Pahayag

Kagitingan ang lumaban para sa masang api


Para sa Araw ng Kagitingan, April 9, nagpupugay ang Leonardo Pacsi Command, NPA-Mt.Province, sa lahat ng beteranong magiting na nakipaglaban para sa kasarinlan ng Pilipinas noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Nitong nagdaang linggo, ipinamalas rin ng mga Pulang kumander at mandirigma ang kanilang kagitingan sa tatlong magkakasunod na sagupaan sa Bauko at Tadian, Mt. Province. Ito ay laban sa magkakaibang yunit ng PNP, gaya ng Special Action Force (SAF) at 1502nd MC, RMFB15, at ng 5th ID ng Phil. Army.

Tiyak na ganito rin ang pakiramdam ng mga yunit ng PNP-AFP noong panahong iyon. Naniniwala ang LPC na sa bahagi ng mga karaniwang sundalo at pulis na nakilahok sa mga operasyong nakabangga ng mga yunit ng LPC ay masunurin lamang niyong ipinatupad ang mga utos ng matataas na opisyal.

Dinig na dinig ng mga Pulang mandirigma ang pagmamakaawa ng mga umaasolt na tropa ng Estado sa inyong Commanding Officer (CO) na hindi niyo kayang dumikit pa sa pwesto mga Pulang mandirigma dahil dehado ang inyong lagay. Ngunit, walang puso at pagmamalasakit na sinigawan ng CO ang mga elemento nito na puputukan niya ang sinumang hindi susunod sa komand niya ng pag-asolt. Ito ay sa kabila ng katotohanang kabi-kabila na ang sugatan at patay sa inyong hanay.

Kaawa-awa kung gayon ang kalagayan ninyong mga ordinaryong elemento ng PNP-AFP sa konteksto ng todo-gerang Oplan Kapayapaan ng pasistang Rehimeng US-Duterte. Nagsisilbi kayong pambala ng matataas na opisyal na uhaw sa promosyon at pansariling prestihiyo. Kayo ay collateral damage lamang kung masugatan o mamatay sa labanan. Ginagawa kayong tau-tauhan ng iilang makapangyarihan para makapanatili sa pinakabentaheng pusisyon sa ekonomya at sosyo-pulitika. Ang pinakamasahol pa ay natutulak kayong pumatay sa mga hikahos na tulad niyo at maging kakutsaba ng mismong mga nagpapahirap. Siguradong napakabigat nito para sa inyong konsensya.

Sa kasalukuyang sistema ng lipunan natin na laging nasa krisis, napakadaling kalimutan ang pagiging makatao at makatwiran kapalit ng ilang libong piso lamang. Alam naming tulak ng kahirapan at pagnanais na makapagbigay sa pamilya ng maaliwalas na buhay ang dahilan ng pagpasok niyo sa kapulisan o kasundaluhan. Dito tayo nagkakapareho at nagkakaiba rin. Galing din kami sa hirap at nangangarap din ng mas magandang kinabukasan para sa aming mga pamilya. Ngunit kaiba sa inyo, New People’s Army ang pinili naming landas para makamit ito.

Huwag niyong hayaang tuluyang maging bato ang inyong puso at manhid ang damdamin para sa mas malawak na kabutihan. Talikuran niyo ang propesyon na bumibiktima lamang sa mamamayang naghihirap at wala namang kasalanan kundi ang pakikipaglaban lamang para sa mga demokratikong karapatan.

Hindi kayo mismo ang aming kalaban kundi ang pasistang institusyon at Estado na gumagamit sa inyo para itaguyod ang interes ng mga malalaking dayuhang negosyo at kumpanya, mga pulitikong pinaggagatasan lamang ang mga buwis ng mamamayan at mga panginoong maylupa na nagsasamantala sa libu-libong magsasaka. Sila ang mga tunay na kaaway. Sila ang kaaway natin.

Kaya nananawagan kami, ang NPA-Mt.Province, sa mga kapatid naming pulis at sundalo, na tulad ng mga Pulang kumander at mandirigma ay galing sa mga pamilya ng magsasaka, manggagawa, gardinero o minero na gamitin ang kagitingan at katapangan sa pakikipaglaban para sa interes ng karaniwang tao. Kasama kayo sa ipinaglalaban namin.

Kagitingan ang lumaban para sa masang api