakpawis, umalis na kayo sa serbisyo,” ani Valbuena. “Sa mga pinupwersa ng mga tropa sa mga barangay, maging matatag at tanggihan ninyo ang mga pamimilit. Sa mga naeengganyong magsundalo dahil sa laki ng sweldo, huwag na kayong tumuloy sa impyerno ng AFP.”